Ayaw Lubayan ng mga Hindi Matahimik na Kaluluwa ang Pamilya ng Embalsamador, Dahil Pala sa Pinakatatago Niyang Sikreto Kaya Ang mga Ito ang Sinisingil Ngayon

Katatapos lang ng house blessing ng pamilya Katakutan. Ito ang pang trentang beses nilang lumipat ng bahay. Hindi na rin mabilang kung ilang beses na nilang pinadasalan ang kanilang mga nililipatan. Ang pamilya Katakutan ay palipat-lipat ng bahay dahil hindi sila nilulubayan ng mga hindi matahimik na mga kaluluwa na walang tigil na kakabuntot sa kanila. Maliban na lang kay Matias, ang padre de pamilya.

“Matias, ikaw na lang ang mag-asikaso ng bagong dating. Hindi kaya ng sikmura ko.” Paki-usap ng kasamahan ni Matias sa trabaho. “Ilang taon ka na bang embalsamador? Isipin mo na lang nagkakatay ka ng baboy.” Payo ni Matias sa katrabaho niya.

Bilang isang batikang embalsamador ay normal na kay Matias na mapaligiran ng mga bangkay. Sa tagal niya sa trabahong ito ni minsan ay hindi pa siya nakaranas ng anumang kababalaghan kaya hindi siya naniniwala sa mga multo, espirito at kaluluwa na likha lamang ng imahinasyon ng mga tao. Hindi siya naniniwala sa mga ikinukwento ng kaniyang asawa’t mga anak.

Nakadelihensya si Matias sa kaniyang trabaho. At ngayong Pasko ay espesyal ang mga regalo niya sa kaniyang mga mahal sa buhay. Isang perlas na kwintas para sa kaniyang asawa, 5 carat na pulseras at hikaw para sa dalawa niyang prinsesa at relo para sa kaniyang binata.

“Saan ka kumuha ng perang pangbili ng mga alahas? Mahal ang mga ‘to. Baka isang buwan tayong magdidildil ng asin, Matias.” Nag-aalalang tanong ng asawa ni Matias. Para hindi mag-alala ang kaniyang maybahay ay binigay niya dito ang kalahati ng kaniyang sweldo para may budyet ito sa mga susunod na araw.

Ang dasal ng pamilya ni Matias na lubayan ng mga hindi matahimik na kaluluwa sa bago nilang tirahan ay hindi ipinagkaloob sa kanila. Bagkus ay lumalala pang ang pambubulabog ng mga ito. Kung dati ay nagpaparamdam lamang ang mga ito, ngayon ay nagpapakita na rin ito sa asawa’t mga anak ni Matias. At higit sa lahat ay hindi lang pananakot ang kanilang ginagawa.

“Humingi na tayo ng tulong sa isang albularyo. Baka yung mga multong ayaw tayong lubayan ang may gawa nito. Ilang doktor na ang pinuntahan natin pero ni isa ay walang nakakaalam kung anong sakit ang dumapo sa mga anak natin. Nanghihina na ang mga katawan nila.” Hiling ng asawa ni Matias.

Bigla na lang nagkasakit ang mga anak ni Matias ng sabay-sabay. Ilang araw nang mataas ang lagnat ng mga ito. Hinang-hina na ang kanilang mga katawan. Kahit hindi naniniwala si Matias sa mga pinagsasabi ng kaniyang asawa ay sinunod niya ito. Pumunta siya sa probinsya para humingi ng tulong sa isang albularyo na kakilala ng kasamahan niya sa trabaho.

Advertisement

Nabalot ng takot ang albularyo sa pagdating ni Matias. Nagtaasan ang kaniyang mga balahibo sa dami ng mga galit na kaluluwang nakapalibot sa lalaki. Bagama’t nangangamba siya para sa sarili niyang buhay ay nilakasan niya ang kaniyang loob at sumama dito alang-alang sa mga anak nito.

Pagdating nila sa bahay nina Matias ay lalong natakot ang albularyo. Ang loob at labas ng bahay ay pinamumugaran ng mga galit na galit na kaluluwa. Nawala ang lahat ng kaniyang pangamba nang matapos na niya ang kaniyang seremonya para alamin ang sanhi ng pagkakasakit ng mga anak ni Matias. Naiintindihan na niya ang puno’t dulo ng kababalaghan. Kung bakit ayaw silang lubayan ng mga namayapa.

“Pinapasauli nila ang lahat ng mga ninakaw mo sa kanila.” Naguluhan ang mag-asawa sa sinabi nang albularyo. Nung binanggit nito ang lumang baul na itinatago ni Matias mula sa kaniyang pamilya ay naunawaan na ni Matias ang lahat.

“Yung mga nireregalo ko sa inyong alahas hindi galing sa sweldo ko. Ninakaw ko ang mga iyon mula sa mga bangkay na inembalsamo ko. Yung ibang alahas ibinenta ko para pangdagdag sa panggastos natin. Hindi sapat ang kinikita ko kaya ko nagawa iyon. Hindi ko naman akalain ng ang pamilya ko ang magdudusa sa kasalanan ko.” Mangiyak-ngiyak na paliwanag ni Matias sa kaniyang asawa.

Sinunod ni Matias ang utos ng albularyo kung paano niya isasauli ang kaniyang mga ninakaw. Sinunog niya ang mga ito kasama ang lahat ng mga gamit na binili niya gamit ang kita ng mga pinagbentahan niyang mga alahas. Isang pag-aalay din ang hinandog ng pamilya para matahimik na ang kanilang mga kaluluwa.

Matapos ng ginawang pag-aalay ay unti-unting gumaling ang mga anak ni Matias. Nilubayan na rin sila ng mga galit na kaluluwa. Ang nangyari sa kaniyang pamilya ay nagsilbing aral para kay Matias. Hindi na sumagi sa kaniyang isipan na pagnakawan ang mga bangkay na kaniyang in-eembalsamo.