Nagmagandang Loob ang Lalaki at Tinulungang Makauwi ang Magandang Babae, Di Niya Akalaing Isang Misteryo Pala ang Matutuklasan Niya

Isang malagim na aksidente ang kinasangkutan ni Jerry na naging dahilan upang pansamantalang mawala ang ilan s bahagi ng kanyang memorya. Tanging ang kanyang pamilya lamang ang naaalala niya, ang ilang mga kaibigan na dumalaw as kanya sa ospital ay di niya maalala kahit pa anong kwento ng mga ito. Sinabi naman ng doktor na walang dapat ikabahala dahil babalik rin naman ang kanyang alaala, basta wag lang biglain ang lalaki.

“Goodmorning anak, kain na ng breakfast,” masuyong sabi ng kanyang ina. Matapos ang aksidente ay mas naging triple pa ang pag-aalaga nito sa lalaki kahit pa bente sais anyos na ang anak.

“G-goodmorning po. Ma, pwede ba akong lumabas mamaya?” tanong ng lalaki sa ina. Nakakalakad naman siya at hindi na rin sumasakit ang kanyang ulo. Gusto niya lang sanang makalanghap ng sariwang hangin.

Saglit na nag-isip ang ginang. Hindi pa bumabalik ang memorya ng anak at delikado kung papayagan niya ito. Baka mawala ang lalaki, bilang hindi niya natatandaan pa ang mga lugar.

“Magpapasama nalang po ako sa pinsan ko, kung iyan po ang iniisip ninyo,” sabi ni Jerry na tila nabasa ang itinatakbo ng utak ng kanyang ina.

“Sige, pero wag kayong magpagabi sana, mag-aalala ako. Anak hindi ko kakayanin kapag-“

“Ma, magiging okay po ako.” pinutol na niya ang sasabihin ng kanyang ina dahil tiyak na mauuwi nanaman iyon sa iyakan.

Sobrang gaan sa pakiramdam na makalabas muli, nakatanaw si Jerry sa labas ng bintana ng kotse habang nagda-drive ang pinsan niya.

Advertisement

“Huy, bro. Eto pala cash, just in case na magkahiwalay tayo. Pero please dikit kalang sa akin papatayin ako ni tita ‘pag pinabayaan kita,” inabot nito sa kanya ang isang libong piso. Tango lang naman ang isinagot ni Jerry. Maraming tao habang nasa mall sila, abala sa pagte-text si Gerald habang si Jerry naman ay nagsimula nang makaramdam ng pagkainis dahil umasa siya kanina na kapag lumabas siya ay may makikita siyang kahit paano ay magpapaalala sa kanya, pero wala. Blangko.

Inis na inis siya sa sarili, pilit niyang iniikot ang paningin sa mga tindahan, tao, kahit ano. Bwisit na utak ito! Bakit ba kasi nabuhay pa siya, tapos ganito rin lang pala.

Napabuntung-hininga siya pero natigilan nang mahagip ng mga mata niya ang isang magandang babae. Tulad kasi niya, parang litung-lito rin ito. Nagtama ang mga mata nila, nilingon niya ang pinsan na abala pa rin sa pagte-text. Hindi niya matiis na hindi lapitan ang babae na noo’y titig na titig sa kanya.

“M-miss?” tanong niya rito.

“Ako? Kausap mo ako?” gulat na sabi nito. Ah, ang ganda ng mga mata nito.

“May iba pa ba? Okay ka lang ba? Para kang batang nawawala,” nakangiting sabi niya.

Tila nag-alinlangan pa ito kung sasagutin siya o hindi. Kalaunan naman ay nagsalita ang babae, “Ano kasi… Gusto ko nang umuwi eh. Kaya lang wala akong pamasahe… tapos hindi ko maintindihan kasi nanakawan yata ako, wala akong matandaan.”

Ah, kaya pala parang lutang ito. Baka nabiktima ng mga budol-budol gang. Teka, baka naman ito mismo ang budul-budol? Pero hindi, ang ganda naman nito para maging manloloko. At nasa mga mata nito ang katapatan habang nagsasalita.

Advertisement

“Ay ako may pera, kaya lang wala rin akong maalala eh. May temporary amnesia kasi ako. Samahan kitang umuwi?” sabi niya rito, bahala na kung paano siya mamaya uuwing mag-isa. Bahala na rin si Gerald!

“Huy teka, di ako sasama sayo no! Mamaya mawala tayo,” saglit na tanggi nito.

“Okay, sige. Hindi naman araw-araw na may mag-aalok sayong maghatid. At isa pa, mukhang kanina ka pa diyan pero walang pumapansin sayo,” sabi niya rito at umaktong tatalikod na.

“S-sandali!” sabi ng babae at napangiti si Jerry. Alam niyang nagtagumpay siya.

Nasa jeepney na silang dalawa, nalaman niyang Samantha pala ang pangalan ng babae, marami itong kwento tungkol sa buhay. Sana mahawaan siya ni Sam ng pagiging positibo. Sa kaso niya kasi ay parang wala nang pag-asa.

“Malayo pa ba ang inyo?” tanong niya rito.

“Bababa tayo diyan sa gilid ng highway tapos tatawid. Ay alam mo ba, lagi akong nahuhuli ng jaywalking dyan kasi di ako naakyat sa overpass. Dun sa highway mismo ako tumatawid. Nakakatamad kasi,” natatawang wika ng babae.

Napailing nalang si Jerry, bago sila bumaba ay iniabot niya sa driver ang isang libo.

Advertisement

“Sasakay ka na lang eh mambubwisit ka pang baliw ka! Wala akong barya! Sayo na yan!” bulyaw nito sa kanya. Buti nalang walang ibang pasahero at may kasama siyang babae kundi ay pinatulan niya na ang walang modong driver. Kanina pa kasi siya tinitignan nito nang masama.

Bago sila tumawid ay may napansin silang komosyon. Napapaligiran ng mga tao ang paligid at maraming pulis.

“O pano ba yan, Sam? Kailangan natin mag-overpass, ayan lang ang mga pulis.” natatawang kantyaw niya rito.

“Oo na! Pero saglit lang, gusto kong silipin.” wala nang nagawa si Jerry dahil nauna nang tumakbo si Sam palapit sa kumpulan ng mga tao, nawala ito sa paningin niya.

“Kawawa naman, tinakbuhan pa ng nakabangga.”

“Dapat kasi talaga palaging may enforcer dito para masigurong nasa overpass tumatawid ang mga tao.”

“Patay na yan, sabi ng medic kanina. ”  sabi ng mga tao nang makalapit si Jerry sa mga ito.

Lalo tuloy siyang natuksong silipin ang tinutukoy ng mga ito, binalot ng awa ang puso niyang nang makita ang bangkay na may takip ng dyaryo sa mukha. Babae ito, mahaba ang buhok.

Advertisement (

Tatalikod na sana siya para hanapin si Sam nang matigilan siya sa naisip.. ang damit ng babae, pareho kay Sam?

Lumingon siya ulit at tila nasagot ang kanyang katanungan nang saglit na liparin ang dyaryo sa mukha ng babae dahilan upang liparin ito.

Tumambad sa kanya ang nakakakilabot na katotohanan, naroon sa harap niya, nakahiga at wala nang buhay..

SI SAMANTHA.

(

Nahimatay si Jerry sa halu-halong emosyon. Nang magising siya sa ospital ay mukha ng kanyang nag-a-alalang ina ang bumungad sa kanya. Agad niyang niyakap ito.

“Anak naman kasi, wag kang makulit, wag ka nang tatakas,” sabi ng babae.

Wag kang makulit, wag ka nang tatakas. Tila narinig niya sa utak niya ang boses ni Samantha, hindi na nakaramdam ng takot si Jerry. Marahil bukas ang third eye niya dahil kagagaling niya lamang sa aksidente. O mas gusto niyang paniwalaang itinadhana talagang magkita sila ni Sam upang maihatid niya ito sa dapat nitong puntahan at turuan siya nito ng isang napakahalagang leksyon -mahalin niya ang buhay.

Di nagtagal ay bumalik na ang memorya ng lalaki, dala dala niya pa rin sa puso niya ang panalangin na sana ay makatagpo na ng kapayapaan ang kaluluwa ng babae.