Nang Makapagtapos ay Nagmadaling Magpakasal ang Magkasintahan; Ikinagulat Nila ang Pagkakaiba ng Buhay May Asawa

Nang Makapagtapos ay Nagmadaling Magpakasal ang Magkasintahan; Ikinagulat Nila ang Pagkakaiba ng Buhay May Asawa

FamilyLoveStories

Kilala sina Wilson at Suzy bilang high school sweethearts sa kanilang lugar sapagkat nasubaybayan ng buong eskwelahan ang kanilang kuwento.

Nagsimula ito noong yayain ni Wilson na maging nobya si Suzy nung Valentine’s day sapagkat talagang pinaghandaan niya ‘to sa tagal ng panahon niyang nanliligaw sa dalaga. Siya ay nagdisplay ng malaking banner ng kaniyang pagtatapat at nagpaulan pa ng maraming rose petal sa tulong na mga kapwa niya kaklase.

Dahil dito ay naging maingay ang kanilang love story at mula noong naging sila ng araw na ‘yun ay taon-taon nang inaabangan ng lahat ang gimik ni Wilson para sa kaniyang nobya.

Sa pagsubaybay sa kanilang kuwento ay marami silang napakilig at talaga namang marami ang nag-abang kung sila ay ikakasal at kung magiging sila ba talaga habang buhay. 

Hindi naman nabigo ang kanilang mga taga suporta sapagkat pagkatapos nila ng kolehiyo ay agad na nagpakasal sina Wilson at Suzy.

“Congratulations Mr. and Mrs. Olivarez! Talagang pinanindigan niyo na kayo ang para sa isa’t isa!” pagbati ng matalik na kaibigan ni Suzy na si Cecilia sa bagong kasal.

“Siyempre naman,” pagmamalaki ni Suzy.

“Naku! Wilson, hindi ka na puwedeng tumingin sa ibang babae niyan. Ang aga mo kasing nagpatali,” biro ng matalik na kaibigan ni Wilson na si Cholo.

“Wala naman akong balak tumingin pa sa ibang babae. Si Suzy lang ang laman ng puso ko. Alam kong siya lang ang para sa’kin,” matamis na pagkakasabi ni Wislon habang nakatingin kay Suzy.

“Naku! Ang sweet niyo talaga!” ang sabi ni Cholo.

“Sige na nga’t mag-kiss na lang uli kayo!” sigaw ng kanilang mga dating ka-eskwela.

Masayang natapos ang pagdiriwang ng kanilang kasal at nagsama nang maayos ang mag-asawa hanggang sa isinilang ang kanilang panganay makalipas ang dalawang taon.

Isang araw, pagkauwi ni Wilson ng umaga sa kanilang bahay ay sinalubong siya ng sigaw ni Suzy habang nagbabato ng mga plato patungo sa kaniya, “Bakit inumaga ka na naman ng uwi?! Hindi mo na kami inisip ng anak mo?! Hindi ka man lang tumawag at hindi ka man lang makontak!”

“Honey ‘wag ka naman ganiyan. Hindi naman sa gano’n. Hindi ko naman ginusto ‘yun. Sadyang bumigay na kasi ‘yung luma kong selpon,” paliwanag ni Wilson.

“Dinahilan mo na naman ‘yang bulok mong selpon! Anong akala mo sakin? T*nga? Pagkatapos ng lahat, ganito ang gagawin mo sa’kin? Nasaan ‘yung pinangako mong magandang buhay? Eh ginawa mo lang akong yaya ng anak natin at tagapagsilbi mo rito!” galit na pagkakasabi ni Suzy.

“Grabe naman, Hon! Tingin mo ganitong buhay ‘yung gusto ko para sa’tin? Sumusobra ka na! Hindi mo alam kung anong mga pinagdadaanan ko para sa pamilya natin!” sagot ni Wilson.

“Tingin mo talaga ikaw lang? Grabe… Wala nang patutunguhan ‘tong pag-uusap natin. Ayoko na. Maghiwalay na tayo,” sigaw ni Suzy bago lumabas ng bahay tangay-tangay ang maleta at kanilang sanggol.

“At talaga namang nakahanda kang makipaghiwalay sa’kin ngayon?! Kung ‘yan ang gusto mo, sige! Maghiwalay na tayo! Pero hindi mo isasama ang anak ko!” sagot naman ni Wilson.

“Kahit maglaban pa tayo sa korte, alam mong sa’kin mapupunta si baby Willy kaya ‘wag ka nang magpumilit at baka masaktan lang si baby!” ang sabi ni Suzy bago lumabas ng gate at sumakay sa tinawagan niyang sasakyan.

Hindi na nagpumilit at nakipagtalo si Wilson upang hindi malagay sa panganib ang kanilang sanggol. Hinayaan na lang muna niya ang kaniyang mag-ina at naghanda na lang siya sa kaniyang pagpasok sa opisina.

Pagkaupo ni Suzy sa sasakyan ay agad niyang tinawagan ang kaniyang ina at ibinalita ang hiwalayan nilang mag-asawa. Siya naman ay kinausap at pinayuhan ng kaniyang ina, “Anak, hindi na kayo mga bata ngayon na basta na lang pwedeng maghiwalay. Kasal na kayo at may anak pa. Kailangan niyong matutunang harapin ang buhay mag-asawa at ang mga nakaakibat na responsibilidad sa binuo niyong pamilya.”

Dahil nais pa rin mag-isip isip ni Suzy ay nagtungo siya sa bahay nila Cecilia.

Pagbukas ni Cecilia ng gate ay ikinagulat niyang makita roon ang matalik na kaibigan na may dala-dalang maleta kasama ang kaniyang inaanak. Agad niyang pinapasok ang mag-ina at dun ikinuwento ni Suzy ang nangyari kina Cecilia at Cholo.

“Mars, hindi sa nangingialam ako ah pero hindi ba nasabi sa’yo ni Pareng Wilson ang sitwasyon niya?” tanong ni Cecilia.

Nagtaka si Suzy at napatingin lamang sa kaniyang matalik na kaibigan. Nung hindi ito nakapagsalita ay tiningnan naman niya ang asawa nitong si Cholo na matalik na kaibigan ni Wilson.

Nang dahil dun ay nagsalita na si Cholo. Ipinaliwanag niya ang sitwasyon ni Wilson. Ipinaalam niya ang pagdodouble shift ni Wilson sa trabaho at ang pag-eekstra nito sa pagdedeliver sa restaurant ng dati nilang kaklase upang magkaroon ng dagdag na kita at upang mabigyan ng maayos na buhay sina Suzy at kanilang anak.

Ikinagulat ni Suzy ang kaniyang nalaman. ‘Di niya akalain na gano’n kahirap ang ginagawa ng kaniyang asawa upang mapaayos ang buhay nila, tapos ay gano’n pa ang inasal niya. 

Matapos niyang mahimasmasan at mapagtanto ang kaniyang pagkakamali ay napagdesiyunan niyang bumalik at makipag-ayos sa kaniyang asawa. Pagtayo niya upang bumalik ng kanilang bahay ay biglang nag-ring ang kaniyang selpon.

“Ito po ba ‘yung kamag-anak ni Mr. Wilson Olivarez? Naaksidente po kasi siya at kailangan ng kamag-anak niya dito sa ospital,” ang sabi ng nurse sa kabilang linya.

Agad na sumugod si Suzy sa ospital.

“Honey! Kumusta ka? Ano bang nangyari?” bungad ni Suzy nang makita ang kaniyang asawa.

“Wala ‘to, Honey. Pagod at puyat lang siguro kaya hindi ako nakapagmotor nang maayos. ‘Wag mo ‘kong intindihin. Si Baby Willy ang kumusta? Bakit hindi mo sinabing dinala mo pala siya dito sa ER kahapon? Nalaman ko lang sa nurse na nagcheck ng wallet ko para sa identification ko nung wala pa akong malay kanina,” saad ni Wilson.

“Sorry Hon, wala ako sa tabi niyo kahapon nung kailangan niyo ako. Sigurado akong nahirapan ka mag-isa at natakot ka sa sitwasyon ni baby. Sorry kung wala ako,” dagdag pa ni Wilson.

“Huwag mo nang isipin ‘yun, Hon. Okay na rin si Baby. Sorry din kasi hindi ko nakita yung mga paghihirap na ginagawa mo para mapaganda ang buhay natin. Nalaman ko na kay Cholo ‘yung grabeng mga ginagawa mo para sa’tin. Sorry talaga,” ani Suzy.

“At saka Hon, ‘wag ka naman masyadong magpakapagod. Intindihin mo rin ‘yung kalusugan mo. Ayokong ma-biyuda agad. Lagi mong tatandaan na mas gusto ko pa ang simpleng buhay kasama ka kaysa naman mawala ka nang maaga sa’min ng anak mo para lang gawing marangya ang buhay natin,” paalala pa ni Suzy.

Matapos magkapaliwanagan ng mag-asawa ay nagkapatawaran sila at muling nagbalikan. Mula noon ay parati na nilang inuunawa ang bawat isa at kinakaya ang mga pagsubok na kinakaharap nila bilang mag-asawa.

More Stories