Masayahin at Tagapag-aliw ng Barkada ang Dalaga; ‘Di Nila Akalaing may Matindi Pala Itong Pinagdadaanan

Masayahin at Tagapag-aliw ng Barkada ang Dalaga; ‘Di Nila Akalaing may Matindi Pala Itong Pinagdadaanan

HeartbreakingStories

Ang magbabarkadang sina Lily, Jessie, Rica at Anton ay naging magkakaibigan noong sila ay high school pa lamang. Patuloy pa rin ang kanilang komunikasyon at pagkikita-kita kahit na sila ay nagkahiwa-hiwalay nung kolehiyo at nagkaroon ng kaniya-kaniyang mga trabaho.

Sa kanilang apat ay si Lily ang pinakamasayahin at tagapag-aliw ng barkada. Sa tuwing may problema ang isa sa kanila o may hindi pagkakaunawaan ay agad siyang nakaagapay at ginagawa ang lahat upang mapagaan ang sitwasyon. Siya ang parating matiyagang nakikinig sa mga hinanakit ng bawat isa at mas nakakaalam ng mga personal na buhay ng bawat isa kaya naman siya ay talagang malapit sa bawat isa.

Isang araw ay may shinare sa social media si Jessie na nagsasaad na:

“I’m just here if you need someone to talk to. You can contact me anytime. You can tell me about your problems or just about anything. I know depression is real so I won’t let you fight that battle alone. You are not alone. Don’t lose hope.”

Ito ay sinang-ayunan at napag-usapan ng magkakaibigan.

“Oh basta guys ah, hindi naman na tayo others. Magsabi lang lagi ah,” ang sabi ni Jessie.

Ilang araw ang nakalipas at tinawagan ni Lily si Jessie. Nung una ay nagkukuwento ito tungkol sa masasayang bagay hanggang sa nagsabi ito nang mga malulungkot na pinagdaanan nito ng kaniyang kabataan sa kamay ng malupit niyang ama. Ayon dito ay hindi pa rin niya ito malimutan at naapektuhan pa rin siya hanggang ngayon sa kasalukuyan kahit na matagal nang wala ang kaniyang ama. 

“Para bang nag-iwan ito ng lamat sa aking pagkatao,” saad ni Lily.

Sa kanilang masinsinang pag-uusap ay sinusubukan ni Jessie na pagaanin ang loob ni Lily. 

Ilang buwan nang parating naglalabas ng sama ng loob at hinanakit si Lily kay Jessie. Mangilang ulit na rin itong nagsabi na pagod na ito at nais na lamang magpahinga. Ngunit sa tuwing matatapos ang kanilang pag-uusap ay muling gumagaan ang pakiramdam ni Jessie at bumabalik sa dati ngunit panandalian lamang.

Nang dahil dun ay nabatid ni Jessie na kailangan na ni Lily magpatingin sa espesiyalista ngunit mangilang-ulit itong tinanggihan ni Lily. Ayon dito ay mas nais niya na lamang na makipag-usap sa kakilala niya gaya ni Jessie kaya pinagpatuloy lamang nila ito.

Ngunit ‘di nagtagal ay napagod at nagsawa na si Jessie sa pakikinig at pagdamay kay Lily. Nakapagbitaw ito ng salita na dinamdam ni Lily:

“Alam mo parati ka nalang ganiyan. Paulit-ulit na lang tayo. Nakakapagod na”

Nang dahil dito ay sinubukang lapitan ni Lily ang magkasintahang kaibigan na sina Rica at Anton ngunit abala ang dalawa sa kanilang mga buhay at pagtatalo bilang magkasintahan kaya naman pinilit sarilihin ni Lily ang lahat ng nararamdaman. 

Isang araw, nang gulung-gulo na si Lily sa kaniyang buhay at hindi niya na malaman ang dapat gawin ay gusto niya nang tawagan ang mga kaibigan ngunit pinipigilan niya ang kaniyang sarili dahil sa mga nangyari. Sinubukan niya ring maghintay ng mga tawag nila ngunit walang kumukontak sa kaniya.

“Natural lang siguro na iwasan nila ang taong kagaya ko na puro negative vibes at kadramahan. Siyempre dun sila mas sasama sa mga taong masayahin at makakapagbigay aliw sa kanila. Dun sa mga taong kayang mag-inspire at magmotivate sa kanilang mga buhay,” ang sabi ni Lily sa kaniyang sarili.

Hindi na kinaya ni Lily ang kaniyang sitwasyon. Ninais niyang magpahinga ng mahabang panahon kaya naman uminom siya ng maraming gamot na pampatulog.

Natagpuan na lamang ng mga kapitbahay ni Lily ang katawan ng dalaga na walang buhay sa kaniyang bahay. 

Nang mabalitaan ito nila Jessie, Rica at Anton ay agad nilang pinuntahan sa morge ang kaibigan at doon nag-iyakan.

“Kasalanan ko ‘to. Ilang buwan na siyang nagsasabi sakin pero nagsawa at napagod ako sa pakikinig at pagdamay sa kaniya. Marahil ay wala na siyang ibang nasabihan kaya hindi niya na kinaya,” sabi ni Jessie habang umiiyak.

“Hindi ako makapaniwalang ginawa niya ito. Akala ko wala lang at malungkot lamang siya. ‘Yun pala ay talagang may mga pinagdadaanan siya. Hindi ko akalaing ang masayahing tao na kagaya ni Lily ay may depresyon. Ilang taon na natin siyang kaibigan pero matagal niya na pala itong itinatago sa atin,” ang sabi ni Rica.

“Siguro nga masyado tayong naging busy sa mga buhay natin. Puro na lang tungkol sa atin ang nakikita at inaatupag natin. Habang si Lily ay parating nandiyan para sa atin noon kaya hindi man lang natin nakita ang nakatagong lungkot at sakit sa masayahin niyang mukha,” saad ni Anton.

Labis na nagsisi ang magkakaibigan. Nagsilbing leksyon ito sa kanila na pahalagahan ang bawat isa at ibang mga tao sa kanilang paligid. Kailangan ay maging sensitibo at maingat sa mga binibitawang mga salita. Kailangan din ay hindi lang puro sarili ang iniisip. Dapat ay tinitingnan-tingnan din ang ibang mga tao sapagkat hindi madaling masabi na mayroon palang mabigat na pinagdadaanan ang tao lalo na kung ito ay malihim at magaling magtago ng nararamdaman.

More Stories