Lingguhang Lamay sa Bahay ni Mang Berto

May lamay na naman sa bahay ni Mang Berto. Nung isang linggo ay isang matandang lalaki ang nakaburol doon. Ngayon naman ay isang babae ang pinaglalamayan. Nagtataka na nga si Benjamin kung bakit tila hindi nauubusan ng yumaong kamag-anak ang kaniyang kapitbahay. Simula kasi nung lumipat siya dito isang taon na ang nakakaraan ay walang palya na may bagong tao na pinaglalamayan linggo-linggo.

“Namat*yan na naman si Mang Berto? Sino naman sa mga kamag-anak niya ang pumanaw?” Usisa ni Benjamin kay Aling Josie, may-ari ng maliit na sari-sari store malapit sa kaniyang tinitirhan. “Hindi ko kilala, eh. Ang balita ko, eh, nadedo dahil sa AIDS.”

Binaling ng lalaki ang kaniyang ulo sa nagaganap na lamay. “Ang dami pa lang kamag-anak ni Mang Berto. Hindi siya nauubusan kahit linggo-linggong may pumapanaw sa kanilang pamilya,” biro ng lalaki. “Hindi nakikihalubilo si Mang Berto sa mga kabitbahay. Wala talagang nakakakilala sa kaniya dito. Ang alam lang ng lahat ay ang pangalan niya at kung saan siya nakatira. Iyon lang. Wala ng iba,” tugon ni Aling Josie.

Sumaglit si Benjamin sa bahay ni Mang Berto para makiusyoso. Inobserbahan niya ang bawat galaw ng mga tao doon. Malayang nakakalabas-pasok ang sinuman sa bahay. Sa gitna ng sala nakalagay ang kabaong. May mga maliliit na lamesa at silya na nakakalat sa paligid kung saan kumakain, nagkwekwentuhan at nagsusugal ang mga nakikiramay.

Sa unang tingin ay mukhang wala namang nagaganap na anomalya, isa lang itong ordinaryong lamay. Pero hindi maalis ang pagdududa ka Benjamin lalo pa at hindi normal na linggo-linggong may sumasakabilang buhay sa isang pamilya gaano man kalaki ito kaya gumawa ng sariling imbestigasyon ang lalaki.

Araw-araw ay nakikiramay si Benjamin pero ni minsan ay hindi niya nakita ang pagmumukha ni Mang Berto. Kung bahay ito ng kaniyang kapitbahay at kamag-anak niya ang nakaburol bakit hindi nagpapakita ang may-ari ng bahay? May iba pa bang tinutuluyan ang kaniyang kapitbahay?

Nakikihalubilo siya sa mga nakikiramay at kapansin-pansin na ni isa sa mga taong nakausap niya ay hindi kilala ang kaniyang kapitbahay. “Sinong Mang Berto? Isa rin ba siya sa naging kabit ni Elena? Ang babaeng talagang iyon, o, sobra ang pangangati. Kaya hindi na ko nagtataka kung bakit nagka-AIDS siya, eh.”

Ang tanging nakakakilala sa kaniyang kapitbahay ay ang ina ng yumao na lalong ipinagtaka ng lalaki. “Bakit? May kailangan ka ba kay Mang Berto?Kung gusto mo bumalik ka dito bukas? Pupunta siya dito bukas.”

Advertisement

Kinabukasan ay ang araw ng libing. Bumalik sa Benjamin sa bahay ni Mang Berto at saktong nakita niya na may inabot ang ina ng sumakabilang buhay ng isang puting sobre. Sigurado si Benjamin na pera ang laman nito. Mukhang ngayon na niya malalaman kung may ilegal bang nagaganap sa bahay ng kaniyang kapitbahay. Ang inaasahan niya ay tatanggapin ni Mang Berto ang pera pero nagulat siya nung hindi ito tinanggap ng kapitbahay.

Papaalis na sana siya nung aksidente niyang nabunggo ang isang paso. Nabasag ito at nakalikha ng malakas na ingay kaya napalingon sa kaniya ang dalawa. “O, andiyan ka na pala, eh. Sige. Mauna na ko ng makapag-usap na kayo ni Mang Berto.”

Nung makaalis na ang babae ay direkta siyang tinanong ng kaniyang kapitbahay. “Kailangan niyo rin ba ng lugar para sa lamay niyo? Pasensya na dahil may nauna ng nagtanong sa iyo. Mamayang gabi na darating dito ‘yung bangkay. Subukan mo na lang sa iba. Pero kung sakaling wala kang mahanap bumalik ka ulit mamaya. Pakikiusapan ko sila na maghati na lang kayo ng pwesto sa bahay ko.”

Nabingi si Benjamin sa kaniyang mga narinig. Hindi siya makapaniwala sa mga sinabi sa kaniya ni Mang Berto. “Hindi niyo kamag-anak ‘yung mga binuburol dito? Walang nangyayari kahit na anong ilegal na gawain dito sa bahay niyo? Kung ganoon bakit linggo-linggong may lamay sa bahay niyo?”

Napahalakhak ng malakas si Mang Berto sa sinabi sa kaniya ng lalaki. “Imposibleng nangyayari ito linggo-linggo. Pero hindi na nakapagtataka na magduda ka dahil hindi naman talaga normal ang nangyayari sa bahay ko. Pinaparenta ko sa halagang isang daan kada araw ang bahay ko sa mga pamilyang walang pambayad sa punerarya para maayos nilang madaos ang lamay ng kanilang yumao. Hindi ko kaanu-ano ang mga binuburol dito.”

Napag-alaman ni Benjamin na mayaman pala talaga ang kaniyang kapitbahay sa kabila ng pagiging simple nito at marami rin itong hawak na negosyo kasama na doon ang isang punerarya. Pag alam niyang wala talagang pambayad para sa punerarya ang pamilyang naulila ay inaalok niya ang kaniyang bahay sa kanila. At dahil lingguhang may burol sa bahay nito ay lumipat ito sa bakanteng unit ng condong siya rin ang may-ari.

May mga tao pa rin talaga sa mundo na bukas palad ang pagtulong sa kapwa. Ang iba ay sa pamamagitan ng libreng serbisyo, pamimigay ng libreng grocery supply o gamot, pamamahagi ng mga scholarship grant at marami pang iba. Pero ang ipagamit ang sarili nilang bahay para may paglamayan ang mga hikahos na kamag-anak ng sumakabilang-buhay, isang tao lang ang kilala ni Benjamin na gumagawa noon at iyon ay walang iba kung hindi ang kapitbahay niyang si Mang Berto.