Dinaig ng Lalaki ang Manananggal sa Haba ng Buhok Nito, Mayroon Pala Itong Importanteng Misyon

“Sayang naman itong si Luis, may itsura pa naman sana kaso ang weirdong pumorma. Dinaig pa si Sir Pepe Smith sa haba ng buhok, sumalangit nawa. Kaso hindi na cool yung kaniya, nakakatakot na!” Giit ni Raymond sa kaopisinang si Aldrin.

Natatawa naman sa isang sulok ang kanilang boss na si Ralph. “Wala tayong magagawa, kanya-kanyang trip yan. Kung ako sa inyo, paspasan niyo na iyang trabaho niyo nang maaga tayong magsipag-uwian. Hindi ba kayo natatakot gabihin dito sa opisina? Mamaya biglang mag-anyong manananggal iyan pagsapit ng alas dose ng hatinggabi.”

Hagalpak naman sa katatawa ang mga tao sa opisina.

Palibhasa’y nasa bukod na silid ang senior graphics artist na si Luis. Bihira din itong makisalamuha sa mga katrabaho.

“Sir, tapos na po ako. Salamat pala sa pag-aprub ng leave ko. Importante lang talaga.” Nagkagulatan pa sila nang lumabas ng silid si Luis at nagpaalam kay Ralph.

“Walang problema. Wala naman akong masasabi sa trabaho mo. Laging walang mali, laging lagpas-lagpas sa expectations ng kliyente. Gora na, mag-enjoy ka naman minsan, boy.” Wika ng palabirong boss na si Ralph.

Yumuko na lamang ito, tila walang emosyon at saka mabilis na lumakad palabas ng pintuan ng opisina.

“Grabe, ang weirdo nya talaga, boss!” Saad ni Aldrin.

Advertisement

Nag-kibit balikat na lamang si Ralph.

“Ma, kamusta naman ang pakiramdam niyo? Bukas gagawa na ako ng wig n’yo.” Sambit ni Luis sa nakaratay na ina sa isang ward ng PGH. Ipinakita pa nito ang iginuhit na style ng buhok gamit ang computer sa opisina. Hanggang bewang iyon at may kulay ang dulong bahagi. Palibhasa’y mukhang Koreana ang ina at nang wala pa itong malubhang karamdaman ay mahilig itong magpa-parlor at magpa-ayos ng mahaba at makintab na buhok.

Sapagkat hinang-hina at hindi na makapagsalita ang ina’y sumenyas na lamang ito at sinabing aprubado nya ang napiling style ng anak. Naluluha pa ito. Agad naman iyong pinunasan ni Aldrin at hinalikan sa ulo ang nakakalbong ina.

Habang nasa parlor naman ay pinagtitinginan si Luis. Palihim pang nagsisikuhan ang mga baklang nadaanan nito.

“Sir, paparebond po kayo?” Biro ng baklang may-ari ng salon na si Ruby.

“Ah, oo. Magpapakulay na rin ako, yung tipong blonde na may highlights.” Sabay ipinakita ang ipinaprint na larawan upang magaya ang kulay nito.

Hindi naman na napigilan ng mga baklang magtawanan.

“Sure, sir.” Saad ni Ruby sabay hagod sa kabuuan ng binata. Bukod sa ang guwapo nito’y, mga nasa anim na pulgada ang tangkad ng binata. Asiwang-asiwa siya sa pag-iisip kung bakit ganitong style ang pinagagawa ng binata.

Advertisement

Lumipas ang ilang oras at natapos na ang pagrebond at kulay sa buhok ni Luis. Lalo namang naghagalpakan sa katatawa hindi lang ang mga empleyado sa salon kung hindi pati ang mga customers dito.

“Pare, kamusta na si Tita Flor? Magaling na ba siya?” Naroon pala ang kababatang si Felix kasama ang nobya nitong nagpapakulay ng buhok.

“Hindi pa pare, may chemotherapy pa siya, pagkatapos naman ay radioactive therapy pa. Kaya nga naubos na ang buhok niya.” Sagot ni Luis.

Napanganga naman ang mga bakla sa narinig.

“Anong apelyido mo? Sta. Maria ba?” Tanong ng baklang si Ruby.

“Ah, oo. Nanay ko si Flor Sta. Maria. Yung laging kliyente niyo dito. Halos tatlong taon na siyang di nakakapagpa-ayos ng buhok. Stage 3 na kasi ang sakit nya sa buto. Kaya hindi na sya nakakapunta dito. Ako nga mismo ang gagawa ng wig niya kaya’t nagpa-ayos ako ng buhok. Ang dami ko ngang ginamit na produkto para mapahaba ko itong buhok ko.” Paglalahad ni Luis.

Agad namang napatakip ng bibig si Ruby at dumadaloy na ang luha sa mga mata nito. “Oh my God, hijo. I’m really sorry.”

“Huwag ho kayong mag-sorry. Kahit naman siguro sinong makakita sa akin na nagpapaayos ng buhok ay matatawa.” Inosenteng sagot ni Luis.

Advertisement

Hindi naman napigilan ng mga empleyado at customers na lapitan ito. Ang pagtatawa’y napalitan ng luha nang marinig nila ang kuwento ng binata. Niyakap pa siya at tinapik sa balikat ng ilan sa mga ito.

“Ako na ang bahala sa pag-gawa ng wig niya, hijo.” Saad ng ka-sosyo ni Ruby sa parlor na si Ben.

“Talaga ho? Maraming salamat po.”

Palibhasa’y pinagkakakitaan talaga ni Ben ang paggawa ng wig ay pinaspasan nito ang paggawa. Wala itong siningil ni piso sa pobreng binata.

Agad nilang ginupitan si Luis at sinimulang buoin ang wig na para sa ina nitong si Aling Flor.

Maraming customers ang naantig sa kuwento ni Luis kaya’t kinuhanan nila ito ng litrato at ipinost sa Facebook ang istorya ng binata.

Wala pang isang oras ay nag-viral na ito.

“Pambihira ka, Luis. Hindi ka kasi nagkukuwento! Gusto ka naming makita ngayon. Gusto ka naming yakapin. Gusto naming humingi ng tawad sa ‘yo! Pinagtatawanan ka namin! Hindi namin naisip na may malalim palang dahilan ang pagpapahaba mo ng buhok.” Saad ng kaniyang boss na si Ralph nang tawagan siya nito sa telepono.

Advertisement

Matapos ng pangyayaring iyon ay dumagsa ang tulong sa mag-ina. Marami ang nag-donate ng pera upang mabayaran ang mga therapy na pagdadaanan nito. Marami ding espesyalista at doktor ang tumulong sa binata.

Lalo pa silang naawa dito nang malamang maaga ring nawala sa malubhang sakit ang ama ni Luis at siya na lamang ang sumusuporta sa ina.

Makalipas ang limang taon, matagumpay na nalabanan ng inang si Aling Flor ang malubhang sakit. Ayon sa doktor, wala na daw itong karamdaman at maaari nang magsimulang mabuhay ng normal. Agad naman itong nagpahaba ng buhok upang makapagpa-parlor muli.

Aminin man natin o hindi, sadyang nakaugalian na talaga nating pagtawanan ang mga taong may kakaibang porma o gawi. Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?