Kwentong Probinsya

Malungkot na naman ang mga bata dahil sa kawalan ng mapaglilibangan. Bukod kasi sa wala ng kuryente at ni hindi sila makapanood ng telebisyon ay putikan pa ang labas ng mga kabahayan kaya hindi rin sila makapaglaro man lamang.

Madilim na naman sa lugar na iyon dahil kararaan lamang ng isang malakas na bagyo. Marami na naman kasing mga linya at poste ng kuryente ang nasira nito.

Kaya naman kaagad pinakain ni Jake ang mga bata habang maaga pa. Balak niya silang dalhin sa kanilang lola. Natatandaan niya kasi noong mga bata pa sila ng mga kapatid niya’y palagi rin silang kinukuwentuhan ng kanilang inay sa tuwing sasapit ang ganitong panahon.

Malapit lang naman ang bahay ng kaniyang nanay rito sa kanila kaya’t mabilis lamang silang nakarating ng kaniyang mga anak doon. Naabutan nilang nakaupo sa terrace ng bahay ang kaniyang inay kasama ang kaniyang ama na kaagad na binati ang kanilang mga apo.

“Gabi na, ah. Ba’t napadalaw pa kayo?” tanong ng ina kay Jake mayamaya. “Nabuburyo kasi ang mga batang ‘yan sa bahay, nay. Paano’y walang kuryente kaya’t hindi makapanood ng TV,” sagot naman ni Jake. “Baka naman ho pwedeng kwentuhan niyo sila katulad noong mga bata pa kami nina ate?”

“Eh, ano naman ang ikukuwento ko?” tanong ng babae. “Iyong tungkol sa mag-asawa, nay. ‘Yong palagi niyong ikinukuwento sa amin noon.”

Napabalik-tanaw ang lalaki sa nakaraan.

“Naku, eh, baka matakot iyang mga anak mo.” Nag-aalala ang mukha ng ina ng lalaki.

Advertisement

“Hindi po, lola! Sige na po. Iyon na lang,” pakiusap naman ng panganay ni Jake.

“Magpapakuwento kayo riyan sa lola niyo, eh, bukas pa matatapos ‘yan dahil sa bagal niyang magsalita,” tatawa-tawang singit ng lolo ng mga bata na hindi naman pinansin ng babae.

“Siya, siya, magsilapit na kayo rito nang makapag-umpisa na tayo.” Tinawag na ng babae ang mga apo.

Napangiti si Jake nang makitang namilog ang mga mata ng mga anak niya sa tuwa bago pumuwesto sa tapat ng kinauupuan ng kanilang lola habang naka-indian sit. At doo’y nagsimula na itong magkuwento.

Nangyari ito noon sa isa sa mga isla sa Sorsogon. May mag-asawang noo’y nakatira sa may niyugang hindi nalalayo sa dagat. Sa lugar na iyon ay malalayo ang agwat ng mga bahay sa isa’t isa. Ang bahay ng mga ito ay gawa lamang sa kawayan. Noon kasi’y usong-uso ang pagkakaroon ng matataas na silong lalo na’t nakatira ka sa isang tipikal na bahay kubo.

Mangingisda ang lalaki habang ang babae nama’y nag-aalaga ng mga hayop. May maliit din silang taniman ng gulay. Ngunit nang magkasakit ang lalaki ay hindi na ito muling nakapangisda pa.

Nagsimula sa simpleng pulmonya ang sakit nito. Ngunit sa pagdaan ng mga araw ay tila yata palala ito nang palala. Hindi naman ito madala ng babae sa bayan upang maipatingin sa doktor dahil na rin sa kakapusan nila sa salapi.

Tuwing gabi ay dumaraing ito sa sobrang sakit ng kaniyang likod. Humihiyaw ito. Animo’y kinakayod daw ang laman sa kaniyang likuran. Ipinagtataka iyon ng babae. Bukod kasi ro’n ay nagsusugat din ang likod ng asawa. Malala, hindi ba? Idagdag pa ang pamumutla nito’t ang biglaang pagkatuyot ng balat.

Advertisement

Ilang manggagamot na ang nilapitan ng babae. Ilang albularyo na ang hiningian niya ng tulong ngunit sa lahat ng mga gamot na ibinigay ng mga ito’y walang ni isa man lamang na tumalab.

Hanggang sa isang manggagamot ang inirekomenda ng isa sa kaniyang mga kapitbahay. Anito’y magaling daw iyon at tunay na epektibo. Wala siyang inaksayang pagkakataon. Nang umaga ring iyon ay pinuntahan niya ang nasabing albularyo kasama ang may sakit na asawa.

Pagpasok pa lamang nila sa bahay nito’y kakaiba na ang kanilang pakiramdam. Lalo na noong magsalita ang manggagamot kahit wala pa naman silang sinasabi o itinatanong.

“Inaaswang ang asawa mo!” anito. “Iyon ang dahilan kung bakit hindi gumagaling ang sugat sa kaniyang likod at kung bakit tuwing gabi ay halos namimilipit ito sa sakit!”

Ikinabigla ng mag-asawa ang tinuran na iyon ng manggagamot ngunit hinayaan nilang magpatuloy ito sa pagsasalita.

“Ang sugat ay idinulot ng pagdila ng aswang sa likod nito simula nung ito’y magkapulmonya. Pumupuwesto ito sa silong ng inyong bahay sa tuwing sasapit ang dilim.”

Labis na pagkagimbal at kilabot ang sabay na naramdaman ng mag-asawa sa nalaman. Aswang? Aswang ang may kagagawan?

“Ano po ang dapat naming gawin?” Nagbabadya ang luha sa mga mata ng babae. Awang-awa siya sa sinasapit ng kaniyang kabiyak. “Kailangan na po ba naming lumipat sa ibang lugar?” tanong muli ng babae. “Kung gusto mong gumaling sa sakit na iyan ang asawa mo isa lang ang maaaring paraan. Iyon ay ang hulihin mo ang aswang dahil kahit saan kayo magpunta’y masusundan lamang kayo nito. Memoryado na niya ang lasa at amoy ng asawa mo, iha. Hindi niya na gugustuhing mawala pa sa kaniya ang kaniyang paboritong pagkain.” sagot ng manggagamot.

Advertisement

“Hulihin? Paano ko ho iyon magagawa? ‘Di po ba’t ‘di hamak na mas malakas at mas mabilis ang nilalang na iyon kaysa sa tao?” Tuluyan nang naluha ang babae. Hindi na kinaya ng kaniyang damdamin ang kaniyang mga nalaman. “Kalmahin mo ang iyong loob. Mahuhuli mo ang halimaw na iyon, anak, basta’t sundin mo ang lahat ng ibibilin ko,” sabi ng manggagamot sabay tapik sa balikat ng babae.

Matapos magbilin ng albularyo ay kaagad nagpaalam ang mag-asawa ngunit isang paalala pa ang tinuran ng manggagamot bago sila umalis. “Tatagan mo ang sarili at manalig ka lamang sa Diyos.”

Katanghaliang tapat ng sila’y makauwing mag-asawa. Walang inaksayang pagkakataon ang matapang na babae at inumpisahan nang sundin ang mga bilin ng matandang albularyo matapos nilang magtanghalian. Inihanda niya ang mga tuyong dahon ng niyog para sa siga at ipinalibot iyon paikot sa labas ng kanilang bahay. Kumuha siya ng mahabang lubid. Itinali ang kabilang dulo niyon sa isang malapit na puno ng niyog habang ang isa nama’y itinali niya sa isang malaking taga na may sima na ginagamit nila noon bilang panghuli ng pating. Ipinuwesto niya iyon sa kanilang silong kasama ang isang matalas na itak bago iyon tabunan ng lupa.

Mahigpit na ibinilin ng albularyo na dapat bago magdapit-hapon ay nakatungtong na ang kaniyang mga paa sa lupa at hindi na papasok pa sa loob ng bahay. Sa ganoong paraan daw kasi ay malilinlang niya ang aswang dahil aakalain nitong magkauri sila. Kaya naman maaga pa lamang ay niyaya na niyang maghapunan ang asawang may sakit.

Magdidilim na. Nakapuwesto na rin siya sa silong ng kanilang tahanan sa tapat mismo ng lugar kung saan nakahiga ang kaniyang asawa. Mayamaya pa’y nakarinig nga siya ng mga yabag na animo’y tumatakbo. Nang walang anu-ano’y may nagsalita sa kaniyang likuran.

“Kanina ka pa ba?” anito’t bigla siyang nahintakutan! “Ako naman! Gutom na ako,” dagdag pa nito. Ang boses ay tila hinihingal.

Pinilit niyang huwag ipahalata ang takot. Unti-unti ay nilingon niya ang nilalang sa kaniyang likod. Maitim ang buo nitong katawan. Wangis tao ito ngunit mahahaba ang braso’t mapupula ang mga mata! Kahindik-hindik ang hitsura nito maging ang amoy nito na animo’y nabubulok na hayop. Ito pala ang nagpapahirap sa kaniyang mahal!

“O, sige, ikaw naman,” tugon ng babae.

Advertisement

Humakbang ang babae paatras. Kaagad pumalit ang aswang sa kaniyang puwesto habang naglalaway. Inilabas nito ang napakahabang dila. Ang hitsura’y animo’y kawangis ng dila ng ahas. Matulis ang dulo niyon. Siguradong ito ang sanhi kung bakit nagsusugat ang likuran ng kaniyang kabiyak.

Kitang-kita ng babae nung ihagod ng aswang ang mahabang dilang iyon sa sahig na kawayang siyang kinahihigaan ng kaniyang asawa. Tumutusok iyon na tagos hanggang sa banig na panlatag. Isang hiyaw ang kaagad na pinakawalan ng kaniyang asawa. “Tama na! Tigilan mo na ako! Hindi ko na kaya!”

Nagalit ang babae. Pinulot niya ang tagang may sima at mabilis na ikinawit iyon sa buto malapit sa leeg ng aswang! Baon na baon ang tulis ng sima!

Sa gulat ng aswang ay nagtangka itong tumakbo ngunit lalo lamang tumindi ang pagkakabaon ng sima na kumalawit sa mismong buto. Halos mabunot ang puno ng niyog kung saan nakatali ang kabilang dulo ng lubid na ikinabit ng babae sa taga dahil sa pagwawala ng aswang.

“Ikaw pala ang may kagagawan kung bakit nasasaktan ang asawa ko!” sigaw ng babae sabay dampot ng itak na natatabunan ng lupa malapit sa kaniyang paanan. Kaagad siyang nagsindi ng posporo at inihagis iyon sa mga tuyong dahong ipinalibot niya kanina sa kabahayan. Nagliwanag ang paligid. Nagsisigaw ang aswang!

Mag-uumaga na. Hindi pa rin pinakakawalan ng babae ang halimaw sa kabila ng pagmamakaawa nito.

“Parang awa mo na. Pakawalan mo na ako. Nakahihiya sa mga anak ko! Wala silang alam. Hindi nila alam na aswang ako!” “Hindi! Hindi kita pakakawalan. Kapag nakita ka riyan ng mga tao pati buong angkan mo ay papatayin nila! Pupuksain namin kayo!” Naging matigas ang sagot ng babae.

“Wala silang alam, maniwala ka. Ako lang ang ganito sa amin! Papagalingin ko ang asawa mo’t mangangako akong hindi na ako mambibiktima ng tao. Aalis na ako rito sa lugar niyo. Nangangako ako!”

Advertisement

Nagdadalawang-isip man ay nakipagkasundo ang babae sa aswang. Pinakawalan niya ito bago pa man magliwanag. Umuwi ito ngunit bumalik din sa kanila nung tuluyan ng magbukang-liwayway upang hilutin ang kaniyang asawa’t gamutin ito.

Ilang araw pa ang nakalipas at tuluyan nang gumaling ang lalaki. Tinupad ng aswang ang kaniyang pangako at kailanman ay hindi na nila ito muling nakita pa.

“Wow!” Ang palakpakan ng mga bata ang tumapos sa kuwento. Ngiting-ngiti ang mga ito at ganoon din naman ang ina ni Jake. Ang ama naman ng lalaki ay nahihimbing na sa kaniyang kinauupuan.

Ang ganda talaga ng kuwentong ito. Hindi talaga nagsasawa si Jake na pakinggan ang kakaiba ngunit nakakaantig na istorya ng katapangan ng babae sa kuwento. Ang babaeng iyon na walang iba kung ‘di ang ina ni Jake, ang lola ng mga anak ng lalaki.