Dahil Pa-Sosyal ang Nanay, Hindi Niya Tinuruang Managalog ang Anak, Nagdusa ang Bata nang Maghirap Sila

Taas noong naglakad sa mall si Belinda. Akay-akay niya ang apat na taong gulang na anak. Napag-usapan nila ng kanyang mister na dito na kumain ng hapunan, galing ito sa trabaho at dito na sila magkikita. Isa siyang housewife, hindi siya nakatapos ng kolehiyo at nakakuha ng trabaho noon sa isang restaurant bilang cashier. Tumigil rin siya mula nang makapag-asawa.

Maganda naman ang sinasahod ng kanyang mister at kayang-kayang buhayin ang kanilang pamilya, sobra pa nga. Kaya ganoon na lang ang yabang ng babae. Nakahipo lang ng kaunting pera, feeling niya ay mas angat na siya kaysa sa iba.

“Baby, we will wait for your daddy okay? He will be here in about 15 minutes. In the mean time, I want you to behave okay?” sabi niya sa anak. na sinadyang lakasan ang boses para malaman ng ibang namimili na english speaking silang mag ina, Tagumpay naman siya dahil pinagtinginan sila. Hmm, syempre, mukhang mayaman, tunog mayaman kami ng anak ko, sa isip isip niya.

Tumango ang bata pero kinulit niya ito. “Hey don’t just nod, I want to hear your answer.” utos niya rito, umaasang sasagot ang bata ng ingles din upang mas marinig ng mga tao na pati anak niya, sosyal!

“Yes po ‘Ma.” sabi nito. Nanlaki naman ang kanyang mga mata nang marinig ang sagot ng bata.

“Hey! What did you just call me?! ‘Ma’? Don’t call me Ma! Call me Mommy!” parang nandidiring sabi niya. Nakapukaw na siya ng atensyon ng ibang tao. Nakatingin ang iba habang ang ilan naman ay napailing nalang sa kaartehan niya. Medyo napahiya si Belinda. Magpapasikat pa naman sana siya ay pagka-cheap-cheap naman nang itinawag ng anak sa kanya.

“And don’t use opo!” sabi niya pa, na para bang masamang bagay iyon. Kung ang ibang magulang tinuturuan ang mga anak na gumalang at dinidisiplina kung hindi gumamit ng ‘po’ at ‘opo’, iba si Belinda. Mas mahalaga sa kanyang mag-English ang anak.

“But Lola said saying po and opo is a sign of respect.” sabi ng bata. Lalo siyang napangiwi nang marinig ang salitang ‘lola’. My gosh! Bakit nagtatagalog ang anak niya?! Dapat ay english lang!

Advertisement

“Honey, I don’t care what your grandma said, just, just don’t speak tagalog okay?!” sabi niya pa, kahit pa siya man ay nahihirapang mag-ingles, diniinan niya rin ang salitang GRANDMA para ipaalala sa anak na iyon ang dapat na itawag nito at hindi ang nakakadiring tagalog na salitang lola.

“But I respect you po, Mommy…” pahina na nang pahina ang boses ng bata dahil pinandilatan niya ito ng mata.

Para kasi sa kanya, mas nakakayaman kung ingles ang matututunan ng kanyang anak. Napaka-cheap pakinggan ng tagalog. Tutol ang kanyang mister sa kanyang ginagawa pero wala namang magawa ang lalaki dahil siya lagi ang kasama ng bata at palagi niya ring ipinamumukha sa asawa na siya ang nanay, kaya siya ang magdedesisyon.

Makalipas ang ilang taon, nagkasakit ng diabetes ang asawa ni Belinda. Kinailangan ring putulin ang isang paa nito kaya napilitan ang lalaki na tumigil na sa pagtatrabaho. Si Belinda ang napilitang kumayod at dahil wala namang sapat na experience sa loob ng maraming taon ay maliit lang ang kinikita ng babae. Ang kanilang anak na ngayon ay 9 na taong gulang na, inilipat na nila sa public school dahil di nila kayang tustusan ang tuition fee nito.

Isang hapon ay umuwing umiiyak ang kanyang anak, nagmamadaling nilapitan ito ni Belinda at tinanong kung ano ang problema, ito ang unang beses na nangyari ito dahil napaka-palakaibigan ng bata.

“Mommy, my classmates are making fun of me because I don’t understand what they’re saying. I don’t know what my teacher is talking about. I don’t understand anything at all!” halos pasigaw na sabi nito.

Napatulala si Belinda, alam niyang kasalanan niya ang lahat. Wala namang masama kung marunong mag-ingles ang kanyang anak pero ipinalimot niya rito ang sariling wika at ito ngayon ang nagdurusa. Hindi naging sosyal ang kanyang anak, naging ignorante ito.

Nais niyang umangat ang anak kaysa sa ibang bata, hinangad niyang makatapak ito ng iba para lang maramdaman na nakakataas siya—mas magaling na nanay, mas mayaman, mas matalino, mas sosyal. Pero ang nangyayari ngayon, anak niya ang natatapakan dahil sariling wika nito, na ginagamit sa bansang tinitirhan nila ngayon, ay hindi nito alam.

Advertisement

Mula noon ay tinuruan niya nang managalog ang bata, unti-unti at di masyadong madali pero determinado si Belinda. Kasabay ng pagkatuto ng kanyang anak ay tila ba natututo rin siya. Isang napakahalagang leksyon ang babaunin niya mula sa karanasang ito, na ang pagiging ‘classy’ ay wala sa wikang sinasabi, kung hindi nasa pagiging tao.

Kung paano makibagay sa kapwa, konsiderasyon. respeto at malasakit, iyon ang tunay na sosyal!