Nagtanim ng Galit ang Anak na Lalaki nang Mangamuhan ang Kanyang Ina sa Ibang Bansa; May Pag-asa Pa Palang Muling Maayos ang Kanilang Nasirang Relasyon

Grade 3 noon si Jake nang unang beses na mangibang bansa ang kanyang ina. Noong mga panahong iyon din ay lubos niyang hindi maintindihan kung bakit kailangan pang umalis ng kanyang ina at magtrabaho sa malayong lugar.

“Mama, huwag ka nang umalis please? Wag mo akong iwan na mag-isa,” pagmamakaawa ng batang lalaki sa kanyang ina.

“Para sa kinabukasan niyo ito, anak. Lahat ng ito ay ginagawa ni mama para sa inyo ha? Lagi mong tatandaan yan,” maluha-luhang sagot naman ng ina.

“Mama! Mama!” sigaw muli na bata habang pinipigilan ng mga tiyahin na sumunod sa ina na papasok na sa loob ng paliparan.

Labis na kalungkutan ang naramdaman ng bata. Ano nga bang alam niya sa magandang kinabukasan? Ang tangin alam lamang niya noon ay gusto silang iwan ng kanilang ina.

Noong malapit na siyang mag grade 6 ay naranasan niyang maging tampulan ng tukso. Pinagkakaisahan siya ng mga kaklase habang pinagtatawanan at paulit-ulit na tinutukso.

“Ah supot! Supot! Mag grade 6 ka na, pero supot ka pa rin!” sigaw ng kanyang mga kaklase habang tumatawa.

Walang ibang magawa si Jake kundi ang umiyak at isipin ang ina na nasa malayong lugar. Paano nga naman siya makakapagsumbong gayong nasa malayong lugar ang kanyang ina.

Advertisement

Dumating ang araw ng kanyang pagtatapos sa elementarya. Labis ang pagpipiliy niya sa ina na umuwi upang sumama sa kanya sa entablado sa pagkuha ng medalya at karangalan dahil sa mataas na gradong nakuha.

“Mama, baka puwedeng umuwi ka muna? Kahit ilang linggo lang. Para makasama naman kita sa graduation ko. Sige na ma, please?” pakiusap ni Jake.

“Anak, madami pang trabaho si mama eh, pero susubukan ko. Pangako babawi ako sa’yo si mama ha?” tugon naman ng ina sa telepono.

Lumipas ang mga araw at linggo, dumating ang araw ng pagtatapos subalit walang “mama” na dumating upang samahan siya sa entablado. Umakyat si Jake sa entablado sa unang pagkakataon na magtatapos ng iba ang kasama.

Nang makauwi mula sa pagtatapos ay tumawag ang kanyang mama upang maka-video call siya saglit. Malamig ang mga naging tugon ni Jake habang nakatingin sa ina na karga-karga ang batang inaalagaan.

“Congratulations anak! Proud na proud sa’yo si mama,” masiglang bati ng kanyang ina.

“Proud? Eh hindi ka nga umuwi dito para samahan ako sa entablado. Isipin mo ma, unang beses akong gagraduate tapos hindi ikaw yung kasama ko? Wala naman din akong aasahan sa kay papa, kasi matagal na niya tayong inabando,” galit na sabi ng batang lalaki.

“Pasensya na anak ha? Para sa’yo naman lahat ng sakripisyo na ‘to ni mama. Tsaka walang mag-aalaga dito sa alaga ko kasi nasa bakasyon ang mga magulang niya,” paliwanag ng ina habang ipinapakita ang batang alaga.

Advertisement

“Napakamanhid mo naman. Anak ng iba inaalagaan mo, tapos sarili mong anak pinabayaan mo dito. Wow ma! Salamat ha?” pagtataas ng boses ng anak sabay ibinaba ang tawag.

Di man niya gustong gawin iyon, ngunit labis na inggit ang nadama niya sa mga batang arabo na alaga ng kanyang ina. Imbis na siyang sariling anak ang kasama, ibang bata ang kinakalinga nito.

Pinagdamutan at pinagkaitan ng pagmamahal, ganyang ang naging takbo ng isip ni Jake hanggang sa makatapos siya ng high school. Napuno ng galit at mga katanungan ang puso niya nangungulila sa pagmamahal ng ina.

“Bakit ganito? Paano na lamang ako? Hanggang kailan kaya kami magkakahiwa-hiwalay?” iyan ang mga katanungan na tumatakbo sa kanyang isip.

Noong kolehiyo na siya, nagkaroon ng sila ng rekoleksyon kung saan ang mga magtatapos ay kinakailangang dumalo. Pinapaalala sa programa ang magagandang alaala kasama ang mga magulang ng estudyante.

“Ano naman kayang magandang memorya ang maaalala ko tungkol sa’yo, eh batang pa lang ako, iniwan mo na ako. Ngayon ngang magtatapos na ako ng kolehiyo nandyan ka pa rin sa Saudi,” nakangising sambit ni Jake sa kanyang sarili.

Ngunit isang bidyo ang ipinakita sa kanila kung saan ang bawat magulang ay nagbibigay ng mensahe sa kanilang mga anak. Hindi naman ito inintindi ni Jake, dahil ano bang malay ng kanyang ina tungkol dito.

Biglang napukaw ang kanyang atensyon nang marinig niya ang boses na pamilyar na pamilyar sa kanya, mula sa bidyo ay nakita niya ang mukha na kilalang-kilala niya, ang mukha ng kanyang ina.

Advertisement

Dahil sa bidyong iyon kung saan sinasalaysay ng kanyang ina at sinasariwa ang magagandang alaala kasama siya ay tila ba bumalik lahat ng paghihirap na ginawa ng kanyang ina para sa kanya.

Biglang naalala niya noong Grade 1 siya, sa sobrang abala ng kanyang ina ay nakalimutan na nitong sunduin siya sa paaralan. Dalawang oras siyang nag-intay noon. Iyak siya ng iyak dahil akala niya ay kinalimutan na talaga siya ng kanyang ina.

Makalipas ang ilang oras ay bumungad noon sa kanya ang kanyang ina, punong-puno ng pagsisi. Agad nitong pinatahan ang batang si Jake sa pag-iyak at saka niyakap ng mahigpit kasunod ng matatamis na halik sa pisngi.

Naalala din niya noong minsang inihatid siya ng kanyang ina sa paaralan nang maabutan sila ng malakas na ulan. Nabasa ang kanyang uniporme at medyas ng kaunti, ngunit ang kanyang ina ay halos paligo na sa pagprotekta sa lamang sa kanya upang hindi mabasa.

Pagkahatid ay agad na umuwi ang kanyang ina. Pagbalik nito ay may dala nang bagong plantsang uniporme at bagong pares ng medyas. Ramdam na ramdam niya ang pagdampi ng bagong plantsang tela sa kanyang balat. Kasing init ito ng pagmamahal ng kanyang ina sa gitna ng maulan na panahon.

Bumalik din sa kanyang alaala noon nang minsan siyang mawala sa pamilihan. Madaming tao noon at lahat ay nagsisiksikan at abala sa pamimili. Nabitawan ng kanyang ina ang kanyang kamay. Natangay siya ng mga nagmamadaling mga mamimili, pero hindi siya nataranta. Hindi siya umiyak, dahil sa itinuro sa kanya ng kanyang ina.

“Kapag nawala ka anak, wag kang aalis sa pwesto mo ha? Antayin mo lamang ako. Hahanapin kita kahit na ano ang mangyari,” malumanay na sabi ng kanyang ina.

Ang lahat ng ito ay bumalik sa kanyang alaala. Magagandang bagay tungkol sa kanyang ina na hindi dapat ibinabasura.

Advertisement

Tuloy ang pagbagsak ng kanyang mga luha. Labis na lungkot ang kanyang nadama dahil sa ilang taon na pagkagalit niya sa kanyang ina. Maya-maya ay isang kamay ang pumatong sa kanyang mga balikat, hawak ang isang panyo.

Marahang dumampi ang panyo sa kanyang basang mukha dahi sa mga luha. Isang pakiramdam na matagal din niyang inaasam-asam. Isang mainit na haplos na nagbibigay katahimikan sa nagsusumigaw niyang puso.

“Naandito na si mama, at hindi na muli pang aalis sa tabi mo,” mahinang sambit ng malambing na boses sa kanyang tainga, “patawarin mo si mama kung ngayon lamang ako nakabalik, anak ko.”

“Mama… Mama ko…” napatayo ang lalaki sa kanyang kinauupan habang niyayakap ng mahigpit ang kanyang ina.

Isang napakahigpit na yakap naman ang isinukli ng babae sa kanyang anak habang hinahaplos ang likod nito. Humahagulgol ang binata sa naghahalong galak at lungkot na nadarama niya sa kanyang puso.

“Tahan na anak ko. Naandito na ulit ako para pawiin ang mga luha sa mga mata mo. Naandito na si mama, anak ko,” umiiyak din na pahayag ng kanyang.

“Patawad mama. Patawarin mo ako,” sambit ni Jake, “ngayon ko lamang naisip na ikaw pala dapat ang iniintindi ko. Kalahati man ng buhay ko ay wala ka sa tabi ko, pero kahit kailan ay hindi mo ipinadama na mag-isa ako.

“patawad mama sa mga araw na hindi kita inintindi. Patawad sa mga kaarawan mo na hindi kita nabati. Patawad sa mga panahong nagtanim ako ng sama ng loob. Nabulag ako noon sa konsepto ng ang pamilya natin ay hindi buo.

Advertisement

“Ang totoo niyan, nanatili tayong buo at nabubuhay ng disente dahil sa mga sakripisyo mo sa kabilang ibayo. Maraming salamat sa mga pagtitiis mo. Pangako, simula ngayon ay ako naman ang mag-aalaga sa’yo,” lumuluhang saad ng binata.

“Patawarin mo rin si mama sa mga panahong kailangan mo ako, pero wala ako sa tabi mo. Pero kahit kailan anak, ay hindi ka nawala sa panalangin ko. Ilan taon akong nagtiis at umiiyak dahil sa sobrang kasabikan makasama kang muli.

“Pinili ko lamang maging matatag upang maitaguyod ka ang mapagtapos kita. Nang sa ganoon ay mayroon akong kayamanan na maipapamana sa’yo kapag ako ay wala na. Mahal na mahal kita anak,” tugon naman ng kanyang ina.

Lahat sa loob ng silid ay nag-iyakan sa isang madamdaming tagpo ng mag-ina. At sa una at huling pagkakataon ay nag martsa sa entablado si Jake, pero sa pagkakataong ito ay kasama na niya ang kanyang ina sa pagkuha ng parangal.

Magmula noon ay pinilit niyang palitan ang lungkot ng kahapon sa panibagong saya na dala ng ngayon. Araw-araw ay ipinapakita at pinaparamdam niya sa kanyang ina kung gaano ito kahalaga sa kanya.

Ngayon mayroon na siyang magandang trabaho at binubuong pamilya ay hindi maiwasang mapangiti na lamang ng kanyang ina dahil lahat ng pagpapagal at sakripisyo niya ay nagbunga na.