Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Pera o Pagsasama? - Inday Trending

Pera o Pagsasama?

Simula nang makakilala sina Darren at Nicole ay parehas silang naghahanap buhay, parehas na kumikita at parehas na natutulungan ang kanilang mga pamilya.

Kahit na noong magkasintahan sila, bukod ang ipon para sa kani-kaniyang pamilya at para sa kanilang future.

Planado na rin nila ang lahat, simula sa kasal hanggang sa pangalan magiging bunso nilang anak ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana dahil nabuntis ng hindi inaasahan si Nicole.

“Galit ka ba babe kasi hindi natupad lahat ng balak natin? Lalo na ngayon na magkaka-baby na tayo, patawarin mo ako,” wika ni Darren sa babae.

“Hindi ah, hindi ako magagalit dahil blessing ito. Saka sabi sa bibliya, hindi lahat ng plano natin nasusunod lalo na kung hindi naman kalooban ng Diyos. Saka isa pa hindi ito disgrasya lang na hindi natin inaasahan, dahil naniniwala ako na ito ang tamang oras na pinili ng Panginoon para maging magulang tayo. Magiging maayos din ang lahat babe,” sagot ni Nicole sa nobyo saka kinuha ang kamay ng lalaki at inilagay iyon sa kaniyang tiyan.

“Magiging mabuti tayong mga magulang,” dagdag pa ng babae.

Bukod sa napakabait at napakasipag ni Nicole ay napakalapit din nito sa Panginoon at pagsisilbi sa simbahan, kaya naman mahahalata mo agad sa kaniya ang pagiging positibo sa buhay.

Alam ng dalaga na magiging mahirap ang mga susunod na kabanata ng kanilang buhay, hindi na niya masusuportahan ang pamilya at mga kapatid na nag-aaral dahil uunahin na niya ngayon ang kaniyang magiging pamilya.

Masakit man ito para sa kaniya ngunit kailangan niyang maging matapang upang dalhin ang lahat ng pagsubok na may pananalig sa Panginoon.

Lumipas ang siyam na buwan at nakapanganak na si Nicole, nagkaroon ng komplikasyon ang bata dahil nakakain na ito ng dumi sa kaniyang sinapupunan kaya naman lumaki ang gastos nila ng hindi inaasahan. Nagalaw ang kanilang ipon at ngayon ay nagkandautang-utang pa nga ang dalawa.

“Gusto mo bang bumalik na ako sa trabaho babe?” tanong ni Nicole sa kaniyang asawa.

“Sino ang magbabantay diyan sa anak natin aber? Isa pa, ang mahal ng gatas ngayon kaya kung kaya naman ay pasusuhin mo na lang iyang bata,” sagot ni Darren saka ito nagtakip ng mukha sa sobrang daming iniisip.

Hindi na sumagot pa si Nicole dahil nakikita niyang hirap na hirap na si Darren sa pagtatrabaho. Bukod kasi sa utang na kailangan nilang bayaran ay marami pa rin silang gamit na hindi pa nabibili para sa bata, balak kasi nilang ibili na lang ito kapag lumabas na.

Kaya naman naisipan ni Nicole na patulan ang mga nakikita niyang post sa FB kung saan magkaka-pera siya kahit na nasa bahay lang.

“Manonood ka lang ng mga videos tapos kikita ka na,” saad ng taong kausap niya sa messenger.

“E paano ko ba masisimulan iyan?” tanong naman ni Nicole dito.

“Kailangan mo lang magbukas ng account, limang libong piso lang at babalik agad sayo,” sagot nito.

Saglit na napaisip ang babae, mayroon naman siyang pera na naitabi kahit paano ngunit para iyon sa mga emergency at sampung libong piso na lamang iyon.

“Isusugal ko ba yung limang libong piso?” tanong niya sa sarili habang binabasa ang mga testimonya ng mga miyembro ng naturang trabaho.

“Mukhang totoo naman, sige isugal na natin anak,” wika niya sa kaniyang anak.

Mabilis nakapagbayad si Nicole para masimulan ang kaniyang panonood upang kumita na ng pera ngunit nang maihulog na niya ang kaniyang bayad ay hindi na nagchat muli ang babaeng kausap kanina.

Sinubukan niyang tawagan ang mga numerong nakalagay sa website na kanyang pinuntahan ngunit hindi na niya ito ma-click pa.

“T*ngina iyan! Ngayon pa ako na I-scam,” umiiyak na wika ni Nicole.

Sakto namang naabutan sya ni Darren na humahagulgol.

“Anong nangyari babe, bakit ka umiiyak?” tanong ni Darren sa kaniyang misis.

“May kasalanan ako, Darren. Ginalaw ko yung emergency fund natin, sumali ako sa nakita kong online job sa facebook. 5,000 yung opening ng account, tapos nung naihulog ko na ay wala na. Hindi ko na ma-contact yung tao, napakabobo ko!” saad ni Nicole.

“Bakit mo naman kasi ginawa iyon? Alam mo nang marami tayong bayarin diba,” sagot ng lalaki.

“Gusto ko lang naman kasi makatulong, palagi ko kasing nakikita na namomroblema ka sa pera kaya naisip ko na maghanap ng mapagkakakitaan kahit nasa bahay lang. Pero ito ako ngayon, nai-scam!” baling ng babae.

“Pasensya ka na kung palaging ganoon ang nakikita mo sa akin, pero babe yung inaalagaan mo yung anak natin ay malaking bagay na. Kasalanan ko ito dahil pinaramdam ko sayo na kinakain na tayo ng problema natin sa pera kaya naman nagkakaganyan ka, patawarin mo ako,” mahinang sabi ni Darren saka hinaplos ang ulo ng kaniyang misis.

“Patawarin mo rin ako kung ginalaw ko yung pera na ganun lang, dapat nagsabi din muna ako sayo dahil mag-asawa na tayo,” wika ni Nicole sabay yakap sa lalaki.

“Patawarin mo ako kung wala na akong natutulong sayo,” dagdag pa ng babae.

“Huwag mo nang uulitin iyon babe ha, kasi sayang yung pera. Sa susunod na gusto mong sumali sa mga ganyan ay pag-aralan muna natin, siguraduhin natin na totoo.

Isa pa, hindi naman pera lang ang sukatan para masabi na may naitutulong o wala sa isang pagsasama. Ikaw ang nag-aasikaso dito sa bahay at sapat na iyon, darating din ang araw na mag-aakyat kang muli ng pera rito. Pero sa ngayon, huwag tayong magpapatalo sa pera, sa problema man o ligaya,” pahayag ni Darren.

Napangiti na lang si Nicole dahil naalala niya ang kanilang sumpaan, na hindi sila kailangan man mag-aaway ng tungkol sa pera. Dahil ang pagkalulong sa pera ang pinaka-kalaban ng isang magandang pagsasama.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.