Kahit Kapos na sa Pera’y Pilit Nakikipagsabayan ang Aleng Ito sa Kaniyang Mga Mayamang Amiga; Halos Manghiram Siya ng Mukha sa Aso Nang Mabuking ang Kabi-kabilang Utang

Nagising na pawis na pawis si Aling Lady. Galit na galit pa ito sa pag-aakalang pinatayan siya ng aircon ng asawang si Mang Ronnel. “Ronnel! Bastos ka naman! Kita mo nang may natutulog! May lakad pa ako mamaya, hudas ka!”

“Ano bang akala mo, libre na ang kuryente ngayon? Binabayaran iyan kada buwan!” Inis na inis na wika ni Mang Ronnel habang padabog na inilapag sa mesa ang disconnection notice ng Meralco.

Hindi na lamang umimik si Aling Lady. Palibhasa’y imbes ibayad sa kuryente ang perang inintrega ng asawang electrician ay pinangbili pa niya iyon ng ticket sa eroplano. Paano ba nama’y may bonding sila ng kaniyang mga amiga sa Cagayan de Oro. Siyempre’y hindi siya magpapahuli sa mga ito.

“Binayaran ko na nga pala iyong mga credit card natin. Bakit may bago ka na namang utang? Namili ka na naman ng mga damit?” Paninita ni Mang Ronnel habang kumakamot sa ulo.

Kung tutuusin ay wala na dapat problema ang mister sa buhay nang mapagtapos na niya ang dalawang anak sa pag-aaral. May sarili naman silang bahay at isang sasakyan ngunit hindi kailanman naging kuntento ang misis sa kanilang payak na pamumuhay.

Napabarkada kasi ito sa mga mayayamang kumare. Hindi na natapos ang pagkikita-kita ng mga ito. Ilang reunion din ang pinupuntahan ng asawa at talaga namang lubos ang paghahanda nito sa bawat pagtitipon na dinadaluhan.

Wala na lamang magawa si Mang Ronnel sa ugali ng asawa. Dati-rati nama’y hindi ito ganoon kalala.

“Papa, sabihan mo naman si Mama na maging disiplinado sa paghahawak ng pera. Aba’y kapapadala ko lamang ng 50,000 noong katapusan tapos malalaman kong naputulan tayo ng kuryente? Para saan pa’t nagpapakahirap ako dito sa Dubai?” Giit ng panganay na anak ng mag-asawang si Sherwin.

Advertisement

Gulat na gulat naman si Mang Ronnel. Bukod sa nagpadala na pala ang anak ay nagbibigay pa rin siya ng pambayad ng tubig at kuryente sa asawa.

Kabi-kabila ang dating ng mga sulat mula sa iba’t-ibang bangko. Hindi na nakapagpigil si Mang Ronnel sa inaasta ng asawa kaya’t agad itong nagsumbong sa mga anak.

“Mare, kailangan nating magbigay ng tig 100,000 para sa ating donasyon sa bahay ampunan. Kung sampu tayong magbibigay ng donasyon ay aabot ng 1 milyon ang ating malilikom na pera. Lalong babango ang pangalan natin at kakainggitan na naman ang grupo natin.” Wika ni Donya Carmencita.

Putlang-putla si Aling Lady sa narinig. Palibhasa’y kakabigay lamang nila ng 40,000 para sa mga nasunugan sa kabilang barangay. Bukod dito’y iniisip niya rin ang patong-patong na utang. Tiyak na tumatawag na naman ang bangko sa kanilang bahay.

“Oh, mare. May problema ba? Ayos lang kung hindi mo na kayang magbigay ha? Baka naman napapasobra ka na ng bigay at magalit na sa iyo si Pareng Ronnel at mga anak ninyo.” Nagaalalang saad ni Donya Carmencita.

“Ay hindi, mare. Gaya nga ng naikuwento ko sa ‘yo, may sampung milyon pa akong nakatabi sa bangko. Medyo masama lang ang pakiramdam ko kaya pasensya ka na rin, mauuna na ako.” Giit ni Aling Lady.

“O siya, sige. Dadaanan na lamang namin nila Pacita ang pera sa bahay ninyo.” Sagot ni Donya Carmencita sabay beso sa pawisang si Aling Lady.

Agad naman itong umuwi at halos mabitawan nito ang hawak na pamaypay nang makitang may mga nag-aabang na taga barangay sa kanilang gate.

Advertisement

“Mrs. Lady de Villa, pambihira. Hindi ho ba kaanib kayo sa grupo ng mga donya dito sa ating lugar? Bakit naman ho umabot sa ganito ang utang ninyo? Susmaryosep, 8 milyon.” Wika ng kapitan ng barangay na si Kap Mags.

Nangangatog naman sa isang sulok si Mang Ronnel at halatang hindi na nito alam ang gagawin.

“Hindi ho kasi kayo sumasagot sa aming mga tawag kaya sinadya na namin kayo dito. Pasensiyahan na lamang ho tayo. Kung marunong lamang sana kayong makipag-usap.” Wika ng isang lalakeng representante ng bangko.

Pawis na pawis at kinakapos na ng hininga si Aling Lady. Maya-maya’y nawalan na siya ng malay.

Nang magising ay gulat na gulat siya sa senaryo. Naputulan sila ng kuryente at basang-basa siya ng pawis.

“Oh, magagalit ka pa na pinagpapawisan ka habang tulog? Ano bang akala mo, libre na ang kuryente ngayon? Binabayaran iyan kada buwan!” Inis na inis na wika ni Mang Ronnel habang padabog na inilapag sa mesa ang disconnection notice ng Meralco.

Tila pamilyar ang eksenang iyon. Mukhang nagising nga siya mula sa isang masamang panaginip.

“Patong-patong ang utang mo! Saang kamay ng Diyos natin kukunin ang 8 milyon, Lady?”

Advertisement

“Ronnel, patawarin mo ako. Magbabagong buhay na ako. Kakausapin ko ang mga kapatid at mga kaibigan ko at hihingi ako ng tulong sa kanila upang makabayad ako ng utang.”

Agad namang dinampot ni Aling Lady ang telepono at kinausap si Donya Carmencita.

Inamin nito ang lahat-lahat sa kaibigan. Isa-isa rin niyang tinawagan ang mga kumare upang magtapat at humingi ng tulong ngunit tila kinasusuklaman na siya ng mga ito.

“Nararapat lang sa iyo, ‘yan Lady. Kailangan mong mag-tanda upang hindi ka na umulit pa’t maging mapagpanggap! Pasensiya na ngunit hindi ka namin matutulungan” Giit ni Donya Pacita.

Matapos noon ay agad naman niyang tinawagan ang mga kapatid ngunit wala din daw ganoong kalaking halaga ang mga iyon.

Maya-maya’y gulat na gulat siya nang maramdamang may yumakap sa kaniyang likuran. Ang kaniyang bunsong anak na si Celeste!

“Mama, huwag kang mag-alala. Nakagawa na ako ng paraan. May naitabi ring pera si Papa. Mababayaran na natin ang 800,000 na utang mo sa bangko.” Saad ng bunsong anak nitong si Celestine.

“Anak, paano ka nakauwi galing Saudi? 800,000? Akala ko’y lumago ng 8 milyon ang utang ko sa bangko!” Nagtatakang wika ni Aling Lady.

Advertisement

“Mama, unti-unting binabayaran ni Papa lahat ng inuutang mo nang hindi mo alam. Kaya’t imbes lumaki iyon ng lumaki ay nabawasan pa. Sana magbago ka na, mama. Mahal na mahal ka namin nila Papa. Umuwi ako para maayos ang lahat ng gusot at mabayaran lahat ng utang na ginawa mo.”

Hindi naman malaman ni Aling Lady ang gagawin. Agad nitong sinalubong ng mahigpit na yakap ang asawa’t anak.

“Mahal na mahal ko kayo. Simula ngayon ay magbabago na ako at iaalay ko na ang lahat ng oras at panahon ko sa inyo.”

Mula noon ay naging napakalaki na nga ng pagbabago ni Aling Lady. Wala na siyang pakialam sa sasabihin ng ibang tao at alagang-alaga rin nito ang asawa. Kahit ang pag-alis ng bahay ay hindi nito ginagawa.

Nagsimula din itong manahi ng mga bag at wallet at ibinebenta naman iyon ng kaniyang mga anak sa internet. Lumago ng lumago ang kaniyang maliit na negosyo hanggang sa napilitan siyang umupa ng pabrika sa Bulacan.

Ang dating mapagpanggap na milyonarya ay tuluyan na ngang naging milyonarya ngunit sa pagkakataong ito’y hindi siya naging pasikat at palihim na lamang na tumutulong sa mga nangangailangan.