Katas ng Nakaw

“Hanep Mahal no, walong taon na ang anak natin pero hindi man lang natin mabigyan ng ganyan kasayang kaarawan. Yung katulad niyan na may catering pa, may bakod na mga dahon ng niyog sa harapan ng bahay, tapos maraming regalo yung matatanggap ng anak natin at higit sa lahat yung anak natin ang magiging bida.” malungkot na ika ni Kaye, habang nakatanaw sa birthday party na nagaganap sa tapat ng kanilang bahay.

“Oo nga e, iba na talaga ang narating nila no, parang ang dami-dami na nilang ipon.” matipid na ika ng asawa niya—si Von, bakas sa mukha nito ang kalungkutan at inggit habang nakasilip sa kanilang bintana, tanaw-tanaw ang masasayang taong kumakain ng masasarap na pagkain.

Labing siyam na taon pa lamang si Kaye noong mabuntis sa kanilang unang anak ni Von dahilan para matigil siya sa pag-aaral. Nagdesisyon rin naman ang asawa niya na tumigil na rin noong mga panahon na yon para magtrabaho pangtustos sa kanyang mag-ina.

Kaya labis na lamang ang inggit nila sa mga dating kaibigan na tila umangat na sa buhay ngayon. Lagi nilang kasama noon ang mag-asawang nakatira sa tapat ng bahay nila, dati pa nga’y sa kanila ito nakikitulog dahil walang kuryente, ngunit ngayo’y nakaangat na raw sa buhay ang mga ito, ni hindi man lang sila maimbitahan.

Lumipas ang mga araw matapos ang kaarawan ng anak ng mag-asawa sa tapat ng bahay nila, nagulat na lamang si Kaye na kumakatok sa kanilang bahay ang babae at anak nito isang gabi bago sila matulog.

“O, Grace, napadalaw kayo? Gabi na ah.” gulat niyang ika.

“P-pwede ba kaming makituloy ulit sa inyo?” nakatungong sambit ng babae, halata sa kanyang nahihiya sa pabor na hinihingi.

“Ha? Bakit, may problema ka ba? Nasaan ang asawa mo?” pang-uusisa ni Kaye ngunit nagulat na lamang siya nang umiyak ang dating kaibigan sa kanyang harapan, kaya naman pinatuloy niya ito sa loob kasama ang tatlong taong gulang na anak at doon nalaman niya ang rason.

Advertisement

“Si Anton kasi, sa sobrang kagustuhan niyang umalwan ang buhay namin, binulsa niya ang kalahating kita ng kanilang kompanya. Kaya nga nakapagpakabit kami ng kuryente, kaya umayos ang bahay namin at kaya may magandang birthday celebration ang anak namin.

Alam naming mali, pero yun na lang ang paraan para matupad namin ang mga pangarap naman sa buhay.” matapat na sambit ni Grace habang nangingilid ulit ang luha sa mga mata.

“Okay naman noong una e, kaso bigla siyang nilaglag noong kasama niya. Kaya ayun, natanggal sa trabaho ang asawa ko, pero hindi lang yun, kasalukuyang nakakulong siya. Hindi ko na alam ang gagawin ko, Kaye.” tuluyan nang humagulgol ang babae, hinimas-himas naman ni Kaye ang likod nito upang kumalma.

Doon niya na nga pinatulog ang mag-ina. Laking gulat naman ng kanyang asawa nang makita ang mga itong natutulog sa sala. Agad niyang ikinuwento ang nangyari.

“Kaya naman pala biglaan ang pag-angat nila ganoon pala ang nagawa ni Anton. Buti na lang Mahal nagawa nating magtiis sa kahirapan, ano? Nakuntento tayo kung ano lang yung mayroon tayo.” ika ni Von, habang umiinom ng kape.

“Oo nga e, ngayon napagtanto kong hindi natin kailangan ng marangyang buhay kung galing rin naman sa maling pamamaraan. Hindi naman sa hinuhusgahan ko sila, pero yun lang yung natutunan ko sa buhay nila Grace, kaya siguro dapat natin silang tulungan ngayon.” pagpapaliwanag ni Kaye.

Tinulungan nga na mag-asawa sila Grace. Hindi man nila mapiyansahan ang nakakulong na asawa nito dahil wala rin silang sapat na pera, nagpatayo na lamang sila ng maliit na sari-sari store para sa kaibigan upang mapagkuhaan ng pang-araw-araw na panggastos.

“Naku Kaye, ang laking tulong nito para samin ng anak ko. Maraming salamat talaga. Kahit na nakalimutan namin kayo noong maalwan ang buhay namin, hindi yun naging rason para hindi niyo kami tulungan.” mangiyak-ngiyak na ika nito, sabay yakap kay Kaye, labis naman ang tuwang nararamdaman ng mag-asawa.

Advertisement

“Iba talaga ang saya kapag pinaghirapan mo yung perang ilalabas mo para makatulong sa iba.” bulong ni Von sa asawa dahilan para maiyak ito sa saya.

Hindi man nagawa ng mag-asawa na ilabas sa kulungan si Anton, nagawa naman nilang suportahan ang naiwang pamilya nito.

Ang perang mula sa masamang pamamaraan ay hindi magtatagal sa kamay mo, ngunit ang perang pinaghirapan mo, tiyak mapapakinabangan mo ng totoo.