Walang Konsensyang Niloko ng Lalaking Ito ang Matalik na Kaibigan sa Pera, ang Karma Mismo ang Humabol sa Kanya

Magkaibigang matalik sina Leroy at Henny, simula high school ay sanggang dikit na silang dalawa. Hanggang ngayong may mga sarili na silang pamilya ay malapit pa rin sila sa isa’t isa. Kapatid na ang turing ni Henny kay Leroy, kung kinakailangang sumuong sa apoy para sa kaibigan ay gagawin niya.

Samantalang si Leroy, may kasamaan ang ugali. Lingid sa kaalaman ni Henny ay palihim na naiinggit ang lalaki kapag may biyaya siyang tinatamasa sa buhay, lalo na ngayon at malakas ang kita ng negosyo niyang niyogan at bukohan.

“Pare, alam mo ba iyong lending?” sabi ni Leroy kay Henny, isang gabing nag-iinuman sila.

“Oo, parang may narinig akong ganyan sa kaibigan ni misis nung isang linggo, bakit pare?” takang tanong ni Henny.

“Ah, kailangan ko kasi ng malaking pera. Alam mo na, pang simula ng buhay sana. Iniwan ako ni kumareng Josie mo dahil raw walang pupuntahan ang buhay namin, isinama pa ang dalawang bata sa bahay ng biyenan ko. Naku, tiyak sirang-sira na naman ako doon.” malungkot na sabi ni Leroy.

Nakaramdam naman ng habag si Henny, mahirap nga ang pinagdaraanan ng kaibigan. Mabigat sa pakiramdam ang iwan ng mag-iina.

“Paano naman ako makakatulong pare? Kung sapat lang ang pera ko, edi ako nalang ang magpapahiram sayo ng pera. Kahit bigay pa! Malaki yata ang tubo roon eh,” komento ni Henny.

“Hindi pare, ang rinig ko 5% lang. Kayang-kaya ko yun basta swertehin ako sa Dubai. Placement fee lang naman eh. Sabihin na nating 70,000- 80,000 pesos ang kailangan ko, lahat lahat na yun.”

Advertisement

“Ay ang laki naman pala! Naku pare, wala akong ganyang halaga.” nag aalalang sabi ni Henny.

“Ayos lang iyan.. makakatulong ka pa rin sa akin. Pwede ba kitang gawing guarantor?” kinapalan na ni Leroy ang mukha niya, sigurado naman siyang di tatanggi ang kaibigan dahil malaki ang tiwala nito sa kanya.

“Ano yung guarantor?” tanong ni Henny, kahit di pa siya sigurado kung ano iyon, papayag rin naman siya agad basta makakatulong sa kaibigan.

“Pipirma ka lang pare, kumbaga parang witness ko na magbabayad ako sa utang.” paliwanag ni Leroy, di sinabi sa kaibigan na sakaling tumakbo siya sa utang ay ito ang maoobligang magbayad.

Kinabukasan rin ay pumunta sila sa opisina ng lending company at nanghiram doon. Pumirma si Henny, siya ang nag-iisang guarantor ni Leroy, hindi pa masyadong mahigpit ang seguridad sa pautangan noon dahil takot ang mga tao na magkaroon ng police record at makasuhan ng estafa kung tatakbo sila.

Pero taliwas sa pinag-usapan ay hindi nagbayad si Leroy. Ginamit niya ang pera para lumuwas sa Maynila at winaldas iyon sa pagsusugal, babae at kung anu-ano pang bisyo. Naiwang baon sa utang ang nagmalasakit lang naman na si Henny.

Makalipas ang maraming taon

Ilang beses nang sinubukang contact-in ni Leroy ang mga anak pero di siya sinasagot ng mga ito, may kanya-kanya na kasing pamilya at marahil ay napagod na rin sa kanya. Matanda na kasi siya ay di pa rin natututo sa buhay, wala siyang naipundar at baon na baon pa sa utang dahil sa bisyo.

Advertisement

“Mang Leroy, may bagong lending company raw. Isang sakay lang ng jeep. Hindi mahigpit sa requirements, first 50 na manghihiram 2% interest lang,” sabi ng landlady sa inuupahang apartment ng may edad nang si Leroy.

Agad na nagliwanag ang mukha ng matanda, basta pera. Dali dali siyang nagbihis at dinala ang mga photocopy ng kanyang ID, kabisado niya na ang requirements sa mga utangan. Limang libo lang naman ang kanyang hihiramin kaya tiyak niyang wala nang background check, at kung sakaling meron man, hindi maaapprove ang loan niya dahil ang dami niya nang pinagkakautangan.

Ilang sandali lang ay nasa tapat na siya ng HC Lending Company. Hindi pa ganoon karami ang tao roon, agad siyang nagsubmit ng requirements at pinaghintay ng mga 30 minuto. Maya-maya pa ay nagulat siya dahil approved na ang loan niya.

” Talaga ba ineng? Wala man lang bang interview?” tanong niya sa babaeng nasa helpdesk. Bale ba ay naghanda na siya ng mga paawa sana niyang sasabihin.

“Wala po, may tiwala po ang owner sa mga tao,” nakangiting sabi ng babae.

“Ba.. ayos ang may ari nitong HC ha,” nakangiting sabi niya rin.

“Ang narinig ko po kasi, dating naghirap ang may ari at namatayan ng tatay dahil rin sa lending. Iniwan kasi ng matalik na kaibigan ang tatay nila na siyang napwersang magbayad ng mga utang. Dahil doon ay bumagsak ang kabuhayan ng lalaki at nagkasakit.. di kalaunan pumanaw na. Pero kabilin bilinan sa mga anak na wag magtatanim ng galit at wag pa rin mawawalan ng tiwala sa tao, kung may nangangailangan ng tulong.. ibigay iyon, ayos po no?” sabi ng babae.

Di naman nakasagot agad si Leroy dahil tinamaan siya sa sinabi ng babae. Di niya alam kung bakit pero bigla niyang naisip itanong,

Advertisement

“Ano nga pala ang ibig sabihin ng ‘HC’ sa ‘HC Lending Company’?”

“Ah, Herminigildo Campos.”

Unti-unti namang napaatras si Leroy, paano naman niya makakalimutan ang pangalang iyon?

Si Henny.

Ang kaibigan niyang si Henny na tinraydor niya at pinagpalit sa pera.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebool page.