Kung Anu-Ano ang Ginagawa ng Babae Para Mahigitan ang Manugang, Hindi Niya Akalain na Muntik na Niyang Kitilin ang Buhay ng Sariling Apo

Nag-iisang anak ni Nora si Kyle, matagal na siyang biyuda dahil pumanaw ang kanyang mister sa isang aksidente sa Saudi. Ang anak na lamang ang mayroon siya kaya nang mag-asawa ito ay ganoon na lamang ang pagtaas ng kanyang kilay.

Kahit anong bait ng manugang niyang si Elise ay hindi niya magawang tanggapin ang babae. Ang tingin niya rito ay karibal, sa atensyon at oras ng kanyang anak. Kahit na anong iluto nito ay sinasadya niyang tapatan.

Kung magluluto ito ng tinola ay ganoon rin ang gagawin niya, wala siyang pakialam kung mag-doble basta dapat ay unahing ubusin ng anak niya ang niluto niya.

“Mahal, pasensya ka na kay Mama ha. Alam ko naman na nahihirapan ka-”

“Sshh. Naiintindihan ko siya,” nakangiting sabi ni Elise. Tanggap naman ng babae na mas magaling talaga ang kanyang biyenan, syempre ay higit na ang experience nito kaysa sa kanya. Kaya hindi niya na lamang pinapansin ang mga patutsada nito.

Hindi na rin siya nagpi-prisintang magluto, noong una ay nahihiya siya pero nitong huli ay natuklasan niyang mas nais ng biyenan niya na ipagluto ang anak. Kaya tumutulong nalang si Elise sa pamamagitan ng paghugas ng pinggan at iba pang gawaing bahay.

Mabilis lumipas ang ilang buwan, walang ipinagbago sa pakikitungo ni Nora kay Elise. Nadagdagan pa ang asar niya sa babae dahil naging sakitin ito.

“Anak, halika nang maghapunan sabay na tayo,” sabi ni Nora kay Kyle.

Advertisement

“Sige po ma, magsa-sandok na ako.” sabi ng lalaki, napangiti si Nora dahil maso-solo niya ang anak.

Pero napakunot ang kanyang noo nang makitang inilalagay nito ang dalawang pinggang kanin at isang sabaw sa tray.

“O? Saan mo dadalhin iyan?” takang tanong niya.

“Masama po ang pakiramdam ni Elise eh. Hindi raw ho makatayo dahil nanlalambot ang katawan, dadalhan ko nalang ng pagkain sa kwarto. Sabay na kami doon.” sabi ng lalaki at tumalima na.

Malalim na bumuntong hininga si Nora. Mukhang naisahan siya ng manugang. Kinabukasan ay ganoon ulit ang nangyari dahil masama pa rin ang pakiramdam ng manugang. Kaya naman nakaisip ang babae ng isang paraan, papatalo ba siya?

“Ma, hey, are you okay?” nag-aalalang tanong ni Kyle isang gabi. Inaakay nito ang misis upang samahan sa banyo nang mapansin ang ina na lupaypay sa sofa. Hinang -hina si Nora at halos hindi makadilat.

“Mataas yata ang dugo ko anak. Grabe ang hilo ko, parang binibiyak ang ulo ko!” daing pa niya.

“Sandali lang hon ha,” sabi ni Kyle. Inalalayang umupo si Elise tapos ay nilapitan ang ina.

Advertisement

Lihim na napangiti si Nora, ang totoo kasi ay umaarte lang siya. Wala talaga siyang nararamdaman.

“Sabi ko naman kasi sa’yo ay magpa-check up kana. Ano ba naman ang nangyayari sa inyong dalawa? Sabay pa kayong nagkakaganyan,”

Magdamag na binantayan ni Kyle ang ina, mabait si Elise at sinabing magiging ayos lang ito. Laking tuwa naman ni Nora.

Isang umaga, paakyat ng hagdan si Nora nang bigla niyang maramdaman na may humawak sa kanyang braso. Paglingon niya ay naroon ang manugang, nag-aalala ang ekspresyon sa mukha nito.

“Ma, kaya mo po bang umakyat?”

“Oo, doon kana.” taboy niya rito.

“No ma, sasamahan ko na po kayo. I feel a little better na naman po. Baka nahihilo kayo,” sabi ng babae at sinimulan na siyang akayin.

“Sinabi nang ayos lang ako,”

Advertisement

“Ito na po eh, hayaan nyo na-“

“Okay nga lang sabi!” sa inis ni Nora ay naitulak niya si Elise. Tulala namang napaupo sa sahig ang babae.

Bumuntong hininga ang matanda, “Ang kulit mo! Ikaw na hitad ka, wala ka nang ibang ginawa kung hindi mag-inarte sa anak ko! Puwes kung kaya mo, mas kaya ko! Wag mo nga akong plastikin!” sabi niya, pero napatigil siya sa pagsasalita nang makitang umiiyak si Elise habang tinitignan ang binti nito.

Puro dugo!

Sa nerbiyos ay agad siyang tumawag ng tricycle.

Tulala si Nora habang si Kyle ay pabalik-balik sa hallway ng ospital, halos sabunutan ng lalaki ang sarili.

“You know what Ma? Mahal kita eh. Utang ko ang buhay ko sayo, pero kung tutuusin pwede na kaming bumukod ni Elise. Alam mo kung bakit lang kami nag-stay kasama mo? Dahil iyon ang hiling niya! Ayaw niyang iwan ka naming nag-iisa. Tapos..ito pa Ma, ito pa ang nangyayari ngayon,” nangingilid ang luha na sabi ni Kyle.

Napaupo naman si Nora. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyari kay Elise, lalo pa ngayon at buntis pala ito.

Advertisement

Muntik niya nang mapatay ang sariling apo.

Ilang sandali lang ay lumabas na ang doktor, nakahinga sila ng maluwag nang sabihin nitong ligtas ang mag-ina. Iyon nga lang ay sensitive ang pagbubuntis ng kanyang manugang.

Mula noon ay nagbago na si Nora, tinanggap niya na si Elise at inalagaan ito. Minahal niya ito ng doble, lalo na nang isilang nito ang apo niyang kamukhang-kamukha ni Kyle.