Dahil Hiyang Daw sa Tawas ang mga Anak Kung Kaya Ayaw Ipa-Doktor ng Ina ang May Sakit na Anak; Mas Lumala Ito Dahil sa Binigay ng Albularyo

“Mahal paano ba ito? Paano na ang Jun-Jun natin? Matindi ang lagnat niya? Dalhin na kaya natin siya sa doktor?” nag-aalalang tanong ni Mang German sa kanyang misis.

Ngunit agad naman na umiling si Aling Perla at sumalungat sa suhestiyon nito, “Hindi natin siya maaaring dalhin sa doktor, German. Alam mo namang hiyang sa tawas ang mga anak natin.”

Maya-maya ay tinawag nito ang panganay na anak, “Jamie, tawagin mo nga si Mang Tamboy,” tukoy nito sa albularyong suki na sila sa pagpapagamot. “Sabihin mo yung sakit kamo ni Jun-Jun hanggang ngayon ay hindi pa rin gumagaling.”

Agad namang kumaripas ng takbo ang panganay niyang anak. Mukhang naglalaro pa ito ng mobile games kaya’t nagmamadaling makabalik. Inis na inis pa si Aling Perla sa sinabi nito nang makabalik, “Ma, wala po si Mang Tamboy doon. Hindi po sumasagot!”

Kung kaya naman nabuhayan ng loob ni Mang German at muli na namang kinulit ang asawa sa suhestiyon niya, “Wala naman si Mang Tamboy, Mahal. Halina’t dalhin na lang natin si Jun-Jun sa pinakamalapit na ospital.”

Mabilis ang naging pag-iling ni Aling Perla, “Hindi! Naniniwala ako na kapag sa doktor natin siya dinala ay mas lalo lamang lalala ang sakit niya. Hindi alam ng mga eksperto ang mabilis na paraan upang mapagaling ang anak ko,” maya-maya ay tumayo na ito. “Maghintay kayo at ako na ang hahanap kay Mang Tamboy.”

Tuluyan nang walang nagawa si Mang German kundi ang ipagdasal na lamang ang kaligtasan ng kanilang bunsong anak. Maya-maya pa ay dumating na ang kanyang asawa kasama ang albularyong si Mang Tamboy.

“Anong sinasabi mong wala kamo si Mang Tamboy sa kanila, Jamie? Naroroon naman at nakita ko pang natutulog!” inis na sigaw ni Mang Perla sa kanilang panganay. “Ikaw talagang bata ka kapag napatutok ka na d’yan sa cellphone mo ay hindi ka na paaawat!”

Advertisement

“Sorry po, Ma!” anito habang tutok pa rin sa cellphone.

“Nasaan na ba ang maysakit?” tanong ng matandang albularyo.

“Ay narito, Mang Tamboy. Sundan niyo ho ako,” sagot ni Aling Perla habang patungo sa kinaroroonan ng kanilang bunso. “Sa totoo lang ho ay tinignan niyo na siya noon ngunit siguro’y hindi masyadong nanalig ang Jun-Jun namin kung kaya hindi rin gumaling agad.”

Napatango ang matanda. Nang makita ang bata ay agad na napakunot ang noo nito. Inilabas ang kanyang mga gamit sa pagtatawas, “Nabati ang batang ito. Pangita naman sa kanyang itsura ngayon.”

Nangunot ng noo si Mang German, “Paano niyo ho nasabi? Hindi naman ho masyadong nakakahalubilo sa ibang tao ang anak ko.”

“Itim na espiritu ang nakabati sa kanya.”

Agad na kinabahan at napa-sign of cross nalang si Aling Perla. Samantalang ang matandang albularyo ay muli na namang may inilabas sa kanyang bag. Kinuha nito ang ilang mga tabletas, “Ipainom niyo ito sa bata.”

Tinanggap iyon ni Aling Perla. Kukuha na sana siya ng tubig nang biglang magsalita ang matanda, “Hindi ordinaryong tubig ang dapat niyong ipainom dito.”

Advertisement

Kumuha na naman ito sa malaking bag, “Heto, ang banal na tubig. Ito ang kailangan niyang inumin.”

Samantala, tila duda na si Mang German sa nangyayari. Dahil pagkakita niya sa tubig ay medyo marumi na ang ilalim nito. Magsasalita pa lang sana siya ay agad na iyong tinanggap ni Perla at pinainom nang mabilis sa kanyang anak. Napailing na lamang siya sa huli.

Payapang nakatulog ang bata matapos ang orasyon ni Mang Tamboy. Nakahinga rin nang maluwag ang mag-asawa dahil ngayon lang ulit nakatulog nang mahimbing ang kanilang anak na walang iniindang sakit.

“Sabi ko naman sayo, epektibo yang tawas at ang paggagamot ni Mang Tamboy eh,” ika pa ni Aling Perla sa asawa bago sila matulog.

Payapa ring nakatulog si Mang German. Ngunit kalaliman na nang gabi nang magsusumigaw ang panganay nilang si Jamie, “Mama! Papa! Si Jun-Jun po!”

Nagkukumahog itong gisingin sila. Hindi pa man din nasasabi ni Jamie ang dahilan ay tumakbo na patungo sa kwarto ng mga anak si Mang German.

“Anong nangyari kay Jun-Jun?” tanong ni Aling Perla sa anak.

“B-bigla na lang pong bumula ang bibig, dumadaing syang masakit ang tyan tapos ayan po, n-nawalan ng malay!” nauutal pang sabi nito.

Advertisement

Agad silang tumawag ng tricycle. Agad na sinakay doon ni Mang German ang anak nila. Dinala sa emergency room si Jun jun.

Ilang oras ang lumipas at lumabas na rin ang doktor, “Napoison ang anak niyo. Mabuti nalang at nadala niyo siya agad dito. He’s under recovery now.”

Muntik nang masaktan ni Mang German ang asawa dahil sa narinig. Tiyak niyang dahil sa binigay ng albularyo kung bakit ito nalason. Labis na pagsisisi rin naman ang naramdaman ni Aling Perla dahil muntik na itong bawiin sa kanila. Hindi niya rin alam kung mapapatawad niya ang sarili kung may nangyaring masama dito.

Simula noon, para sa kaligtasan ng kanilang anak, ay sa doktor na agad ang kanilang takbuhan.