Pinagbabawalan ng mga Anak ang Kanilang Ina na Tikman ang Ikinaliligaya Nito Ngunit Hindi Pa Rin Ito Napigilan, Pagsisisihan Pala Nito ang Ginawa

“Sana naman po, Mrs. Deogracia ay hindi na maulit ang ginawa niyo, kung hindi ay maisusugod na naman kayo sa ospital,” wika ng kanyang doktor.

Nakikinig lang sa sinasabi ng doktor ang kanyang dalawang anak na sina Weng at Krista. Naroon ang mga ito dahil inaayos na ang paglabas ng kanilang ina sa ospital. Napapailing na lang ang dalawa sa katigasan ng ulo ng ina.

“Ang tigas kasi ng ulo mo, Mama, sinabi nang hindi na nga maaari ang gusto niyo!” sabi ni Krista sa ina.

“Oo nga, Mama, hindi na puwede!” sabad ni Weng.

Bahagyang tumango si Aling Minerva, ngunit sa isip ay nag-aalangan. Matitiis ba niya na hindi matikman ang paborito niya?

“Ano ba naman kayong dalawa, kaunting kaligayahan ko na nga lang ay ipinagkakait niyo pa!” inis ng matandang babae.

“Basta, Mama, sumunod ka na lang. Para rin iyan sa ikabubuti mo!”

Isinakay siya ng mga anak sa wheelchair at inilabas sa ospital. Nang makarating na sila sa kanilang bahay ay muli siyang kinausap ng masinsinan ng kanyang panganay na anak na si Krista.

Advertisement

“Mama, mahal ka namin, gusto ka pa naming mabuhay nang matagal. Sana naman po ay sundin niyo ang bilin ni Doktor Mariano. Iwasan niyo na ang pakikipagkaibigan kay Mario!”

Sa sinabing iyon ng anak ay biglang nagpanting ang tainga ng matanda.

“Pambihira ka, anak lamang kita ay ganyan ka na magsalita sa akin. Anong masama kay Mario? Matanda na ako, subalit ako naman na ay biyuda na, at iyon na lamang ang kakapiranggot na kaligayahan ko ay ipinagkakait niyo pa sa akin!” pasigaw na bulyaw ng matanda.

Umalis na lamang ang dalaga sa harap niya na walang kibo at umiiling-iling. Wala rin namang kasing pupuntahan ang pag-uusao nilang mag-ina.

Kapag nag-iisa naman si Aling Minerva ay napapaisip din siya, tama lamang naman ang payo ng doktor. Matanda na nga naman siya at hindi na kaya ng kaniyang katawan ang mga ganoong bagay.

Ngunit, tila lalo siyang mawawalan ng buhay kapag hindi natikman ang ipinagbabawal sa kanya. Bakit naman ang ibang matatanda, nababalitaan niya na nakakarating pa sa iba’t-ibang lugar para matikman lang ang bagay na pilit ipinagbabawal sa kanya? Hindi makatarungan.

“Ay basta, hindi na baleng tumirik ang mga mata ko sa sarap kaysa tumirik ang mga mata ko sa kalungkutan dahil lamang sa ipinagkait ang isang makalangit na ligaya. Hindi puwede!” sigaw ni Aling Minerva sa isip.

Isang araw ay tinawagan na naman niya si Mario, ang batang-bata niyang kapitbahay.

Advertisement

Nangininig pa ang kanyang tinig habang kausap ang binata.

“O, Mario, kahit tutol ang mga anak ko ay wala akong magagawa, pumunta ka ngayon din sa bahay.” pakiusap niya rito.

“Sigurado po ba kayong wala sila?” sagot ng binata sa kabilang linya.

“Oo, umalis silang lahat kaya solong-solo natin ang bahay,” kinakabahang sagot ng matanda.

“Sige po, Mrs. Deogracia, tandaan niyo po na sideline ko lamang ito, makatulong man lang sa pag-aaral ko. Ihanda niyo na lang po ang bayad.” anito.

“O sige, bilisan mo, ha?” masayang utos ni Aling Minerva.

Maya-maya ay dumating na ang kanina pa niya hinihintay. Dahan-dahang binuksan ni Mario ang pintuan. Kinakabahan dahil kapag nahuli siya ng mga anak ni Aling Minerva ay tiyak na malaking gulo.

Kinausap na siya ng mga ito na hindi na talaga maaari sa kanilang ina ang gusto nito. Ngunit nagpipilit pa rin ang matanda at kahit paano ay kumikita naman siya rito. Apat na raang piso kada patawag sa kanya ng matanda.

Advertisement

Nakapasok na si Mario sa loob ng bahay, tila nga walang tao. Tinawag niya si Aling Minerva at ‘di nagtagal ay lumabas ang matanda sa loob ng kuwarto.

“O ano? Dala mo na ba?” sabik na tanong nito.

“Opo, iyan po ang bago kong gawang cake!” wika ni Mario.

Kitang-kitang halos tumulo ang laway ni Aling Minerva sa masarap na chocolate cake sa kanyang harapan.

“Nako-konsensiya na po ako dahil malala na po pala ang diabetes niyo, hindi po ba’t kalalabas niyo lang po ng ospital?” nag-aalalang sabi nf binata.

“Hay naku, sabi ng buwiset kong doktor na bawal daw sa akin ang matatamis, pero anong magagawa ko? mapipigilan ko ba ang dila kong tikman ang masarap mong cake?” wika ni Aling Minerva sabay kuha sa chocolate cake ni Mario.

“Hetong bayad ko, apat na raan iyan ha, magdala ka ulit sa susunod na tumawag ako,” bilin ng matanda.

“Okay sige po, aalis na po ako at may pasok pa ako sa eskwela,” paalam ng binata.

Advertisement

Agad na nagkulong sa kanyang kuwarto si Aling Minerva at sinimulang kainin ang dalang cake ni Mario. Wala siyang pakialam kung magkasakit siya, ang mahalaga ay masaya siya na muling matikman ang napakasarap na cake na iyon.

Chocolate cake lang pala na gawa ni Mario ang tinutukoy nitong nakapagpapaligaya sa kanya.

Nang dumating sa bahay ang mga anak ay walang kaalam-alam ang mga ito na lubos na ang kaligayahan ng kanilang ina dahil busog na busog na ito sa kinaing bawal.

Nang sumunod na araw ay isinugod na naman ng magkapatid si Aling Minerva sa ospital dahil tumaas na naman ang sugar level nito sa katawan.

“Mama naman, e di ba sinabi na namin na huwag ka nang kakain ng chocolate cake ni Mario? Alam mong bawal ka sa matatamis, e! Bakit ba ang tigas-tigas ng ulo mo!”galit na sabi ni Krista.



Nang dumating ang doktor ay sinabi nitong matatagalan pa bago siya makalabas ng ospital dahil lumala ang kanyang diabetes sa kinaing matamis kaya wala siyang magagawa kundi manatili doon hangga’t sabihin ng doktor kung kailan siya maaaring lumabas.

“O hayan, Ma, imbes na maayos na sana ang lagay mo at nasa bahay ka na ay lumala pa ang kondisyon mo dahil sa pagsuway sa amin ni ate. Mukhang matatagalan ka pa ditong makalabas. Kinausap na namin si Mario na huwag ka nang pagbilhan ng chocolate cake. Bawal na talaga sa iyo ang kahit anong matamis. Sana naman ay magtanda ka na dito, Ma,” sabi ni Weng.

Labis ang pagsisisi ni Aling Minerva nang tikman ang ikinaliligaya niyang chocolate cake. Imbes na maging masaya siya dahil nakalabas na siya ng ospital ay bumalik na naman siya dito dahil sa lumala niyang kondisyon.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!