Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Naaalala ng Babaeng Ito ang Ginawang Panloloko ng Asawa Kaya Iritable Siya sa Kanyang Anak, Naisip Niyang Bumawi Dito Ngunit Huli na ang Lahat Dahil sa Isang Trahedya - Inday Trending

Naaalala ng Babaeng Ito ang Ginawang Panloloko ng Asawa Kaya Iritable Siya sa Kanyang Anak, Naisip Niyang Bumawi Dito Ngunit Huli na ang Lahat Dahil sa Isang Trahedya

“Mama! Mama! Laro ako kila Jent ah!” makulit na paalam na naman ng pitong-taong gulang na anak ni Celia.

Kahapon pa kasi siya kinukulit nito na gusto daw nitong makalaro ang kaibigang si Jent ng pasahang bola.

“Oo na, Nonoy! Nakakarindi ka, lumayas ka na nga!” sagot niya nang naiirita.

Tuwang-tuwang lumabas ng bahay ang bata dala-dala ang bagong bolang regalo sa kanya ng ama. Napapailing nalang si Celia. Hindi niya malaman kung bakit gustong-gusto ng bata ang lahat ng laruang nireregalo ng ama nito. Kung siya lang sana ang masusunod ay ipagtatapon niya ang mga iyon.

Anim na taon nang hiwalay sina Celia at Valerio dahil sa pambababae ng huli. Nasa tiyan pa nga lang ‘ata niya ang anak na si Nonoy ay nahuli na niyang may kalampungan ang noo’y asawa.

Kaya naman nang makaraos siya sa panganganak sa unang anak ay tuluyan na niyang hiniwalayan ang lalaki. Napagod na siyang ma-stress sa paulit-ulit na paghingi ng sorry at muling pambababae nito.

Nang maglimang taon ang bata ay saka lamang sila binalikan at sinustentuhan ng dating asawa. Kadalasa’y puro laruan pa ang sustento nito sa bata.

“Bakit ba puro laruan lang ‘yang pinagbibigay mo sa anak mo. Makakain niya ba ‘yang laruan na ‘yan?” inis na bulyaw niya.

“Eh yun ang sabi niya sa aking ikasasaya niya. Ibigay natin kung anong ikasasaya niya, Celia.”

Nabubwisit pa rin si Celia sa tuwing naaalala ang pag-uusap nilang iyon.

Noon pa ma’y inis na talaga si Celia sa dating asawa. Hayaan ba naman siyang mag-alaga ng bata sa loob ng limang taon. Unang anak pa man din niya iyon at alam na alam ni Valerio na wala na siyang mga magulang na tatakbuhan para humingi ng tulong. Kaya kung minsa’y sa anak niya talaga naibubunton ang inis sa dati niyang asawa.

Tumingin siya sa kalendaryo, doon niya naalala na birthday nga pala ni Nonoy. Muntik na niyang mabatukan ang sarili. Kaya pala kagabi pa ito nangungulit sa kanya. Marahil siguro’y gusto nitong marinig ang pagbati ng mga kaibigan.

Napaluha si Celia, “Simula ngayon anak, babawi ako sayo. Hindi na ako magsusungit, anak. Patawarin mo ang mama.”

Agad-agad na nagbihis si Celia at pumunta ng palengke upang ipaghanda ng kahit na maliit na salo-salo ang anak kasama ng mga kaibigan nito.

Tuwang-tuwa si Celia habang namimili ng mga panghanda. Magluluto siya ng paboritong spaghetti ng anak at isang simpleng cake.

“Siguradong magugustuhan ito ni Nonoy!” excited siyang umuwi upang magluto at sorpresahin ang anak.

Lingid sa kanyang kaalaman na siya pala ang masosorpresa sa ibabalita ng kanyang kumare.

“Celia! Celia! Ang anak mo!”

Kinabahan si Celia sa sigaw ng kumareng si Anna, ang ina ni Jent. Umiiyak pa ito na lalo niyang kinakaba.

“Celia, si Nonoy!”

“Ano? Anong nangyari sa anak ko?” kahit hindi niya pa alam ang eksaktong nangyari sa anak ay napaiyak na siya dahil sa masamang kutob niya bilang ina.

“Wala na si Nonoy, Celia…” tila nakabibinging anunsyo nito.

Gusto niyang isiping nagbibiro lamang ito. Ayaw niyang paniwalaan iyon.

“Habang naglalaro sila kanina ay nahulog ang bolang laruan niya sa sinkhole malapit sa pinaglalaruan nila. Nagpumilit daw ang anak mo na kunin ang bola dahil regalo daw sa kanya iyon ng Papa niya. Tumalon ang bata na hindi alam kung gaano kalalim ang sinkhole,” kinwento ni Anna ang eksaktong pagkakakwento sa kanya ng anak na si Jent.

Naalala ni Celia ang anim na talampakang (6 ft) butas sa kalsada nila.

“Celia, kahit ang mga taga-baranggay nahirapang isalba kaagad ang anak mo. Inabot ng siyam-siyam bago nila ito makuha. At nang makuha nila ito, ay wala ng buhay.”

Hindi niya alam kung anong mararamdaman ng mga oras na iyon. Kakapangako niya pa lang sa sarili na magiging mabuting ina na siya. Na hindi niya na susungitan at bagkus ay mamahalin pa ito nang buong puso. Paano niya gagawin ang lahat ng iyon kung nahuli na siya?


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.