Nahulog ang Loob ng Binata sa Babaeng Umampon sa Kanya, Grabe pala ang Itinatago Nitong Lihim

Abala si Julia na nagpapaganda sa harap ng salamin. Ito kasi ang araw na makikilala na niya ang anak na matagal na panahong hindi nakita. Balita niya ay disi-otso anyos na si Andrei. Madalas daw itong napapasabak sa gulo kaya palaging labas-masok sa presinto.

Nang puntahan niya ang presinto kung saan nakakulong ang binata ay agad niyang inasikaso ang paglabas nito.

“Hoy, bata! Laya ka na!” sigaw ng pulis.

“Aba, ang bilis naman yata, boss! Akala ko’y dito ako magpapalipas ng gabi!” anito.

“May nagpiyansa sa iyo!”

“Sino?”

Paglabas ng kulungan ay bumungad sa kanya ang isang may edad ngunit magandang babae.

“Hello, ikaw ba si Andrei?”

Advertisement

Pinagmasdan siya ng binata mula ulo hanggang paa. Hindi siya nito makilala.

“Sino ho kayo?”

“A-ako si Julia. Kaibigan ko ang nanay mo! Nabalitaan kong pumanaw na siya. Inihabilin ka niya sa akin. Ang sabi niya ay ampunin na kita para may kasama ka!” Mas minabuti ni Julia na hindi muna ipagtapat sa anak ang totoo, para hindi ito mabigla.

Hindi pa rin naman kasi siya handang sabihin kay Andrei ang tungkol sa kanya. Wala pa siyang lakas ng loob sa ngayon.

“P-parang wala naman ho akong natatandaan na kaibigan ni nanay! At kung kaibigan ka niya, bakit ngayon ka lang nagpakita, bakit hindi kayo pumunta sa libing niya?” nagtataka nitong tanong.

“Kasi nga, galing ako sa ibang bansa at ngayon lang ako nakauwi,” patuloy na pagpapanggap ni Julia.

Nag-isip muna ang binata saka muling nagsalita.

“Okay sige, magpapa-ampon na ako sa inyo!” anito.

Advertisement

Napabuntong-hininga si Julia sa sinabi ng anak. Ang akala niya ay mahihirapan siyang kumbinsihin ito na sumama sa kanya.

Isinama niya ang binata sa isang maliit na apartment. Doon sila pansamantala titira hangga’t hindi pa nakakakuha si Julia ng mas malaki nilang matutuluyan.

Isang gabi, habang nakahiga sa kama si Julia ay biglang pumasok si Andrei.

“Diyos na mahabagin! Pwede ba, kapag papasok ka dito ay matuto kang magbihis!” gulat na sabi ni Julia habang nakakunot ang noo.

“Sorry ho! Wala naman hong ibang tao dito, e. At saka nasanay na akong mag-isa sa bahay!” wika ng binata.

“Ano bang kailangan mo?” aniya.

“Itatanong ko lang ho sana kung mayroon kayong ekstrang kumot! Malamig kasi sa kuwarto ko!”

“May tokador dun sa tabi ng kama mo, may kumot dun. Iyon na lang ang kunin mo.”

Advertisement

Ilang sandali pa ay bumalik na si Andrei sa sarili nitong kuwarto.

Habang tumatagal ang pagsasama nila sa iisang bubong ay nakikilala nila ang isa’t isa. Nalaman ni Julia na kahit may pagka-pasaway at basagulero si Andrei ay mabait itong bata. Nagkukusa itong gumawa at maglinis sa apartment.

Ito rin ang nagluluto ng hapunan nila kapag gabi na siya nakakauwi galing sa trabaho. Masunurin din ito sa bawat inuutos niya. Napatunayan niya na maganda rin pala ang pagpapalaki sa kanyang anak.

Nalaman din kasi ni Andrei na mabuting tao si Julia at madali siyang pakisamahan kaya naging magaan ang loob nito sa kanya.

“Alam niyo ho, akala ko mabubuhay na akong mag-isa at walang makakasama, buti na lang at dumating kayo!” sabi ng binata.

“Bakit mo naman nasabing mabubuhay ka na mag-isa?”

Naging malamlam ang mga mata ng binata.

“Mula ho kasi nang mamatay si nanay, nakita ko na ang sarili ko na mag-isang nakikipaglaban sa hamon ng buhay. Walang kakampi at walang kasama.”

Advertisement

Hinawakan niya sa balikat ang anak at ipinaramdam rito na hindi na ito kailanman mag-iisa.

“Narito na ako! Hindi ka na mag-iisa, pangako!”

Hindi na napigilan ng binata na yakapin siya nang mahigpit.

“Salamat ho!”

Isang araw ay isinama niya si Andrei sa kanyang mga magulang para ipakilala ito. Alam din ng mga magulang niya ang tungkol sa kanyang anak kaya tahimik lang ang mga ito ngunit hindi inaasahang dumating din ang mga kapatid niyang lalaki.

“Hoy, bakit ka narito? Hindi ka na ba nahiya sa sarili mo?” tanong ng isa niyang kuya.

“K-kuya, dumalaw lang kami rito ng…”

Hindi na niya naipagpatuloy ang sasabihin nang hilahin siya nito sa braso at mabilis na kinaladkad palabas ng bahay.

Advertisement

“Wala ka ng lugar dito! Kaya lumayas ka na!” galit na wika ng isa pa niyang kapatid.

“Maawa kayo sa kapatid niyo!” sigaw ng kanilang ina.

“Maayos siyang pumunta dito, hindi niyo iyan kailagang gawin sa kanya!” sabad pa ng kanilang ama.

“Ma, Pa, tama na po! Aalis na po kami!”

“Oo, lumayas ka! Kakahiya ka!” pahabol na banat pa ng kapatid.

Kahit hindi kumikibo ay nakaramdam ng matinding awa si Andrei kay Julia. Hindi niya akalaing sobrang itakwil ng mga kapatid nito ang babae. Ngunit palaisipan sa kanya kung bakit ganoon na lamang ang galit ng mga ito.

Kinagabihan ay muling pumasok sa kuwarto ni Julia ang anak. Naabutan ng binata na malungkot ang babae.

“O, bakit hindi ka pa natutulog?”

Advertisement

“Bakit ba galit na galit sila sa iyo?” tanong nito.

“W-wala iyon, kalimutan mo na iyon!”

Tumabi ito sa kanya at bigla siyang hinalikan sa labi.



“Andrei! Ano ba? Anong ibig sabihin nito?!” gulat niyang tanong sa binata habang pinapahid ang bibig.

“Mula nang makilala kita, magaan na ang loob ko sa iyo. Hindi ko alam pero baka mahal na kita!” pag-amin nito.

Nagulat si Julia sa ibinunyag ng anak. Kung anuman ang nararamdaman nito sa kanya ay hindi tama kaya wala na siyang magagawa, kailangan na niyang aminin ang totoo.

“Itigil mo ‘yan, Andrei dahil hindi maaari ang gusto mo!”

“P-pero bakit hindi puwede? porket mas matanda ka kaysa sa akin?”

Advertisement

“Hindi! dahil ako ang..”

“Ano?”

“D-dahil ako ang iyong AMA!”

Halos gumuho ang mundo si Andrei nang marinig ang sinabi ng kausap.

“Ano ho?’ Pa-paanong?”

“Oo, ako ang iyong AMA. Ang tunay kong pangalan ay Julio at isa akong transgender, anak! Dati akong lalaki na sumailalim sa operasyon para maging ganap na babae.”

Napapailing na lamang si Andrei sa rebelasyon ni Julia.

“H-hindi iyan totoo! Sabihin mong nagbibiro ka lang!”

Advertisement

“Hindi ako nagbibiro, anak! Totoo ang sinabi ko! Patawarin mo ako kung inilihim ko sa iyo!” aniya habang tangkang yayakapin ang anak ngunit bigla siya nitong sinuntok sa mukha.

“Huwag mo akong hawakan! Hindi kita ama! Kahit kailan ay hindi kita matatanggap bilang ama!” sigaw nito sa kanya.

“Sorry, anak! Hindi ko sinasadya! Inilihim ko ang lahat dahil hindi pa ako handang sabihin sa iyo ang totoo!” patuloy na buhos ng kanyang luha.

Sa sobrang sama ng loob ay nagmamadaling lumabas ng bahay si Andrei. Sinundan niya ang binata hanggang sa kalsada nang hindi nila namalayan ang paparating na kotse at nabangga si Julia. Humandusay ang sugatan niyang katawan sa sementadong daan.



“Julia!” sigaw ni Andre.

Dali-daling siyang nilapitan ng binata.

“Julia, Julia! gumising ka, Julia!”

At nang iminulat ni Julia ang kanyang mga mata ay nakita niya ang umiiyak na si Andrei na nag-aalala sa kanya.

Advertisement

“Patawarin mo ako, anak! Ako ang kusang lumayo sa inyo ng nanay mo dahil ayokong maging tampulan kayo ng tukso ng mga tao, na ang iyong ama ay isang bakla. Ayaw ko kasing dumating ang araw na kagaya ng mga kapatid ko ay itakwil at ikahiya mo rin ako, kaya mas pinili ko munang itago sa iyo ang tunay kong pagkatao.

Sasabihin ko na sana sa iyo ang lahat ngunit hindi lang ako makakuha ng tamang pagkakataon,” tangi niyang nasabi sa mahinang boses.

“Wala na ho kayong dapat ipaliwanag! Naiintindihan ko na ang nararamdaman ko para sa inyo ay hindi pala pagmamahal ng isang lalaki sa babae, ang nararamdaman ko pala ay lukso ng dugo. Sorry, itay kung hinusgahan kita!”

“Mahal na mahal kita, anak!” wika ni Julia.

Si Andrei ang nag-alaga sa kanyang ama. Mabuti na lang at hindi masyadong malubha ang tinamo nitong mga sugat.



“I-itay? nagpapasalamat ako sa Diyos dahil maayos na ang kalagayan mo! Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may masamang nangyari sa inyo. Ayoko na hong mawalan ng isa pang magulang.”

“Hinding-hindi na kita iiwan, anak! Hindi na!”

Lubusang natanggap ni Andrei ang katauhan ng ama, na kahit isa itong transgender ay ito pa rin ang isa sa pinagkakautangan niya ng kanyang buhay. Nabigyan din ng pagkakataon si Julia na maging ama at ina sa kanyang pinakamamahal na anak kahit sa ikalawang pagkakataon.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!