Sa Takot na Mapagalitan ay Naglayas ang Dalaga dahil Bagsak na Naman Siya sa Eskwela, Ito Pala ang Babago ng Buhay Niya

Palaging napagsasabihan ng kanyang magulang si Marie patungkol sa pag-aaral niya. Madalas kasi na napapatawag ang kanyang magulang dahil umuulan ng palakol ang kanyang grado sa class card.

“Oh Marie, anak, ‘pag ikaw bumagsak na naman, wag na wag mo na akong matatawag na nanay ha?!” galit ng wika ng kanyang ina.

“Opo nay,” sagot naman ng dalaga.

Kinabukasan matapos lumabas ng resulta ng eksaminasyon ay agad na nagtungo si Marie pauwi sa kanilang bahay.

“Anak, kumusta ang resulta ng eksam mo? Naipasa mo ba lahat?” tanong muli ng ina.

Naalala niya ang sinabi ng kanyang ina, “ano, okay naman bes, sige pasok na ako sa kwarto ko bes ha?” at saka siya tumakbo ng mabilis papasok sa kwarto.

Naisip naman ng bahagya ang ginang sa sagot ng anak, “bes?” at saka lamang niya napagtanto na bagsak na naman ang anak.

Sinabi nga pala niya sa anak na huwag na siyang tatawagin ‘nanay’ pag bagsak na naman ito. Magdamag naman na hindi lumabas ng kwarto ang dalaga sa takot na masermonan muli ng ina.

Advertisement

Makalipas ang ilang araw ay kinausap naman siya ng kanyang ama upang muling pangaralan.

“Anak, lahat ng ginagawa namin ng iyong ina ay para sa’yo din naman, pero hindi naman tama na lagi kang may bagsak!” saad ng ama.

“Naintindihan ko naman po kayo tay, kaso sadyang mahina lang po talaga ang utak ko, hindi naman po kasi ako matalino,” malungkot na sagot ng anak.

“Hindi mo kailangang maging matalino anak, kailangan mo lamang maging matiyaga at magsipag. Alam kong kayang-kaya mo iyan!” pagsuporta pa ng ama.

Ngunit isang araw ay ipinatawag na naman ang mga magulang sa paaralan upang sabihan na lima na naman ang palakol ng anak sa grado. Nang sila’y makauwi ay kaagad nilang hinanap ang anak.

Pumasok ang ginang sa kwarto upang tignan ang anak, ngunit nakita nilang ayos na ayos ang kama ng dalaga at wala siya sa looban. Labis na kaba ang kanilang naramdaman ng makita ang isang sulat na nakapatong sa ibabaw ng unan.

Dear Nanay at Tatay,

Labis ang lungkot at hiya na aking nadarama sa pagsulat ng liham na ito. Kinailangan ko pong umalis ng bahay dahil alam kong magagalit kayo sa’kin ni nanay, pero sana ay huwag po kayong mabibigla sa ipagtatapat ko.

Advertisement

Nakipagtanan na po ako sa boyfriend kong si Nanding. Matagal ko na po siyang kasintahan, ngunit hindi ninyo pa siya nakikilala. Pinili kong sumama na sa kanya dahil mukha wala naman na po akong patutunguhan sa pag-aaral.

Tiyak naman po akong magugustuhan niyo si Nanding pag inyo siyang nakilala, lalo na ang mga hikaw niya sa ilong, labi, tainga at mga tattoo na parang bagong labas lamang ba sa rehas.

Pero hindi lamang po iyon ang nais kong sabihin, nais daw po ni Nanding na bumuo na kami ng isang pamilya, kahit naman po 47 na siya at 16 lamang ako, eh ramdam kong mahal niya ako at kayang buhayin, sa katunayan nagdadalang tao na po ako sa amin unang supling, magdadalawang buwan na rin po.

Nahuli ko pong may iba siyang babae, ngunit akin naman siyang pinatawad dahil mahal na mahal ko siya, kaya nga po ako sumama sa kanya upang magtanan. Nakahanda naman na din na po ang aming titirahan. Nakapanghingi na po siya ng mga kahoy at yerong gagamitin upang pagtagpi-tagpiin iyon.

Tay, nay, wag po kayong mag-alala sa akin, dahil kahit walang permanenteng trabaho si Nanding, eh alam ko naman pong aalagaan niya ako. Kahit po ilang beses na siyang labas-masok sa kulungan dahil sa panghoholdap at snatch, ay kanya pa rin daw kaming bubuhayin ng magiging anak namin.

Minsan ay nagbebenta naman po siya ng mga bold na CD para may ipangtustos daw sa aming kakainin pag nagsama na kami, at kahit nagpapagaling siya sa sakit na TB at hepa, ay kumakayod pa rin siya para sa akin.

Wag po sana kayong magagalit sa naging desisyon kong ito. Sadyang mahal na mahal ko lang po siya, at saka mas okay na po ito kaysa pigain ko ang utak ko na mag-aral kahit na wala naman po itong laman.

Marami naman na din pong naituro sa akin si Nanding gaya ng paninigarilyo, at pakikipagkalakalan ng hindi nahuhuli ng mga pulis, sa kanya ko po tunay na naramdaman kung ano ang pakiramdam ng maging masaya.

Advertisement

Mabait naman pong tao si Nanding kaya sana ay huwag ninyo po siyang husgahan, gaya ko ay biktima lang din po siya ng mapait na lipunan. Sadyang kailangan lang po naming gawin ito para sa magiging anak namin.

Sana nanay at tatay, ay mapatawad ninyo po ako. Balang araw ay babalik ako at dadalawin ko kayo sa tamang panahon, kasama ang mga magiging apo ninyo. Maraming salamat po sa lahat ng inyong ginawa para sa akin.

Nagmamahal,

Marie

Napakapit na lamang sa dibdib ang ama ni Marie at halos taasan ng dugo sa nababasa. Parang hihimatayin na siya dahil hindi makapaniwala sa ginawa ng anak, ngunit napansin niya na may maikling sulat pa sa huling bahagi ng liham.

P.S.

Nanay at tatay, lahat po isinulat ko ay joke lamang at walang katotohanan, nandito lamang po ako sa tindahan ni Aling Gloria, pero nais ko lamang din po sana na maintindihan ninyo na may mas masama pang pwede mangyari kaysa sa mababang grado na nakuha ko sa grading na ito.

Nasa drawer po ang report card ko, pakipirmahan na lamang po at padalhan ninyo ako ng text kapag hindi na po mainit ang ulo ninyo, pero pangako po, babawi ako. I love you Nanay at Tatay, peace!

Advertisement

Parang nabunutan naman ng tinik ang mag-asawa ng mabasa ang kabuuan ng liham. Agad silang lumabas upang sunduin ang anak, at saka ito agad na niyakap.

“Pasensya ka na anak kung naging mahigpit si nanay ha? Mahal ka lang talaga namin, pero anak, wag mo na ulit itong uulitin ha?” wika ng ina.

“At anak, ipangako mo rin na hinding-hindi ka makikipagtanan at hindi ka na gagawa ng ganoong liham ha?” pahabol naman ng ama.

“Opo, nay at tay, magsisipag na rin po ako,” tugon naman ng dalaga.

Naging iba naman ang daan ng pag-udyok ng ina na mag-aral ang anak ng mabuti.

“Anak alam kong kayang-kaya mo iyan, malaki ang tiwala sa’yo ni nanay at tatay, kaya nakasuporta lamang kami sa’yo palagi,” udyok pa naman ng ina.

Hindi na nila madalas pinapagalitan ang dalaga, at mas lalo naman itong ginanahan pang mag-aral. Kaya ngayong magtatapos na siya ng hayskul, ay tatanggap siya ng medalya dahil sa mataas na karangalan.

Humanga ang kanyang mga guro sa biglaang pagbabago ng dalaga. Mas ginanahan kasi itong mag-aral at naging aktibo sa klase. Nais pala lamang niya ay maging iba din ang pakikitungo at pag-unawa ng magulang sa kanyang pag-aaral.

Advertisement

Nang naramdaman niya na buo ang suporta ng magulang ay mas naging maganda ang resulta ng kanyang pag-aaral.