Crush, Pansinin Mo Naman Ako!

Ang buong akala ni Irene ay ang mga bata at teenagers lamang ang nagkakaroon ng crush, ngunit ngayon nasa edad na bente otso na siya’y napatunayan niyang kahit pala ang gurang na kagaya niya’y nakakaramdam pa rin ng paghanga.

Si Benjie, kasama ni Irene sa trabaho, kung tutuusin ay wala naman itong taglay na katangiang dapat niyang magustuhan. Pero hangal ang pusong umiibig dahil iniibig niya ito ng palihim. Antipatiko si Benjie at masyadong tahimik na animo’y laging galit kung tumingin. Pero ewan ba? Talagang nawiwirduhan siya sa puso niyang gusto ito.

“Hi Benjie,” masigla niyang bati sa nakabusangot na binata. Agad naman itong ngumiti nang makita siya, ngunit saglit lamang iyon at agad ding sumeryoso.

“Ah, Benjie baka gusto mo ng kape? May extra ako dito,” aniya na agad iniangat ang tasang may lamang kape.

Agad naman nito iyong kinuha at nagpasalamat saka tuloy-tuloy na naglakad sa sariling mesa. Isang malalim na buntong hininga na lamang ang kanyang pinakawalan nang nilampasan lang siya ng lalaki.

Kailan kaya nito mapapansin ang beauty niya?

Nakahiligan na ni Irene ang magpasa ng inspirational message kay Benjie araw-araw, dinadaan niya kunwari sa group message kahit na ang totoo ay kay Benjie lang naman niya iyon isine-send. Ngunit kahit tuldok man lang ay hindi ito nag-abalang replyan siya.

Parang nakaugalian na yata niya ang kasabihang NEVER GIVE UP para lamang dito. Araw-araw ay para siyang timang na nagpapapansin sa lalaki ngunit ‘walang pake’ naman ang drama nito.

Advertisement

Hanggang isang araw ay nagsawa na siyang magpapansin kay Benjie. Hindi na siya bumili ng dalawang kape na sa kanya ang isa at para naman dito ang isa pa. Hindi na rin siya nagpapadala ng group message daw kuno kahit ang totoo ay personal message naman. Pakiramdam niya kasi ay wala naman itong interes sa kanya.

Habang abala sa mga binabasang mga papeles ay bigla na lamang tumunog ang kanyang cellphone at may natanggap na mensahe. Muntikan pa niyang mabitawan iyon nang mabasa kung sino ang nagpadala sa kanya ng mensahe.

‘Benjie my heart’ Iyan ang nakalagay sa screen ng kanyang cellphone dahil iyon ang naka-register na pangalan ni Benjie sa kanyang phonebook. Anong nakain ng lalaki? Nagtataka man ay pinili niyang buksan ang mensaheng pinadala nito.

Jesus never said it would be easy, but He said it would be worth it.

Matthew: 7:13-14

Nagpasa ito ng word of God, nakakapagtaka. Marunong pala itong mag-text. Iba-back na sana niya ang mensahe ng may napansin pang kalakip na text sa ibaba.

Bakit ilang araw kanang hindi nagpaparamdam at nag-memessage sa’kin? May problema ka ba? Gusto mo ng coffee?

Napanganga siya sa nabasa. Totoo ba ito o namamalikmata lamang siya? Grabe, anong nagawa niyang kabutihan sa araw na ito at sa wakas pinansin narin siya ng kanyang crush? Nais man niyang magpakipot ay hindi na siya nagdalawang isip pa na i-grab ang oportunidad na makausap si Benjie.

Advertisement

“Milagro yatang pinansin mo na ako ngayon?” nakangiti niyang wika. Kaharap niya ito ngayon habang nagkakape sila sa isang sikat na coffee shop.

“Pinapansin naman talaga kita ah. Kailan ba kita hindi pinansin?” patay malisya pa nitong sambit.

“Ows, pinapansin daw. Napaka-snob mo kaya,” aniya.

“Akala mo lang ‘yon. Syempre nahihiya ako sa’yo, kasi masyado kang masigla at masiyahin. Samantalang ako tahimik lang, pero pinapansin mo pa rin ako. Kaya nga nanibago ako noong hindi kana nagte-text sa’kin. Alam mo bang lagi kong inaabangan ang text mo kahit na group message pa ‘yon? Kasi atleast nalalaman ko kung ano ang ginagawa mo,” paliwanag nito.

“Bakit naman gusto mong malaman ang ginagawa ko?”

Bahagya pa itong nag-alinlangang sagutin ang tanong niya. Pero kalaunan ay ngumiti ito saka sumagot. “Kasi gusto kita, nahihiya lang akong aminin ‘yon sa’yo. Pero ang totoo masayang-masaya ako kapag may extra kang kape na dala. Masaya ako kapag nakakatanggap ako ng text message mula sa’yo. Makita ka lang ay masayang-masaya na ako.”

Hindi siya makapagsalita sa biglaang pag-amin nito. Kinikilig siya at pakiramdam niya’y bumalik siya sa pagka-teenagers na parang nais magtatatalon nang sa wakas ay mapansin na rin siya ni crush. Ang akala niyang wala ng pag-asa ay meron pala, dahil crush din pala siya ng crush niya!

“Kung papayag ka nga ay gusto kitang ligawan,” wika nito.

Advertisement

Nagtatatalon ang kanyang puso sa tuwa kaya nahihirapan siyang ipasok sa kanyang isipan ang sinabi nito. Liligawan siya?

“Eeh, jackpot! Hindi lang ako napansin ni crush. Liligawan niya pa ako,” kinikilig niyang kausap sa sarili.

“May pag-asa ba ako kapag niligawan kita?” tanong nito dahil hindi na siya nagsasalita sa sobrang sayang nadarama.

“Oo naman. Kung gusto monga pakasal na tayo agad, bakit hindi?” biro niya, birong totoo.

Natawa naman ang binate, “Iyan talaga ang nagustuhan ko sa’yo. Ang pagiging kengkoy mo, pero darating tayo d’yan. Ipapaalam na muna kita sa mga magulang mo.”

“O! My heart,” kausap niya sa sarili.

Daig pa niya teenager dahil sa kilig na hindi niya kayang kontrolin. Ang pagkakaroon ng crush ay walang pinipiling edad. Katawan lang ang tumatanda, pero ang isipan at puso ng tao ay habang buhay na bata.

Images courtesy of www.google.com

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!