Isang Malaking Misyon ang Ibinigay ng Ama sa Bata na Kailangan Niyang Gampanan sa Araw ng Kanyang Pagsilang

Sa kalangitan ay umaawit, naglalaro, at masaya ang isang anghel. Wala siyang ibang ginagawa doon kundi magpakasaya at magbigay pugay lamang sa Poong Maykapal, hanggang isang araw ay ipinatawag siya ng Diyos.

“Mayroon akong misyon para sa’yo munti kong anghel,” wika ng Diyos.

“Ano po iyon Ama?” tanong naman ng maliit na anghel.

“Bukas ay ipadadala kita sa kalupaan upang gampanan ang misyon na aking inilaan para sa’yo,” muling sagot ng Ama sa langit.

“Ngunit Ama, napakaliit ko pa at mahina, paano ko po kakayanin doon sa lupa? Paano po ako mabubuhay doon?” tanong muli ng anghel.

Sumagot namang muli ang Diyos sa bata, “Aking anak, huwag kang mag-alala, dahil nag-aabang na sa’yo sa lupa, ang anghel na sa iyo’y mag-aalaga.”

“Pero Ama, dito po sa kalangitan ay wala naman akong ibang ginagawa kundi ang umawit, magsaya at bigyan Ka ng kapurihan, magiging masaya pa po ba ako kung sakaling bumaba na ako sa lupa?”

Ngumiti naman ang Diyos sa munting anghel at sinabing, “Huwag kang mag-alala anak, aawitan ka ng iyong anghel doon, at pasasayahin ka. Hinding-hindi ka malulungkot dahil mararamdaman mo ang tunay na pagmamahal niya sa iyo.”

Advertisement

“Ngunit paano ko po maiintindihan ang mga tao doon, hindi ko naman po naiintindihan ang mga salita nila?” tanong muli ng batang angel.

“Huwag kang mag-alala, maririnig mo sa bibig ng iyong anghel ang pinakamagaganda at pinakamatatamis na salita, bukod diyan ay tuturuan ka pa niya kung paano makipag-usap sa kanila,” paliwanag ng Diyos.

“Eh paano po kung malayo na kayo sa akin at nais ko kayong kausapin? Paano po ang gagawin ko doon?” tanong ng bata.

“Sa bahaging iyan, ang anghel mo pa rin ang bahala sa’yo anak. Ang mga palad mo ay kanyang paglalapatin, at tuturuan ka niyang manalangin,” paliwanag muli ng Diyos.

“Eh natatakot po ako, pag nandoon na po ako sa lupa, sino po ang magtatanggol sa akin?” muling tanong ng anghel.

Ngumiti muli ang Diyos, “ang iyong anghel, hinding-hindi ka niya pababayaan, buhay niya ay itataya sa iyo maprotektahan ka lamang,” pagpapaliwanag pa ng Diyos.

Napayuko ang bata, “Ama, sa palagay ko po ay lagi na akong malulungkot, dahil hindi ko na po kayo makikita.”

Ngunit agad namang tumugon ang Diyos nang marinig ang pangamba ng bata.

Advertisement

“Anak, hindi ka dapat malungkot, dahil ang anghel na nag-iintay sa’yo sa lupa ang magpapaalala sa iyo ng mga bagay tungkol sa akin, ituturo din niya sa’yo kung paano ka muling makakabalik sa tahanan mo dito sa langit.

Huwag kang mag-alala dahil gagabayan ka ng iyong anghel habang ikaw ang namamalagi sa lupa,” paliwanag pa ng Diyos.

Nang marinig ng bata ang tugon ng Diyos, ay napuno ng kapayapaan ang buong paligid. Tumango lamang ang anghel at saka bumalik sa pagtugtog.

Muli siyang umawit, naglaro at nagpuri sa Diyos tulad pa rin ng dati, ngunit lubos siyang nag-iisip tungkol sa nalalapit niyang pagbaba sa lupa. Labis ang tiwala niya sa Ama sa langit at alam niyang hindi siya nito pababayaan kahit na siya’y bumaba na sa kalupaan.

Napatanong siya sa kanyang sarili, “kung malapit na akong bumaba sa lupa, at may anghel na nag-iintay sa akin, sino kaya siya?”

Muling ipinatawag ng Diyos ang anghel.

“Anak, kaunting oras na lamang ay kailangan mo nang bumaba sa lupa upang gampanan ang iyong misyon,” saad ng Diyos.

“Opo ama. Handa na po ako, labis po ang tiwala ko sa mga salita ninyo, kaya alam ko pong magiging ligtas ako doon,” tugon naman ng anghel.

Advertisement

“Oo anak ko, sabik na sabik na ang iyong anghel na masilayan ka sa lupa.”

“Ama, bago po ako bumaba doon, nais ko lamang po sanang malaman ang ngalan ng aking anghel doon,” wika naman ng bata.

“Anak, ang anghel mo sa lupa, ay tatawagin mong ‘Nanay’,” Nakangiting sinabi ng Diyos.

Ngumiti lamang ang anghel at saka ipinikit ang kanyang mga mata. Ngayon ay sigurado na siyang nag-iintay na ang kanyang anghel sa lupa. Napawi na ang kanyang takot at mga pangamba dahil sa pangako ng Diyos sa kanya.

Umilaw ng malakas ang anghel at saka ngumiti habang kumakaway sa Ama sa langit, labis-labis na din ang kasabikan niyang masilayan ang nag-iintay na anghel. Ilang sandali pa ay isang komosyon ang madidinig sa kalupaan.

Isang malakas na sigaw ng babae habang inilalabas ang unang supling. Kasabay ng pagtagaktak ng pawis at sakit na nararamdaman ay lumabas ang munting anghel galing sa kanyang sinapupunan.

Isang malaking ngiti ang kumurba sa labi ng ina, dahil ngayon ay magsisimula na ang kanyang buhay bilang anghel ng isang batang kakasilay lamang sa mundo, at gaya ng pangako ng Diyos ay hinimigan at inawitan ng ina ang kanyang anak.

“Mahal na mahal ka ni nanay, pangako ko na iingatan at proprotektahan kita ng buong puso, anak ko,” mahinang bulong ng ina sa batang karga habang ito’y ngumingiti.

Advertisement

Sa pagsilang ng isang sanggol sa kamunduhan, ay siya din namang pagsilang ng misyon ng isang ina, at iyon ay ang magsilbing ilaw at gabay ng mga munting bata hanggang sa kanilang paglaki.

Ang pagmamahal ng isang ina, at kalakasan naman ng isang ama ang magsisilbing pundasyon ng sanggol sa kanyang paglaki. Lahat tayo ay nagsimula sa pagiging anghel na bumaba sa lupa upang katagpuin ang isa pang anghel na gagabay sa atin, sa ating pagparito, hanggang sa muling makabalik sa tahanan ang ating ama sa langit.