Nang Gabing Tumunog ang Orasan

“Naku, makulimlim sa labas,” mahinang sabi ni Elias.

Madilim sa loob ng kanilang bahay dahil ini-off niya ang ilaw. Sayang kasi ang kuryente. Siya lang naman ang tao sa bahay, hindi niya alam kung saan pumunta ang mga kasama niya.

Muli siyang nahiga sa sofa at ipinagpatuloy ang panonood ng pelikula sa DVD. Hindi niya alam ang pamagat ng pelikula. Basta’t nagre-relax lamang siya dahil maya-maya ay papasok na siya sa trabaho. Pang-gabi kasi ang pasok niya sa call center na pinagtatrabahuhan.

Kinuha niya ang isang balot ng sitsirya na nakalagay sa lamesita sa harapan niya.

“Luma na ata ito, ang kunat e!” bulong niya sa sarili ngunit kahit ganoon ay nagpatuloy pa rin siya sa pagkain.

“Dong! Dong! Dong!” sunod-sunod na tunog ng malaking orasan na nakasabit sa pader, hudyat na alas-sais na ng gabi. Oras na para maghanda at pumasok sa trabaho.

Dahan-dahan siyang tumayo at napabuntong-hininga. Nakaligo na rin siya at nakahanda na ang isusuot na damit. Matapos makapagbihis at makapagsapatos ay muli siyang sumilip sa bintana, at napansin niya na madilim ang kalangitan.

“Naku, makulimlim sa labas,” mahinang sabi ni Elias.

Advertisement

Madilim sa loob ng kanilang bahay dahil nakasara ang mga ilaw. Sayang kasi ang kuryente. Siya lang naman ang tao sa bahay, hindi niya alam kung saan pumunta ang mga kasama niya.

Kinuha niya ang isang balot ng sitsirya na nakalagay sa lamesita sa harapan niya.

“Dong! Dong! Dong!” Sunod-sunod ang tunong ng malaking orasan na nakasabit sa pader, hudyat na alas-sais na ng gabi. Oras na para maghanda at pumasok sa trabaho.

Dahan-dahan siyang tumayo at napabuntong-hininga. Nakaligo na rin siya at nakahanda na ang isusuot na damit. Matapos makapag-bihis at makapag-sapatos ay muli siyang sumilip sa bintana. Napansin niya na madilim ang –

“T-Teka lang,” biglang natigilan si Elias. “Parang ginawa ko na ito, ah. Hindi ba’t nagbihis na ako at nagsuot na sapatos?”

Muli ay tiningnan niya ang palabas na pelikula sa DVD. Kung ano ang eksena na pinapanood niya kanina ay iyon pa rin ang eksena sa TV.

Ibinaling niya ang tingin sa sitsiryang nasa lamesita at tinikman ulit iyon. Makunat pa rin ito.

“Dong! Dong! Dong!”

Advertisement

Nang bigla siyang nagulantang sa tunog ng orasan, na sa pakiwari niya ay mas malakas pa kaysa sa kanina. Nang tingnan niya ang sarili sa salamin sa aparador ay laking gulat niya dahil ang suot niyang kulay puting t-shirt at kulay asul na maong shorts ay suot niyang muli. Ang damit na pamasok na isinuot niya kanina ay nakita niya na muling naka-hanger sa aparador.

“H-Hindi! Anong nangyayari?” naguguluhan niyang sabi.

Muli siyang humarap sa salamin. Tiningnan niya ang sarili ngunit wala naman siyang kakaibang nakita.

“Ano ba ito? Nananaginip ba ako?” bulong niya sa sarili.

Dali-dali niyang pinagsasampal ang magkabila niyang pisngi. Maya-maya ay bigla siyang nanlamig.

“B-bakit hindi ako nasasaktan?” aniya.

Tuluyan na siyang nataranta at nilamon ng takot. “Ma! Pa! Kuya! Nasaan kayo?”

Tanging katahimikan lamang ang sumagot sa kanya.

Advertisement

Napasabunot na siya sa kanyang ulo dahil hindi na niya alam ang gagawin. Muli ay napasulyap siya sa labas, sa kalangitang unti-unting nagdidilim.

“Kailangan kong makaalis dito,” sabi niya sa sarili at agad na binuksan ang pinto ng kanilang bahay. Ngunit bigla siyang natigilan sa kanyang nakita.

Sa kalangitan ay may mga kung anong bagay na nagliliparan. Hindi niya mawari kung mga ibon o kaya’y mga paniki. Napakarami noon at halos hindi mabibilang. Paikot-ikot na lumilipad, wari bang may hinihintay.

“Dong! Dong! Dong!”

Muli niyang narinig ang tunog ng kanilang orasan. Dito ay biglang tumigil sa pag-ikot ang mga lumilipad na bagay. Kahit malayo ang mga iyon ay pakiwari niya ay nakatingin ang mga lumilipad na bagay sa kanyang kinatatayuan.

“Diyos ko, ano ang mga lumilipad na iyon? A-ano ba talaga ang nangyayari?!” aniya habang pawisan na ang buong katawan sa sobrang takot na nararamdaman.

Walang ano-ano’y biglang lumipad ang mga iyon papalapit sa kanya. Hindi niya maaninag ang hitsura ng mga lumilipad na bagay na malapit na sa kanyang kinaroroonan, ang mahalaga ay maiwasan niya ang mga ito kaya agad siyang bumalik papasok sa kanilang bahay. Nang buksan niya ang pinto ay hindi na naman siya makapaniwala sa kanyang nakita.

“Oh, no! Hindi ito maaari!”

Advertisement

Nakita niya ang sarili na natutulog sa sofa. Naroon din ang kanyang Mama na niyuyugyog siya at sinusubukan siya nitong gisingin. Mayroon itong sinasabi ngunit walang boses na lumalabas sa bibig ng ina. Kita rin niya ang bakas ng takot at pag-aalala sa mukha nito.

“Ang katawan ko. Kailangan kong makabalik sa aking katawan. Kailangan kong magising, Diyos ko, tulungan Niyo po ako!”

Papasok na siya sa loob nang biglang maramdaman niya na may kumakagat na kung ano sa kanyang mga paa at binti. Nang tingnan niya iyon ay laking panghihilakbot niya nang makita na kinakagat ng mga maliliit na nilalang na may pakpak ang kanyang paa at binti. Kitang-kita niya ang mala-halimaw na hitsura ng mga ito na mayroong matutulis na ngipin. Napagtanto niya na ito ang mga lumilipad kanina sa kalangitan na sumugod sa kanya.

“Aaahhh! Tantanan niyo ako, tantanan niyo ako, mga halimaw kayo!” sigaw niya.

Ibinuhos niya ang lahat ng kanyang lakas at itinulak ang sarili papasok sa loob ng kanilang bahay. Pinilit niyang abutin ang kamay ng kanyang natutulog na katawan.

Nang bigla na lamang siyang nagising. Napaupo si Elias at napasigaw. Sa kanyang tabi ay naroon ang umiiyak niyang ina.

“A-Anong nangyayari sa’yo, anak?” nang-aalalang tanong nito sa kanya. “Kanina ka pa umuungol diyan. Hindi kita magising. Ayos ka lang ba, anak?”

Hinihingal man ay itinango niya ang kanyang ulo. Agad naman siyang niyakap nang mahigpit ng kanyang ina.

Advertisement

Niyakap rin niya ito nang mahigpit. Ramdam na ramdam ni Elias ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Basang-basa rin ang likod niya dahil sa pawis. Dahan-dahan niyang hinawakan ang kanyang magkabilang pisngi at kinurot iyon ng madiin.

“Aray ko!” napangiwi siya sa sakit.

“Buhay ako, buhay ako! Salamat po, Diyos ko!” sabi niya sa sarili.

Binangungot pala si Elias dahil natulog siya nang busog na busog pagkatapos na manood ng pelikula sa DVD. Mabuti na lamang at nagising siya kundi ay hindi na niya masisilayan pa ang kanyang pamilya. Napakamakapangyarihan talaga ng Diyos na kahit ang bangungot ay nahadlangan Nito basta manalig lang at maniwala ay ilalayo Niya tayo sa anumang kapahamakan.