Halos Tapusin ng Babae ang Kanyang Buhay Matapos Siyang Dumalo sa Kasal ng Dating Nobyo at Bestfriend; Isang Bagong Pag-ibig Pala ang Hindi Niya Inaasahang Darating sa Kanyang Buhay

Napakasaya ng naging relasyon nila Kian at Christine. Halos perpekto na ang lahat sa kanila. Nagsimula ang kwentong pag-ibig sa paaralan kung saan sila nag-aral ng kolehiyo. Simula noon ay hindi na mapaghiwalay ang dalawa.

Lumipas pa ang mga panahon. Nakapagtapos sila at nakakuha ng magagandang trabaho. Mas pinatatag pa ng panahon ang kanilang pagsasama. Hanggang sa isang araw ay nag-alok na ng kasal si Kian sa kasintahan.

Kasama ang matalik na kaibigan ng binata na si Dave at ang matalik na kaibigan naman ni Christine na si Sarah ay pinaghandaan nila ang isang napakagandang wedding proposal. Hindi sila nabigo dahil naging matagumpay naman ang resulta ng kanilang munting surpresa.

Napaluha si Christine dahil hindi niya inaasahan ang mga pangyayari. Labis ang tuwa na kanyang nadarama. Tila ba isang panaginip na nagkatotoo ang lahat. Isang napakagandang panaginip pero sa pagkakataong ito ay gising siya.

Sabay silang nagplano sa kasal na ninanais. Simula sa mga bulaklak na gagamitin, mga abay, mga importanteng taong imbitado at ang mga pagkain na ihahain pagkatapos ng seremonya ng kasal. Lahat ay planado ay maayos na, kasal na lamang talaga ang kulang.

Kung kailan tila ba ayos na at perpekto na ang lahat, at saka naman dumating ang isang malaking dagok sa kanilang buhay. Dahil sa mapaglarong tadhana ay bigla na lamang nagbago ang lahat.

Dalawang buwan bago ang kanilang kasal ay nagtungo sa Tagaytay si Kian upang ayusin doon ang preparasyon para sa nalalapit na kasal. Doon nila naisipan na ganapin ang magarbong kasal na kanilang pinaghahandaan.

Sa daan pauwi, habang nagmamaneho ay bigla na lamang nawalan ng preno ang kotse ni Kian. Naunahan siya ng takot at pangamba kaya’t nawalan siya ng kontrol sa manibela na naging sanhi ng pagsalpok niya sa isang malaking poste.

Advertisement

Malaking pinsala ang tinamo ni Kian, dahilan para mawalan siya ng malay. Kritikal ang kanyang kalagayan at komatos ngayon sa Intensive Care Unit ng ospital. Agad namang nagpunta ang kanyang nobya doon.

Halos araw-araw ay nasa ospital lamang si Christine. Nagdarasal na sana ay umayos na ang kondisyon ng kanyang kasintahan. Umalis na rin siya sa trabaho upang maibigay ang buong oras at panahon niya sa pagtingin-tingin sa comatose na katawan ng kanyang nobyo.

Lumipas pa ang ilang buwan, isang araw bago ang kanilang nakatakdang araw ng kasal sana ay nagising si Kian. Malayo na sa mga komplikasyon at siguradong ligtas na talaga. Lahat sila ay sobrang saya noon. Lalong-lalo na si Christine.

Pero hindi pala magtatagal ang kaligayahan na iyon. Tila nabura ang mga ngiti sa kanyang labi nang malaman na hindi siya makilala ng kanyang nobyo. Ang kasal, mga pinagsamahan at masasayang memorya na magkasama sila ay naglaho na lamang ng parang bula.

“Kian, ako ito, si Christine. Hindi mo ba ako maalala? Ako yung future wife mo. Ikakasal na tayo,” maluha-luhang sabi ni Christine.

“I’m sorry, pero hindi kita matandaan. Pasensya ka na. Wala akong matandaan sa mga sinasabi mo,” naguguluhang sagot naman ni Kian.

Nang makalabas sa ospital ay ginawa ni Christine ang lahat upang maipaalala kay Kian lahat ng masasayang alaala nila. Pilit niyang ipinapaalala ang masasayang araw na pinagsaluhan nila bilang magkasintahan.

“Natatandaan mo pa ba nung nag propose ka sa akin? Kasama mo nun sila Dave at Sarah. Sinurpresa niyo ako ng fireworks nun at saka ng isang kanta na ikaw mismo yung sumulat. Hindi mo ba talaga matandaan?” tanong ng dalaga.

Advertisement

“Hindi eh. Hindi ko rin maalala na minahal kita noon. Pilitin ko man, pero wala akong maramdaman para sa’yo. I am really sorry,” tugon ng binata.

“P-pero utak lang naman ang nakakalimot, hindi ang puso, di ba? Please try to remember me Kian. I love you so much,” pahayag naman ng babae habang pumapatak ang kanyang mga luha.

Ilang buwan pa ang lumipas, pero walang pagbabago sa kondisyon ni Kian. Hindi pa rin bumabalik ang kanyang memorya at unti-unti, lumalayo ang loob niya sa kasintahang si Christine.

“Hindi mo pa rin ba ako maalala, Kian? Wala ba talaga kahit katiting man lang na pagmamahal sa puso mo na makapagpapabalik ng alaala mo?”

“Wala talaga. Pasensya na. Parang yung love story natin, parang hindi talaga nangyari. I’m sorry, Christine. It’s better if we start moving on with our lives,” seryosong tugon ng lalaki.

Sa paglipas ng panahon ay unti-unti nang lumalayo at naiilang si Kian sa dating kasintahan, subalit naging malapit naman siya sa best friend ng dalaga na si Sarah, na halos araw-araw ay bumibisita upang kumustahin siya.

Ipinagsawalang bahala ni Christine ito dahil nakatuon lang ang kanyang atensyon sa kanyang kasintahan. Hanggang isang araw ay parang binuhusan na lamang siya ng malamig na tubig sa rebelasyong nalaman.

“Anong ibigsabihin nito, Sarah? Bakit? Paano mo nagawa ito sa akin?” tanong ni Christine sa matalik na kaibigan.

Advertisement

“Sorry, Tin. Tawagin mo na akong ahas, kabit, pangalawa o p*kpok, pero mahal ko na si Kian. Mahal ko si Kian at mahal na din niya ako. Wala na akong pakialam kahit na masagasaan pa kita. Sorry, Tin,” seryosong sagot naman ni Sarah.

Gustong-gusto ni Christine na saktan at hilahin ang buhok ng kanyang kaibigan, pero sinubukan na lamang niyang kumalma at umalis na lamang. Matapos noon ay nagtungo siya sa kanyang nobyo para kausapin ito.

Lumuhod siya sa harapan ng binata at nagmakaawa na bumalik na ito sa kanya, na alalahanin siya at bumalik na sila sa dating estado ng kanilang relasyon.

“Please, Kian. Mahal na mahal kita. Huwag mo akong iwan ng ganito lamang,” pagmamakaawa ni Christine.

“Gusto kong paniwalaan lahat ng sinasabi mo. Gusto kong maramdaman yung pagmamahal na sinasabi mong nararamdaman ko para sa’yo noon, pero wala talaga eh.

Lahat ng mayroon sa atin ay nasa nakaraan na. Iba na ang lahat ngayon. May bago na akong minamahal at hindi ikaw yun, hindi na ikaw yun…” malamig na pagkakasabi ng binata.

Lumipas pa ang halos isang taon. Isang imbitasyon ang natanggap ni Christine. Imbistasyon para sa kasal ni Kian at Sarah. Kumawala ang kanyang mga luha galing sa kanyang mga mata. Hindi siya makapaniwala.

Halos kitilin niya ang sarili niyang buhay dahil sa labis na sakit na nadarama, pero lakas loob niyang hinarap ang matinding pagsubok na ito. Nagtungo siya sa kasal ng dating nobyo at best friend. Lahat ng mata sa simbahan ay nakatuon sa kanya, mga matang tanging awa lamang ang makikita.

Advertisement

Bumabagsak ang mga luha niya habang pinapanood na maglakad patungo sa altar ang kanyang matalik na kaibigan at sumumpa ng pagmamahal ang pinakamamahal niyang lalaki, na sana dapat sila ang gumagawa.

Pagkatapos ng seremonya ay nauna na siyang lumabas at nagmadali nang umuwi. Hindi na niya matiis pa ang sakit na nararamdaman. Magmula noon ay hindi na siya muli pang nagpakita kay Kian o sa kahit sino sa kanilang mga kaibigan.

Limang buwan ang lumipas at nakatanggap ang dalaga ng tawag mula sa matalik na kaibigan ni Kian na si Dave. Inaya siya nitong lumabas dahil may kailangan daw silang pag-usapan na sobrang importante.

Sa isang coffee shop ay nagtungo si Christine. Naandoon si Dave na nag-iintay sa kanya, subalit nang makaupo siya ay isang pamilyar na mukha din ang biglang umupo sa kanyang harapan, si Kian.

“Sorry Tin ha? Eto lang kasi yung alam kong paraan para magkausap kayo,” saad ni Dave na tumayo ang lumayo muna upang maiwan ang dalawang kaibigan na mag-isa.

“Kumusta ka?” tanong ni Kian.

Parang lahat ng sakit ay bumalik muli sa puso ni Christine. Hindi siya makahinga at parang unti-unting nilalamon muli ng kalungkutan, “yung totoo? Hindi pa ako maayos. Nasasaktan pa rin ako sa tuwing naiisip ko ang mga pangyayari.”

“Bumalik na ang alaala ko kamakailan lang. I am sorry, Christine. I miss you so much. Labis ang pananabik kong makita kang muli. Sana ay mapatawad mo ako dahil wala talaga akong maalala noon,” malungkot na saad ng binata.

Advertisement

“Di ko alam kung ano ang dapat maramdaman, Kian.”

“I want to make things right, Christine. Gustong-gusto kong itama ang lahat, pero it’s too late. Nagdadalang tao na si Sarah sa magiging anak namin. Kaya kita kinausap ay para personal akong makahingi ng tawad.

Siguro pinagtagpo lang talaga tayo ng pagkakataon, pero hindi itinadhana. Nasasaktan din ako, pero what can we do? I am sorry. I am very sorry,” lumuluhang paliwanag ng lalaki.

“I wish you nothing but happiness, Kian. Siguro ay dito na matatapos ang love story natin. Ito na siguro ang pagwawakas na matagal kong inintay. Salamat sa lahat, Kian. Sa huling pagkakataon, gustong ko sabihin na mahal kita. Mahal na mahal…” sagot ni Christine at saka ito tumayo at umalis sa coffee shop.

Napagdesisyunan ni Christine na lumabas ng bansa at libutin ang buong mundo. Sa ganoong paraan ay makatutulong ito upang maghilom ang kanyang puso. Naglakbay siya ng naglakbay hanggang sa makuntento siya.

Makalipas ang halos isang taon ay naramdaman niyang unti-unti nang naghihilom ang sakit na nadarama niya sa kanyang puso. Nagawa na niyang patawarin ang dating kasintahan at matalik na kaibigan na labis na nakasakit sa kanya.

Muling nagbukas ang puso ni Christine sa panibagong pag-ibig, at sa pagkakataong ito, isang lalaki ang kumatok at nangakong aalagaan at hindi na kailanman sasaktan ang kanyang puso, si Dave.

Sa paglalaro ng tadhana ay dinala siya nito sa lalaking tunay at nararapat para sa kanya, sa matalik na kaibigan din ng dati niyang kasintahan. Pinatunayan ni Dave na puro at malinis ang kanyang intensyon sa dalaga.

Advertisement

Inalagaan ng mabuti ni Dave ang dalaga at ginawa niya ang lahat upang mapalitan ng ligaya ang lahat ng mapait na nangyari dito sa nakaraan. Di naman din naglaon ay inalok niya ito ng kasal.

Ngayon ay masaya na nang nagsasama sina Dave at Christine at nalalapit na rin iluwal ang kanila unang magiging supling. Siguro ay sadyang may mga taong pinagtagpo lamang talaga, ngunit hindi itinadhana na magsama magpakailanman. Isang napakasakit na katotohanan na dapat tanggapin ng karamihan sa atin.

Ngayon ay nagkaroon ng kalinawaan ang lahat, na kaya pala hindi nakalaan sa isa’t isa ang dating magkasintahan ay dahil nakalaan sila sa ibang tao na nakatadhana para talaga sa kanila. Naging masakit at mapait man ang karanasan, ay napalitan naman lahat ng ito ng ligaya sa piling ng taong tunay at lubos na mga nagmamahal sa kanila.