Lahat ay Hahamakin, Maging Kapre Man ay Karibal Din!

Para kay Melvin ay wala nang ibang babaeng mas hihigit pa sa pinakamamahal niyang si Cara. Bukod kasi sa napakabait ng dalaga ay napakagaling din nitong kumanta. Bonus na nga lang na hindi rin biro ang pisikal na kagandahang taglay nito. Iyon nga lang ay may malaki siyang problema…

Sa dinami-rami ba naman kasi ng maaari niyang maging karibal sa dalaga’y kung bakit ba naging maligno pa?!

Matagal nang bali-balita ang pagkakaroon ni Cara ng manliligaw na sobrang kaiba sa lahat. Iyon ay ang kapre, ’di umano, na nakatira sa punong akasya sa tapat daw mismo ng bahay ng mga ito.

Marami na’ng sumubok na manligaw kay Cara noon, ngunit lahat sila’y hindi nagtagumpay. Ayon pa sa ilan sa mga dating manliligaw ng dalaga, marami ang kababalaghang nangyayari sa tuwing susubok silang dumalaw sa tahanan ng mga ito. Nariyan ang biglang pagyukod ng mga puno, upang hindi sila makaraan o ang pagkapuno ng makapal na usok sa paligid. Natutuyot din daw ang mga dala nilang bulaklak para sa nililigawan, kaya naman walang nakatatagal sa panliligaw kay Cara at lahat sila’y mabilis ding sumusuko…

Ngunit ibahin natin si Melvin. Tubong Maynila ang binata, ngunit hindi na siya nabigla nang mabalitaan ang ’di umano’y kapreng malaki ang pagkagusto kay Cara. Bata pa lang kasi siya ay iminulat na siya ng kaniyang Lola Cora sa mga ganitong paniniwala. Sa katunayan ay makailang ulit na rin niyang naranasan ang lahat ng kababalaghang nabanggit, ngunit nanatili siyang nakatayo at patuloy na nagmamahal at lumalaban para sa puso ng dalagang minamahal.

Matapang daw siya, sabi ng nakararami, ngunit para sa kaniya’y hindi. Talaga lang wagas ang pag-ibig niya kay Cara at ito lang ang babaeng gusto niyang makasama habambuhay kaya ganoon kalakas ang loob niya.

“Sinasagot na kita, Melvin!” isang araw ay ani Cara kay Melvin na labis namang ikinatuwa ng huli.

Halos mapasigaw siya sa tuwa at agad na ipinagpasalamat sa Diyos ang pagkakapanalo sa puso ni Cara.

Advertisement

Ngunit hindi pa ’yon ang happy ending nila. Lumipas ang mga araw at tila hindi nagustuhan ng karibal ni Melvin ang pagkakapanalo niya sa puso ng dalaga, at isang malahiganteng surpresa ang ihinandog nito sa kanila, nang bigla itong magpakita kay Melvin at Cara!

Mayroon itong malalaking mata, maitim na balat, mabalahibong katawan at ’di matantsang taas. Nakatatakot ang hitsura nito, parang halimaw!

Namayani ang tili ni Cara sa paligid. Agad namang pumuwesto si Melvin at hinarangan ang nobya na animo pinoprotektahan ito. Humalakhak ang kapre. Napuno ng usok mula sa bunganga nito ang paligid.

“Isa ka lang mortal! Ano sa tingin mo ang laban mo sa isang ’tulad ko?” mapangutyang anito kay Melvin.

“Isa nga lang akong mortal… isang hamak na taong malaki ang paniniwala sa Diyos!” matapang na sagot ni Melvin sa kapre na biglang nakapagpaatras dito. “Wala kang maaaring gawin sa amin, dahil mahal kami ng Diyos! Anak Niya kami at hindi niya kami pababayaan!” dagdag pa ng binata.

Kitang-kita niyang nagtakip ng tainga ang kapre. Tila na naririndi sa kaniyang mga sinasabi.

“Tumahimik ka, Mortal!” sigaw nito. “Wala ka nang magagawa! Kukunin ko si Cara at dadalhin ko siya sa aking kaharian!”

“Subukan mo lang at makikita mo. Susunugin ko ang tirahan mo at sisiguruhin kong wala ka nang mapupuntahan!” Pilit na itinago ni Melvin ang kaba sa kaniyang dibdib. Natatakot siya, oo, ngunit kailangan niyang harapin ang lahat para sa kasintahan!

Advertisement

“Lapastangan ka!” Halos mayanig ang paligid nang sumigaw nang malakas ang kapre. Kasabay niyon ay dinuro nito si Melvin. Galit na galit ang mukha nito!

“Kapag sinaktan mo kami, hindi iyon ikatutuwa ng aming Ama. Parurusahan ka niya dahil masama ka! Mahal kami ng Panginoon… ng Diyos na siyang may lalang sa lahat! Kaya’t lumayas ka rito, Kapre! Sa pangalan ni Jesus, bumalik ka sa iyong pinanggalingan!”

Naghihiyaw sa inis ang kapre habang nakatakip ang mga kamay nito sa tainga. Napangiti naman si Melvin.

Nang pagkakataong iyon ay may tulong na ’di inaasahang dumating. Ang mga kabaryo ni Cara na lahat ay may kaniya-kaniyang dalang sulo, ngayon ay narito para tulungan sila!

“Ano, Maligno? Gusto mo ba talagang sunugin namin ang tirahan mo?” tanong ni Melvin.

Mabilis na nag-iiling ang kapre at sa isang iglap lang ay naglaho ito na parang bula.

Matapos iyon ay bibihira na lamang magpakita ang kapre, hanggang sa dumalang na nang dumalang. Sa palagay nila’y lumipat na ito ng tirahan.

Ngayon ay ikalimampung anibersaryo na ng kasal nina Melvin at Cara. Sila ang patunay na walang kapangyarihang mas hihigit pa sa kapangyarihang taglay ng Diyos at ng pag-ibig.