Pinagbintangan ng Dalaga ang Nobyo na Nambababae, Pahiya Siya Nang Sugurin ang Katext ng Binata

Crush na crush na ni Sharmaine ang binatang si Mark noon pa, kaya naman noong nanligaw ito sa kanya ay agad-agad niya ring sinagot ang binata.

Dahil sa nakakabighaning mga mata nito, sa magandang tindig at pangangatawan, pati na rin sa napakabait nitong pag-uugali, madalas ang pagseselos ni Sharmaine sa kahit sino mang babaeng lumalapit sa kaniyang kasintahan.

Dalawang buwan pa lamang magmula ng maging opisyal na magkasintahan ang parehong bente tres anyos na binata’t dalaga pero kung ituring na ni Sharmaine si Mark ay parang asawa niya na.

Alam niya dapat ang lahat ng lugar na pinupuntahan ng binata, naka-report agad sa dalaga ang lahat ng ginagawa nito, at higit sa lahat ay alam niya ang lahat ng password sa cellphone at social media accounts ng lalaki.

Isang araw, nakahilata sa sofa sa loob ng kanilang bahay si Sharmaine, habang si Mark naman ay nagluluto ng kanilang makakain sa kusina nang biglang tumunog ang cellphone ng binata. Agad itong binuksan ng dalaga.

“Baby boy, uwi ka na dito. Miss na kita. Kakauwi ko lang. Bilis, uwiiii!” Agad na nanlaki ang mga singkit na mata ng dalaga dahil sa galit. Imbes na komprontahin, itinago niya sa nobyo ang nabasa. Nakaisip pa ito ng paraan para makita ang kabit ng kanyang nobyo.

Nagpanggap si Sharmaine na si Mark at nireplyan ang babae.

“Saan?” Maingat na reply ng dalaga upang hindi makaramdam ang babae na siya na ang kausap nito.

Advertisement

“Sa bahay! Saan pa ba?!” Mabilis na reply nito.

Naisip ni Sharmaine na hindi pa siya pinakikilala ni Mark sa kaniyang mga magulang at sa kaniyang buong pamilya. Pero dahil alam niya naman kung saan ito nakatira, hindi siya nahiya at nagdesisyong pumunta roon. Iniisip niyang ibang babae ang ipinakilala ni Mark sa mga magulang nito.

“Babe! Lalabas lang ako ha. Bibili lang ako ng ice cream, para may dessert tayo pagkatapos kumain.” Malambing pang paalam ni Sharmaine, pero ang totoo’y pupunta na siya sa bahay ng binata para kumprontahin ang kabit ng nobyo niya.

Sumakay na ng tricycle ang dalaga. Galit na galit ito at pinapractice pa ang mga sasabihin sa kabit ng kanyang nobyo. Nadagdagan pa ang galit nito nang bigla muling magtext ang babae.

“Saan ka na? Ang tagaaal! Miss na miss ko na ang baby boy!”

Nakababa na ng tricycle ang dalaga. Agad itong nagsisigaw sa tapat ng bahay ni Mark.

“Hoy! Ang kapal-kapal ng mukha mo! Babae ni Mark, lumabas ka! Kaladkarin ka!” Sigaw ng eskandalosang babae. Punong-puno ng selos ang kanyang pagkatao.

Biglang lumabas ang isang napakagandang babae na nakakunot ang noo. Lalo pang nadagdagan ang inis ng dalaga dahil hamak na mas lamang sa kanya ang babae.

Advertisement

Walang sali-salita ay agad tumakbo si Sharmaine at sinugod ang babae. Hinila nito ng matindi ang mahabang buhok ng babae at kinaladkad sa sahig ng harap ng bahay nila Mark.

“P*ta ka? Malandi ka? Ang kati mo. May girlfriend na ho iyong nilalandi mo! G*go ka. Lubayan mo ang boyfriend ko!” Litanya ni Sharmaine habang patuloy na pinagsasabunutan at kinakalmot sa katawan ang kaawa-awang babae.

Nang biglang lumabas ang mga magulang ni Mark.

“Hoy! Sino ka?! Ang kapal ng mukha mo! Sino ka?!” Sigaw ng ina ni Mark.

“Hi Tita! Ako po si Sharmaine.” Biglang tindig ng dalaga habang inaayos ang damit na nagkagusot-gusot na mula sa pananakit sa babae.

“Sharmaine? Yung nobya ng anak ko?” Tanong ng ama ni Mark.

“Opo, ako nga po. Sino po itong makating babae na ito na text nang text sa boyfriend ko?” Humabol pa ng isang sipa sa mukha ng babae ang dalaga.

Hindi na nakapagtimpi ang nanay ni Mark at bigla na ring hinablot ang buhok ni Sharmaine.

Advertisement

“Aray, Tita! Ano ba? Hindi ho dapat ako ang ginaganyan niyo!” Reklamo ni Sharmaine. Natigilan ang lahat nang dumating na si Mark.

“Sharmaine?! ANONG GINAGAWA MO SA ATE KO?!” Sigaw ng galit na galit na si Mark. Kapatid niya pala ang nagtetext sa kanya. Galing itong abroad at isang taong nawala, kaya naman text ito nang text sa “baby brother” niya na kung tawagin niya ay “baby boy” bilang paglalambing.

Pahiyang-pahiya si Sharmaine nang marinig ang katotohanan. Nang mahimasmasan ay napansin niya nga ang pagkakahawig ni Mark sa ate niya. Gusto nang magpalamon ng dalaga sa lupa sa kahihiyang ginawa.

“Ay, eh. Hehe. Sorry po, ate.” Nakayukong sabi nito sa kapatid ni Mark na galit na galit dahil puno ng gasgas at pasa ang katawan. Nalamog na rin ang anit nito sa tindi ng pananabunot ng dalaga.

“Ang kapal ng mukha mo! Lumayas ka rito sa pamamahay namin. MARK! HIWALAYAN MO ‘YANG ESKANDALOSANG ‘YAN! Walang delikadesa. Hindi nag-iisip bago umaksyon. Hindi ako papayag na isang katulad niyang babae na ‘yan ang makakatuluyan mo!” Sigaw ng galit na galit na ate ni Mark.

“Ay hindi po, nagkamali lang po ako! Sorry po. Sana po bigya…” Hindi na natapos ni Sharmaine ang kanyang sinasabi nang bigla nang sumabat ang kanyang nobyo.

“Umalis ka na dito. Wala na tayo.” Seryoso ang mukha ni Mark.

“Ha? Babe naman! ‘Di lang naman tayo nagkaintindihan!” Paliwanag pa ng desperadang si Sharmaine.

Advertisement

“NARINIG MO NAMAN ANG SABI NG ANAK KO, HINDI BA?” Pahabol ng ina ni Mark.

Hindi na nahiya ang dalaga, at naglupasay na nagmamakaawa kay Mark na balikan siya. Ngunit sa ginawa niyang pambabalasubas sa ate nito, kahit anong ngawa pa niya ay hindi na siya magawang tingnan pa ni Mark.

“Nakakadiri ang pagkatao mo. Napaka-malisyosa mo! Imbes na kausapin ako, talagang nagpunta ka pa dito. Alam mo ba, akala ko kasi iba ka e. Pero malala ka! Hindi ko na kayang sikmurain ang ganyang pag-uugali mo. Umuwi ka na sa inyo!” Wika ng inis na inis na si Mark. Punong-puno na siya sa dating nobya.

Ayaw pa ring umalis ni Sharmaine, kaya ang ina at ate na ni Mark ang gumawa ng paraan. Kagaya ng ginawa ni Sharmaine sa ate ni Mark, kinaladkad ng dalawa ang dalaga palabas ng kanilang bahay nang nakasabunot sa buhok nito.

Natutunan ni Sharmaine na hindi dapat padalos-dalos sa mga desisyon at aksyon sa buhay, at ang matinding selos ay kailanma’y hindi naging maganda sa isang relasyon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.