Nagsumbong ang Babae sa Mga Pulis na Binubugbog Siya ng Kaniyang Bayaw, Sinayang Lang Pala ng Babae ang Oras ng mga Pulis

Isinumplong ni Agatha ang kaniyang bayaw sa mga pulis. Sinabi niya sa kanila na sinasaktan siya nito tuwing wala sa bahay ang kaniyang kapatid. Pinakita niya sa kanila ang mga natamo niyang mga pasa at sugat. Noong araw ding iyon ay dinampot ng mga pulis ang bayaw ni Agatha. Hindi sumama ang babae sa paghuli sa kaniyang bayaw. Nagpaiwan na lang siya sa presinto.

Kasalukuyang naglilinis si Emmanuel ng kaniyang sasakyan nang dumating ang mga pulis para dakpin siya. “May nagreklamo sa’yo ng pangbubugbog. Sa presinto mo na lang alamin ang buong detalye,” tugon ng isang pulis nang tinanong ni Emmanuel kung bakit siya inaaresto ng mga ito.

Hindi na nanlaban pa si Emmanuel pero nakiusap siya na kung pwede ay tawagan niya muna ang kaniyang asawa na kasalukuyang sinusundo ang anak nila sa paaralan.

“Daniella, may negreklamo laban sa akin at hinuhuli ako ngayon ng mga pulis. Sumunod ka sa presinto. Hanapan mo ‘ko ng magaling na abogado,” sabi niya sa kaniyang asawa.

Sa presinto ay nalaman ni Emmanuel na si Agatha pala ang nagpadakip sa kaniya. Hindi niya inaasahang aabot sila sa puntong ito. Pero siguro nga ay maigi na rin na nangyari ito nang sa ganoon ay magkalabasan na ng katotohanan.

Matagal na niyang nililihim sa asawa na hindi niya kasundo ang kapatid ng misis. Palagi silang nag-aaway kahit na sa pinakasimpleng bagay. Madalas din itong magwala tuwing nagtatalo sila. Minsan ay umabot pa sa puntong naninira na ito ng mga gamit nila sa bahay. Kunukumpuni niya ang lahat nang nasisira niya kaya hindi nakakahalata si Daniella na may alitan ang dalawa.

Kahit kailan ay hindi siya nagsumbong sa kaniyang asawa. Ayaw niyang magkasira ang magkapatid. Ngunit sa ginawa ni Agatha sa kaniya ay mukhang mapipilitan siyang ipagtapat ang lahat sa kaniyang asawa.

“Totoo, sir. Tuwing umaalis ang ate ko lagi akong sinasaktan ni Kuya Emmanuel. Walang araw ang lumipas na hindi ako nakakatikim ng pananakit mula sa kaniya,” sumbong ni Agatha sa pulis.

Advertisement

“Bakit ngayon ka lang nagsumbong kung matagal ka na niyang pinagmamalupitan?” usisa ng pulis.

“Malaki ang utang na loob ko sa ate ko. Siya ang tumayong nanay at tatay ko noong maaga kaming naulila. Marami siyang isinakripisyo para sa akin. Ayokong ako ang maging dahilan ng pagkasira ng pamilya niya,” paliwanag ni Agatha.

Nakaupo lang si Emmanuel sa isang tabi. Tahimik niyang pinakikinggan ang mga pinaparatang sa kaniya ng kaniyang hipag. Hinayaan lang niya na idiin siya nito sa mga akusasyong hindi niya ginawa. Kahit umabot na sa sukdulan ang galit niya sa hipag ay hindi niya ito pinagbuhatan ng kamay. Hindi niya alam kung saang teleserye hinango ng hipag ang mga kinukwento sa imbestigador.

Muling ipinakita ni Agatha ang mga natamo niyang mga pasa at sugat sa diumanong pangbubugbog na ginawa sa kaniya ni Emmanuel sa pulis na nagiimbestiga sa kaniyang reklamo. Sa puntong ito ay binasag na ni Emmanuel ang kaniyang katahimikan.

“Hindi ko siya pinagbuhatan ng kamay. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang mga pasa at sugat niya sa katawan,” pagtatanggol niya sa sarili.

Ilang minuto pa ang lumipas nang tumawag ang asawa ni Emmanuel. Tumayo siya sa kaniyang kinuupuan at bahagyang lumayo para sagutin ang kaniyang selpon. Ipinaalam ni Emmanuel kay Daniella na ang kapatid nito ang nagsampa ng reklamo sa mga pulis. Ikinuwento din niya kung ano ang mga pinaparatang ni Agatha sa kaniya.

Nagulat si Daniella sa sinabi ng kaniyang asawa.

“Huwag kang mag-alala. Hindi mo kailangan ng abogado. Ako mismo ang aayos ng problema. Ano man ang sabihin ni Agatha, ilabas mo lang sa kabilang tenga mo. Ihahatid ko lang ang anak natin sa mga magulang mo bago ako pumunta diyan,” pangako niya sa asawa.

Advertisement

Sinayang lang ni Agatha ang oras ng mga pulis. Pinerwisyo pa niya ang kaniyang bayaw.

Nang dumating sa presinto si Daniella ay inilantad niya ang mga medical records ng kaniyang kapatid. Matagal na pa lang may saltik sa utak si Agatha. Madalas niyang sinasaktan ang kaniyang sarili tuwing makakaramdam siya ng matinding emosyon.

Pinagamot na siya ni Daniella noon at umayos na ang kalagayan nito matapos ang mahabang panahong gamutan. Ngunit mukhang bumalik na naman ang sakit nito at mukhang mas lumala pa.

Mula sa presinto ay dinala ng mag-asawa si Agatha sa ospital ng mga baliw. Dito na muna siya maglalagi habang nagpapagamot upang masigurong hindi na niya sasaktan ang kaniyang sarili at nang hindi na rin siya makapanakit ng iba.

“Pasensya na kung hindi ko nasabi sa iyo na may sakit sa utak ang kapatid ko. Akala ko tuluyan na siyang gumaling nung pinagamot ko siya dahil naging normal na ang pamumuhay at kilos niya pero nagkamali ako. Hindi pa siya tuluyang magaling. Dapat umpisa pa lang ay sinabi ko na sa iyo nang hindi na umabot sa ganito,” malungkot na saad ni Daniella sa asawa.

“May pagkukulang din ako. Dapat sinabi ko sa’yo na madalas akong awayin ng kapatid mo tuwing kaming dalawa lang ang nasa bahay. Siguro kung nasabi ko agad sa iyo ay naipagamot natin agad ang kapatid mo,” tugon ni Emmanuel sa asawa.

Parehong naglihim ang mag-asawa sa isa’t-isa kaya lumala ang sitwasyon. Dahil sa nangyari ay mas madalas nang pinag-uusapan ng mag-asawa ang kani-kanilang mga saloobin. Wala na silang itinatagong lihim sa isa’t-isa. Nagtutulungan pa silang masolusyunan ang kanilang mga problema. Dinadalaw naman ng pamilya si Agatha sa ospital pero mukhang matatagalan pa bago ito tuluyang gumaling.