Nakapag-Japan Lang ang Anak ay Tumaas na ang Ere ng Babaeng Ito; Pero Umiikot ang Gulong ng Buhay

Mag-i-isang taon palang sa Japan ang anak ni Aling Lita, pero marami-rami na rin ang naipundar nito. Alam ng ginang na di magtatagal ay aangat pa lalo ang kanilang buhay, malaki kasi kung magpadala ng pera ang hapon na boyfriend ng anak niyang si Lilibeth.

“Ybeth, sabihin mo naman kay Takaharo na luma na ang DVD player natin. Eh magfi-fiesta na syempre ang mga kuya mo may bisita. Kakahiya kung kakarag-karag ang gagamitin nilang pang videoke!” sabi ni Aling Lita isang umagang nakausap ang anak. Ni hindi man lang nag-abalang kumustahin muna ang kalagayan nito doon.

“Ano?! Anong next week?! Diyos ko naman, Ybeth! Kaliit-liit na halaga ay tinitipid mo kami! Para saan pa at pamilya tayo? Huwag kang ganyan anak, masama iyang madamot ka sa kapwa mo.” kunwari pang pangangaral niya sa anak para lang makunsensya ito at magpadala na agad ng pera.

Sigurado naman siyang maraming pera si Lilibeth, nagtitipid lang. Kapapadala lang nito ng 20,000 noong isang linggo at ubos na nila agad iyon. At ang mga kapitbahay niya? Sus! Paniguradong inggit na inggit sa kanya. Aba! Ang dating kahoy at tagpi-tagping bahay nila ay bato na ngayon.

Dati ay nagtya-tyaga siyang makinood ng TV sa tindahan, ngayon ay mayroon na siyang sarili. Flatscreen pa!

Nakakapunta na siya sa mall at nakakakain na sa mamahaling restaurant. Dati kahit fastfood ay di sila makatikim. Kaya lang, naging masama ang epekto ng salapi sa kanya, nilamon siya nito at masyadong tumaas ang tingin niya sa sarili.

“Ano kamo? Kukunin daw akong ninang sa kasal? Bakit? Eh hindi ko naman ka-close iyang si Thelma. Ang mga kapitbahay talaga natin, namemera lang.” sabi niya sa kumare niya na nagsabing kukunin nga raw siyang ninang sa kasal ng isa sa mga kapitbahay niya.

Ang Thelma na kanyang tinutukoy ay isa sa mga nagmagandang loob na pautangin sila noong walang-wala sila. Isa rin ito sa nag-abot ng perang pang placement fee para makaalis si Lilibeth noon papuntang Japan.

Advertisement

Ngayon ay parang di na niya kilala ang babae.

Pero umiikot ang buhay, matapos lang ang dalawang buwan ay nakipaghiwalay na si Lilibeth sa nobyo nitong hapon kaya lumiit ang padala ng babae. At dahil todo waldas ang pamilya ni Aling Lita ay wala silang naipon.

Tila minamalas pa dahil isang gabi, nagising nalang sila na nangangamoy sunog. Naiwan pala ng isa sa mga anak ni Aling Lita na nakasaksak ang charger ng cellphone kaya nag-short iyon at pumutok.

“Diyos ko! magsibangon kayo’t malilitson tayo rito!” natatarantang sabi ni Aling Lita sa mga anak. Bale ba ay puro babae ang naiwang kasama niya dahil may pinuntahan ang mga anak niyang lalaki. Hindi nila malaman ang gagawin dahil medyo kumakalat na ang apoy.

Nagulat nalang ang ginang nang may malakas na tumadyak sa kanilang pintuan, tapos ay inakay silang mag-i-ina palabas. Nang makalabas ng gate ay di niya akalaing nagtipun-tipon ang mga kapitbahay niya upang mapatay ang apoy.

Kanya-kanyang timba ang mga ito. Nagbuwis ng buhay para sa pamilya niya, para sa kanya na walang ginawa kung hindi maliitin ang mga ito.

Medyo natagalan pa bago natupok ang apoy, hindi rin kasi nakalapit agad ang mga bumbero dahil makipot ang kalsada sa lugar nila. Marami-raming napinsala sa bahay ni Aling Lita at hindi na nailigtas ang karamihan sa mga mamahaling gamit niya.

Makalipas ang isang buwan.

Advertisement

“Huy! Kung anu-anong pinagkukwentuhan nyo pa dyan! Ako ba ang pinag-uusapan ninyo?” biro ni Aling Lita sa mga kapitbahay na masayang nagkukwentuhan.

“Hindi po te! Excited lang ang lahat sa Flores de Mayo at sa salu salo mamaya. Alam nyo naman, minsan lang may handaan dito sa barangay, libre pa!” nakangiting sagot ng isa sa mga ito.

Napangiti naman din si Aling Lita, masaya siyang nakakapagpasaya na siya ngayon. Marami man ang napinsala sa sunog na naganap noon ay may natamo rin naman siya- ang regalo ng pakikipagkaibigan.

“Edi mabuti naman pala kung excited kayo, kasi ay nagrenta rin ako ng pang videoke natin mamaya, malaman natin kung sino ang pwedeng ipambato sa barangay singing contest sa susunod na buwan,” natatawang sabi ng ginang.

Maraming nawalang gamit, pero napatunayan niyang marami ring mas mahalaga pa kaysa sa mga materyal na bagay at iyon ay ang pagmamalasakit at pagtulong na maibibigay ng kapwa niya.

Kaya ibinabalik niya iyon sa pamamagitan ng pagtulong rin kung may nangangailangan at paminsan-minsang pag-i-imbita sa mga ito sa salu-salo tulad ngayon. Tila nakita naman ng Diyos na natutunan niya na ang kanyang leksyon kaya muli na siyang biniyayaan.

Nakahanap na ng mas maayos na trabaho si Lilibeth sa Japan at ganoon rin ang mga anak niya rito sa Pilipinas kaya mas gumaan ang kanyang buhay, mas masaya pa ngayon dahil marami na siyang kaibigan!