Panalangin ng Aking Anak

Tirik na ang araw at nasusunog na rin ang pinipritong isda ni Lizel, sumabay pa ang pag-iyak ng kaniyang anak na limang taong gulang na.

“Jordan, ‘yung isda naman nasusunog na,” sigaw ng babae sa kaniyang asawa.

“Anak, tahan na naman. Ang laki-laki mo na tapos ganiyan ka pa umiyak,” sabi ni Lizel kay Abegail, ang anak ng babae.

“Mama, may mumu sa panaginip ko, e,” sagot ng bata at lalo pa itong umiyak.

“Ano ba ‘yan? Tanghali na nga pero makangawa ka naman, Abegail. Huwag kang masyadong umiyak, anak. Nakakahiya naman sa mga bisita ni papa,” pahayag ni Jordan sabay lapit sa kaniyang mag-ina.

“Tang*na mo talaga! Uminom ka na kagabi, ‘di ba? Bakit umiinom ka na naman ngayon? Magpakam*tay ka na lang kaya!” mahinang wika ng babae habang tinatakpan niya ang tenga ng kanilang anak upang hindi siya marinig nito.

“Tigilan mo nga ako, Lizel. Pag-aawayan na naman ba natin itong alak ko? Ito na nga lang ang kasihayan ko. Tsaka isa pa, sa susunod kung hindi mo kayang magluto habang binabantayan iyang anak natin ay huwag kang magluto! Hindi ‘yung ako pa ang inuutusan mo sa harap ng mga kaibigan ko. Kung makasigaw ka pa, e, para kang makalumang nanay!” baling ni Jordan sa kaniyang asawa.

Hindi na sumagot pa si Lizel at binuhat na lamang si Abegail tsaka siya tumayo at pumunta sa kusina upang tanggalin ang isdang nasusunog na.

Advertisement

Bago pa man maging magkasintahan sina Lizel at Jordan ay bisyo na ng lalaki ang pag-inom ng alak at ang pagninigarilyo. Ngunit naniwala si Lizel na mababago niya ang lalaki pagdating ng panahon. Hanggang sa kinasal nga ang dalawa. Tila dininig naman ng Panginoon ang panalangin ng babae dahil tumigil ang kaniyang mister sa paninigarilyo noong nagkaanak sila. Delikado raw kasi para sa bata.

Akala niya ay magtutuloy-tuloy na ito hanggang sa mabitiwan na rin ng lalaki ang alak. Ngunit hindi ito nangyari. Dahil habang lumalaki ang kanilang anak ay mas nalululong ang lalaki sa kaniyang bisyo. Mas lumalamig na rin ang pagsasama ng dalawa sa hindi niya malamang kadahilanan.

“Palagi ka na lang ganiyan. Pag dating sa alak ang galing-galing mo. ‘Pag sa mga kaibigan mo ang bait mo. Pero pag dating sa akin lagi kang galit. Sawa ka na ba sa pagsasama natin?” tanong ng babae at nanginginig ang boses nito.

“Ano na namang drama iyan? Binibigay ko naman lahat ng gusto niyo, ng kailangan niyo. Tapos uminom lang ako magdadrama ka ng ganiyan,” naiinis na sagot ni Jordan sa kaniya tsaka ito umalis at lumabas para ituloy ang kanilang pag-iinuman.

“O, mukhang galit na naman si misis,” asar ni Mario, isa sa mga kainuman ni Jordan

“Ewan ko ba sa mga babae, habang tumatagal ay nakakabuwisit. Tara inom na lang tayo,” sagot ni Jordan sabay hawak sa isang basong may alak at sabay-sabay na nagtawanan ang mga ito.

Rinig na rinig iyon ni Lizel. Napaiyak na lamang siya sa kanilang mesa.

“Mama, bakit?” tanong ni Abegail. “Wala, anak. Ang tatay mo kasi,” sabi ni Lizel sa bata.

Advertisement

Niyakap na lamang siya ng bata at hindi na ito nagsalita pa. Paminsan-minsan ay natatalo si Lizel at ang kaniyang tiwala sa pinapakita ng kaniyang mister. Sumagi na rin sa isipan nito na may ibang babae na ang lalaki kaya nagsasawa na sa kaniya pero ipinipikit na lang niya ang mga mata tsaka mananampalataya ng mataimtim.

Natapos na si Jordan at kaniyang mga kaibigan. Gabi na rin at napagpasyahan niyang silipin ang kaniyang mag-ina. Sakto namang natutulog na si Lizel. Ngunit napatigil siya nang makita ang kaniyang anak na nakaluhod at nagdarasal kaya naman pumasok siya sa kwarto ng bata.

“Anak, nagpi-pray ka ba?” tanong niya rito. “Opo, papa,” sagot sa kaniya ng bata.

“Sobrang lalim ba ng pinagdarasal mo, anak? Kasi umiiyak ka pa, e,” wika niyang muli kay Abegail. “E, kasi mukhang hindi naman ako naririnig ni Papa Jesus. Matagal na akong nagpi-pray sa kaniya,” malungkot na pahayag ng bata.

“E, ano bang pinagpi-pray mo? Gusto mo ba ng bagong laruan? Gusto mo ba ng tuta?” tanong muli ni Jordan. “Pinagpi-pray ko po na sana hindi na kayo inom alak. Kasi sabi ni teacher sa school ‘yung mga inom daw ng alcohol ay mabilis mamat*y. Ibig sabihin malapit ka na mamat*y, papa, kasi always ka nag-drink ng beer,” umiiyak na sabi ni Abegail sa kaniyang ama.

Tila nawala ang kalasingan ni Jordan nang marinig iyon sa sarili niyang anak.

“Tsaka lagi rin po itong dinadasal ni mama. Naririnig ko siyang laging nagpi-pray kay Papa Jesus pero hindi niya kami pinapakinggan. Baka mamat*y ka na talaga, papa!” hagulgol pang muli ni Abegail.

Doon na niyakap ni Jordan ang kaniyang anak at pinatahan ito.

Advertisement

“Anak, bumulong na sa akin si Papa Jesus kagabi. Sabi niya last inom ko na daw ng alcohol ‘yung kanina para magkaroon ako ng long life at para maalagaan kita,” bulong niya sa bata.

“Forever na ba kitang makakasama, papa?” tanong muli ni Abegail.

Tumango lamang si Jordan at niyakap ng mahigpit ang kaniyang nag-iisang anak. Ngayon lamang siya nagising sa katotohanan na kinakain na pala siya ng kaniyang bisyo na pati ang anak niya ay iba na rin ang tingin sa kaniya. Mas naiisip niya ang kaniyang pagod at sakripisyo. Hindi na niya nabibigyan ng oras ang kaniyang anak at ang kaniyang asawa. Ngayon lamang din niya naalala na ang tagal na rin pala noong huli silang lumabas para mamasyal. Mas inuuna kasi niya ang barkada at pag-inom ng alak.

Napangiti at napaluha naman si Lizel nang marinig niya ang kaniyang mag-ama. Gising pala ang babae at laking pasasalamat niya na ginamit ng Diyos ang kanilang anak upang magising si Jordan.

Lumipas ang halos tatlong buwan at hindi na nga muling uminom pa ng alak ang lalaki. Pinanindigan din niya ang kaniyang pangako kay Abegail. Mas umayos at bumalik sa dati ang pagsasama nilang pamilya.

“Alam mo, ma. Marami palang nabubulag sa alak. Pasensya ka na kung nabulag ako at nasaktan kita,” wika ni Jordan kay Lizel.

“Kalimutan na natin iyon, pa. Ang mahalaga ay maayos tayo ngayon. Mahal na mahal ko kayo ni Abegail,” sagot ni Lizel.

“And I love you too!” sigaw ni Abegail tsaka niya niyakap ang dalawa.