Paboritong Anak ng Babae ang Panganay Niya dahil Mas Matalino Ito, Namangha Siya Sa Ginawa ng Kanyang Bunso

Pagbebenta ng isda ang ikinabubuhay ng pamilya ni Aling Rowena, mayroon siyang tatlong anak pero pumanaw ang bunso noong isang taon dahil sa impeksyon sa tyan. Nasundan pa iyon ng isa pang pagsubok nang lumala ang goiter ng kanyang asawang mangingisda, halos hindi na makakilos ang lalaki at wala na ring boses.

Kaya ngayon ay siya na lamang mag-isa ang kumakayod. Nabawasan pa ang kita niya dahil kung dati ay huli ng mister ang kanyang ibinebenta at kanya lahat ng kita, ngayon ay namumuhunan na ang ale dahil binibili niya lang rin sa aplaya ang mga isdang inilalako.

“Elsie, tawagin mo ang Kuya Janjan mo at male-late kamo sa eskwela. Itong kalahating itlog ang sa iyo ha, ibigay mo na sa kanya ang buo,” utos niya sa siyam na taong gulang na si Elsie.

Grade 5 na ito habang ang panganay niya naman ay grade 6 at sampung taong gulang. Tumalima ang bata at mayamaya pa ay kumakain na ang magkapatid.

“Nay, pwede pa ho bang makahingi ng kanin?” sabi ni Elsie.

“Teka muna. Janjan, gusto mo pa bang kumain anak?” tanong ni Aling Rowena.

“Oho eh, gutom pa ako,” kibit balikat na sagot ng batang lalaki.

Dali-daling sumandok si Aling Rowena at ibinigay lahat ng kanin sa panganay. Nakatanaw lang naman si Elsie, gutom pa. Kahit tutong sana ay itinira ng nanay niya, pero nakalaan na pala lahat ng iyon para sa kanyang kuya Janjan.

Advertisement

“Ano ang tinitingnan mo Elsie? Naku anak, hayaan mo na. Tandaan mo, ang kuya Janjan mo ay matalino sa eskwela kaya dapat siya ay busog. Diba? Kuya mo ang pag-asa ng pamilya natin,” sabi ni Aling Rowena at tinapik ang balikat ng batang babae bilang pampalubag loob.

Hindi na naman sumagot si Elsie. Totoo naman ang sinabi ng nanay niya, mas matalino ang kanyang kuya. Palagi nga itong may medal at nananalo sa mga contest. Di tulad niya na parang palamuti lang sa classroom.

Kaya nga siguro mas paborito ito ng kanilang ina, kasi mas may pag-asa rito kaysa sa kanya. Pero hindi naman siya tumitigil mangarap para sa pamilya nila, sa katotohanan nga, gusto niyang bigyan ng magandang buhay ang nanay at tatay niya.

Kaya lang hindi naman iyon nalalaman ng kanyang ina, dahil abala itong makinig sa pangarap ni kuya Janjan.

Isang hapon ay aligaga si Aling Rowena na nag-iikot sa mga kapitbahay para mangutang. Sabi kasi ni Janjan kanina ay may proyekto raw itong kailangang bilhin, kulang pa ang pera niya ng isandaan.

“Ibabalik ko rin ho sa isang Sabado ‘te Betty, salamat ho ah! Nak, kita mo na, sabi sayo didiskartehan ni nanay eh,” masayang sabi ni Aling Rowena habang akay ang panganay pauwi.

Ipinagluto niya pa ito ng meryendang banana cue, syempre dalawa kay Janjan at isa kay Elsie.

Kinaumagahan, maagang umalis ang kanyang panganay dahil magre-review pa raw ito sa classroom kung paano i-present ang project sa unahan.

Advertisement

Ang bunso niya naman ay tulala at parang nangangarap habang kumakain ng almusal.

“Huy, male-late kana. Ay batang ito, ang layu-layo mo sa kuya mo.” pukaw rito ni Aling Rowena. Nang marinig naman siya ay mabilis na kumilos si Elsie at ilang sandali lang ay nakabihis na ito.

“Nanay, pahingi pong baon,” sabi ng bata.

Dinampot ni Aling Rowena ang maliit niyang pitaka at napapitik sa hangin nang may maalala. Ubos nga pala ang pera niya, simot para sa proyekto ni Janjan.

“Nak, nag-project nga pala ang kuya mo. Naubos ang budget ng nanay. Wag ka na munang pumasok ha?” sabi niya sa bata. Tutal naman ay hindi naman rin masyadong mahalaga ang klase nito, hindi naman ito honor sa eskwela.

Isinama niya na lamang si Elsie na maglako ng isda. Habang lumalaki ang dalawang bata ay hindi nagbago ang trato niya sa mga ito.

Si Janjan ay nakapagkolehiyo habang si Elsie naman ay high school lang ang tinapos. Hindi na nag-abala pa si Aling Rowena dahil alam naman niya ang kakayahan ng anak na babae, mahihirapan lang ito sa pressure sa kolehiyo dahil hindi naman ito kasing talino ng kuya niya.

Di nagtagal, proud na proud si Aling Rowena dahil naka-graduate na si Janjan at ipinadala pa ng kumpanyang pinagtatrabahuhan sa Amerika.

Advertisement

“N-Nay, gusto ko rin ho sanang mag-abroad,” lapit ni Elsie sa kanya isang hapon.

Kumunot ang noo ni Aling Rowena, “Ano naman ang gagawin mo doon anak? Hindi ka naman nakapagtapos at edukadong gaya ng kuya mo. Mangangatulong ka?”

“Kahit ano ho Nay, basta makatulong rin ako sa inyo. Ayoko naman hong ganito nalang tayo habangbuhay.”

“O eh kaya nga nariyan ang kuya Janjan mo, diba sabi ko sayo, siya ang pag-asa ng pamilya natin? Wag kana anak, tulungan mo nalang akong magbenta ng isda. Mangmang ka eh, baka kung mapaano ka doon.”

Sukat sa sinabing iyon ni Aling Rowena ay pumutok na lahat ng iniipong sama ng loob ni Elsie. Napaluha ang dalaga at walang imik na lumabas ng bahay.

Makalipas ang limang taon.

Malungkot na isinara ni Aling Rowena ang lumang photo album ng kanilang pamilya. Pumanaw na ang kanyang mister isang taon na ang nakalilipas.

Mag-isa nalang siya sa bahay nila ngayon. Ang akala niyang simpleng paglalayas ni Elsie dahil masama ang loob sa mga sinabi niya ay totohanan pala, hindi na niya nakita ang anak mula noon.

Advertisement

Si Janjan naman, maganda na ang buhay sa Amerika. Pero ni minsan ay hindi siya naalalang padalhan nito. Nang mabalitaan nila ng mister na umuwi ito dalawang taon na ang nakalipas ay nangutang pa sila sa kapitbahay mapuntahan lang ito sa condo sa Maynila.

Pero ikinahiya sila ng binata at pinaharang sa guard, wasak na wasak ang kanyang puso. Noon niya naalala ang kanyang si Elsie. Ang munti niyang si Elsie na hindi man kagalingan sa eskwela ay napakabuting anak naman.

Napalingon siya nang makarinig ng ilang katok sa pintuan.

“S-Sino iyan-”

Hindi niya naituloy ang sasabihin nang makita kung sino ang naroon.

“A-Anak..”

Si Elsie.

Pero ibang-iba na ang suot ng dalaga, halatang mayaman na at may magarang kotse pa! Nangingilid ang luha nito.

Advertisement

“N-Nanay, patawarin mo na ngayon lang ako bumalik. Ayaw kong magpakita hanggang wala pa akong napapatunayan. Nanay, nagawa ko! Maiaahon na kita sa hirap,” yakap nito sa kanya.

Mangha si Aling Rowena dahil sa kabila ng lahat ay hindi pala ito nagtanim ng galit at siya pa rin ang iniisip para magsumikap.

Noong araw na iyon din ay inialis siya ng dalaga sa kanyang barung-barong at inilipat sa malaking bahay. Naging OFW pala ito, nag-katulong sa ibang bansa.

Mabait ang naging amo at napansin na may angking galing ang dalaga sa pagluluto kaya binigyan ng pagkakataon at ipinasok sa isang restaurant na pag-aari nila. Doon ay unti-unting lumago ang kanyang buhay.

“Anak, Elsie, patawarin mo ako kung minaliit kita. Maling mali ako na limitahan ang kakayahan mo, ako nga dapat ang nagpalakas ng loob mo noon,”

Bilang sagot ay niyakap ng dalaga ang ina, “Ito lang naman ang pangarap ko dati pa nanay. Ang mabigyan ka ng maginhawang buhay.”

Laging tandaan na hindi sa galing sa eskwela nasusukat ang kakayahan ng isang tao. Hindi rin iyon hadlang para magtagumpay.