Ayaw Ipahalik ng Dalaga sa Nobyo ang Kanyang Noo, Laking Gulat Nito nang Mabunyag ang Malaki Niyang Lihim

Unang kita pa lang ni Darren sa kaklase niyang si Carmina ay tinamaan na agad siya sa dalaga.

Bagong lipat sa pinapasukang eskwelahan si Carmina na nanggaling pa sa probinsya. Lumuwas ang pamilya ng dalaga sa Maynila para mag-aral ito sa kolehiyo.

Napakaganda kasi ni Carmina. Mayroon itong maputi at makinis na balat, singkit na mga mata at magandang buhok. Natatakpan pa nga ng mahaba nitong bangs ang noo nito na lalong nagpamisteryoso sa dalaga.

Natupad ang hiling ni Darren na mapalapit sa kanyang ultimate crush.

“Hi, Carmina! Balita ko ikaw raw ang napipisil ng mga teacher na ilaban sa gaganaping Mutya ng Campus,” aniya.

“Ha, naku bakit ako? Ayokong sumali sa mga ganyan, e!” tanggi ng dalaga.

“Bakit naman ang ganda-ganda mo at siguradong malakas ang laban mo dun!”

“Mahiyain kasi ako at hindi ako sanay humarap sa maraming tao,” paliwanag pa nito.

Advertisement

Dahil sa taglay na kagandahan ay madalas mapili si Carmina sa mga patimpalak sa kolehiyo na may kinalaman sa pagandahan ngunit palagi itong tumatanggi.

Naging malapit sa isa’t isa ang dalawa mula nang magkatabi sila sa upuan sa klase. Napalapit ang loob ng dalaga sa binata dahil mabait ito at masayang kasama hanggang sa tuluyang manligaw si Darren kay Carmina.

“Ano, Carmina sinasagot mo na ba ako?” tanong ng binata habang nakaluhod sa harapan ng nililigawan.

“E, ano pa nga ba ang magagawa ko, kaysa kulitin mo ako araw-araw. Sige na, oo na. Sinasagot na kita!”

“Talaga, sinasagot mo na ako?” masayang sabi ni Darren na hindi pa makapaniwala sa narinig.

Niyakap ng binata ang dalaga at tinangkang halikan sa noo ngunit bigla siyang itinulak ng dalaga.

“O, teka may problema ba?”

“W-wala. Ayoko lang nagugulo ang bangs ko,” wika ni Carmina.

Advertisement

Hindi pinansin ni Darren ang inasta ng nobya.

Nang sumunod na araw habang namamasyal sila sa mall ay nakakita ng magandang sombrero si Carmina.

“Wow, ang ganda naman! Gusto kong bilhin ‘to!” mangha nitong sabi.

“Gusto mo ba iyan, labs? Magkano ba at bibilhin ko?” ani Darren.

“Totoo ba, bibilhin mo para sa akin?”

“Oo sabi!”

Tuwang-tuwa ang dalaga sa biniling sombrero ni Darren sa kanya. Nang tangkang isusuot na ng binata ang sombrero sa ulo ng nobya…

“Wait, ako na lang ang magsusuot, ha!” sabi ni Carmina.

Advertisement

Nagtaka na naman ang binata sa ikinikilos ng dalaga.

“Ano bang problema at ayaw mong ipagalaw ang buhok mo, labs?” tanong niya rito.

“A, e wala lang. Ayoko lang nagugulo ang buhok ko,” anito.

Muling pinalagpas ng binata ang ginawi ng nobya. Sa isip nito ay baka ganoon lang talaga ang dalaga at ayaw na pinakikialaman ang buhok nito.

Minsan habang nakasakay sila sa jeep ay hinangin ang buhok ni Carmina. Napasigaw ito at dali-daling tinakpan ang noo nang magulo ang bangs nito.

“Labs, easy lang. Gusto mo ipusod ko iyang buhok mo para hindi nahahanginan?” tanong niya sa kasama.

“H-huwag na labs. Ako na lang!”

Napansin niya na habang nag-aayos ng buhok ay todo takip ito sa noo na halatang ayaw ipakita sa iba.

Advertisement

“Ano kaya ang itinatago ng mahal ko?” nag-aalalang bulong ni Darren sa sarili.

Nang ihatid niya ang dalaga sa bahay nito ay tinangka niyang muling halikan ito sa noo.

“Oops, huwag diyan, labs!”

“O, bakit hindi na naman kita puwedeng halikan sa noo mo?”

“A, e hindi maaari. Dito na lang gusto mo?” anito sabay turo sa pisngi.

Masuyong hinalikan ni Darren sa pisngi ang nobya.

“Kita tayo bukas ha?” paalam ng binata.

“Sige, ingat ka, labs!” anito saka pumasok sa loob ng bahay.

Advertisement

Kinagabihan, habang nasa harap ng computer ay may nabasa ang binata sa Facebook. Mayroon daw malubhang sakit sa balat na kumakalat sa mga kababaihan na kalimitan ay nakikita sa mukha.

Nag-alala siya para sa nobya. Naalala nito ang itinatagong kung ano sa noo nito na tinatakpan ng bangs.

“Di kaya dahil may sakit siya sa balat at ang noo niya ang pinuntirya?” sabi ng binata sa sarili.

Kinaumagahan ay niyaya ng binata ang nobya sa derma clinic para magpakonsulta.

“Teka, anong ginagawa natin dito?” takang tanong ng dalaga.

“Huwag mo nang ilihim sa akin labs, alam ko na ang dahilan.”

“Anong sinasabi mo?”

“Huwag mo nang itago, labs. Alam kong may malubha kang sakit sa balat kaya palagi mong tinatakpan ng bangs ang noo mo at ayaw mong nagugulo ang buhok mo!”

Advertisement

“Ano? W-wala akong sakit sa balat!” tanggi ng dalaga.

“Wala, e bakit palagi mong tinatakpan ang noo mo ng buhok at ayaw na ayaw mong hinahalikan kita sa parteng iyan ng iyong mukha?”

“Iyan ba ang pinoproblema mo? Sige na, ipagtatapat ko na sa iyo kung bakit ayaw na ayaw kong hinahalikan mo ako sa noo at palagi ko itong tinatakpan ng bangs. Mayroon akong malaking peklat sa noo kaya gusto kong palaging tinatakpan ng buhok!” bunyag ng dalaga at itinuro sa binata ang peklat sa noo.

“Naaksidente ang sinasakyan naming tricycle noong bata pa ako at malubhang nasugatan ang aking noo. Tinahi ito ng doktor kaya ang naging resulta ay malaking peklat. Nahihiya kasi ako sa iyo kaya ayokong magpahalik sa noo. Hanggang ngayon ay nai-insecure pa rin ako kapag nakikita ng ibang tao ang peklat ko, kaya palagi rin akong tumatanggi kapag iniimbita akong sumali sa mga beauty contest dahil ayokong ma-expose ang peklat ko,” paliwanag pa ni Carmina.

Natawa na lang ang binata sa ipinagtapat ng nobya. Hindi niya akalaing peklat pala ang mayroon sa noo nito at hindi malubhang sakit sa balat.

“Saan mo naman nakuha ang malubhang sakit sa balat na sinasabi mo?” tanong ng nobya.

“Nabasa ko lang sa Facebook. Malubhang sakit sa balat na kumakalat sa mga babae.”

“Naku, fake news iyon! Hindi iyon totoo. Nabalita na iyan sa TV at sinabing walang katotohanan ang sakit sa balat na iyan!” bunyag pa ng kausap.

Advertisement

Napakamot na lang sa ulo si Darren at humingi ng paumanhin sa dalaga.

“Sorry, labs ang akala ko kasi… concern lang naman ako…” aniya.

“Don’t worry, labs. At least maluwag na ang dibdib ko dahil nasabi ko na sa iyo ang totoo. Wala na akong itinatago.”

“Wala akong pakialam kung may peklat ka sa noo, kahit pa tubuan ka pa ng pigsa at kung anu-ano pa sa mukha, basta isa lang ang gusto kong sabihin sa iyo. Mahal kita at tanggap ko ang lahat-lahat sa iyo,” sabi ng lalaki sa nobya sabay halik sa noo nito.

Mula noon ay wala nang inilihim ang dalaga sa binata. Nagkaroon na rin ito ng lakas ng loob at tiwala sa sarili na ipakita ang pinakatatago-tagong peklat.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!