Hoy! Kulang Ang Sukli Mo

Si Bertha ang bagong tindera ni Aling Lety. Pamangkin ito ng isa sa kanyang mga kumare. Galing probinsya si Bertha kaya hindi ito sanay sa buhay Maynila, kaya kahit na may day-off ito ay may pinipili nito na magpahinga na lamang sa tinutuluyan na bahay ng kanyang amo.

Naging mabait na amo naman si Aling Lety kay Bertha. Bukod sa libreng tirahan, libre rin ang pagkain nito sa pang araw-araw, dagdag pa ang bukod na sahod na nakukuha niya tuwing katapusan. Hindi rin naman nahirapan si Aling Lety na turuan ang bagong tindera sa pag-aasikaso sa kanyang tindahan. Magaling kasi ito at masipag. Mula sa pagiging masinop sa tindahan, hanggang sa mabilis na pagkilos nito at pagtitinda, nagustuhan ni Aling Lety ang trabahong ginagawa ni Bertha. ‘Di naglaon, naging kanang kamay niya ito sa tindahan at naging katuwang na rin sa pagpapalago nito.

“Bertha, sa tingin mo, ano pa kaya ang magandang itinda ngayon?” tanong ni Aling Lety.

“May hinahanap po ang nga mamimili na bagong biscuit eh, yung tatlong klase po ang palaman sa loob ng isang balot. Pag naalala ko po ang pangalan, sasabihin ko po agad sa inyo,” wika ni Bertha.

“Sige, para agad natin i-order at nang maibenta,” ani Aling Lety.

Dahil pinagkakatiwalaan siya ni Aling Lety, mas lalong pinag-iigi ni Bertha ang pagta-trabaho. Pero isang sitwasyon lalo ang mas magpapatunay sa katapatan niya.

Isang mabiling araw noon sa tindahan ni Aling Lety. Dahil maraming namimili, ang kahera noon na si Bertha ay napili na rin na magtinda. Isang lalaki noon ang nakatayo sa gilid ng tindahan ang tinanong ni Bertha.

“Kuya, ano po sa inyo?” tanong ni Bertha.

Advertisement

“Isang kahang sigarilyo nga, yung menthol,” sagot ng lalaki.

Agad na kumuha ng isang kaha ng sigarilyo si Bertha at inabot ito sa bumibili. Kasabay naman nito ang pag-abot ng lalaki sa isang libong piso na pera nito bilang bayad. Nagtungo naman noon si Bertha sa lagayan ng benta ay kumuha ng panukli. Isang bente, apat na singkwenta, dalawang isang-daan at isang limang-daan piso ang kinuha nito bilang sukli. Dahil pulido at mabilis magtinda si Bertha, ay mabilis niyang binilang ang sukli sa palad ng lalaking bumili.

Matapos suklian ay agad na itong nagtanong sa susunod na mamimili, ngunit ng aalis na ito para kunin ang binibili ng babae ay tinawag muli siya ng lalaking kanyang sinuklian.

“Neng, kulang yung sinukli mo sa akin. Namalikmata ka ata, bente lang ‘to at hindi limang-daan,” mahinahon na sabi ng lalaki kay Bertha.

Takang-taka naman si Bertha sa sinasabi ng lalaki dahil sigurado ito na tama ang sinukli niya. Nilapitan niya ito at tinignan ang kanyang sukli at laking gulat nito na wala ngang limang-daan piso. Dalawang bente, apat na singkwenta, at dalawang isang daan na lamang ang hawak nito.

Labis na nagtaka si Bertha sa naging sukli ng lalaki, alam ni Bertha ay isang bente lang ang inabot niya at mayroon limang-daan piso sa sinukli nito. Dahil dito ay agad na nagtungo si Bertha sa kanilang kaha upang tignan nang binilang na pera kanina, bilang kahera at kabisado nito ang bilang ng bawat klase ng pera. At kitang-kita niya, wala na ang nag-iisang limang daan na kanyang nabilan nung bago pa ito magtinda sa lalaki. Wala na ang limang daan, ibig sabihin ay talagang naisukli niya ito sa lalaki.

“Kuya, tama po ‘yang sinukli ko sa inyo. Baka nalaglag niyo lang po yung limang-daan o baka nailagay niyo na po sa inyong bulsa,” wika ni Bertha.

Nagpumilit ang lalaki ang lalaki na mali ang sukli ni Bertha, at ngayon ay pinipilit na lang niyang ibalik ang sigarilyong binili pati ang kulang na sukli kapalit ng pagbalik sa isang libong piso niya. Doon, natunugan na ni Bertha na isang modus ang ginagawa ng lalaki.

Advertisement

Naisip nito na marahil ay itinago nito ang limang-daang sukli, at pinalitan ito ng bente pesos. At ngayon ay ibinabalik nito ang binili upang maibalik sa kanya ang isang libong pera kanyang ibinayad, para maitakbo ang limang daan na inipit nito. Walang ebidensiya si Bertha, kaya pinanindigan na lamang niya na kumpleto ang sukli na kanyang binigay dahil ‘yon naman ang totoo.

Hanggang sa nagwawala na ang lalaki sa harap ng tindahan, at nabubulabog na ang mga ibang namimili. Kahit na nanggugulo na ang lalaki ang naging matigas pa rin si Bertha at pinanindigan na tama talaga ang kanyang isinukli.

Maya-maya ay may binatang lalaki na ang nagsalita, napansin pala nito na may limang daan na nakaipit sa talampakan ng tsinelas ng lalaki kaya hindi pa ito umaalis.

“Ayun o, may limang daan na nakaipit sa tsinelas niya,” wika ng binata.

Nagulat naman ang manggagantsong lalaki, at nagtaka itong damputin ang limang daan na nakaipit at tatakbo na sana para tumakas.

Ngunit laking gulat nito nang may isang lalaking ang humawak sa kanyang braso para pigilan ito. Isang barangay tanod pala ang bumibili sa tindahan ni Aling Lety, at nasaksihan nito ang komusyon na naganap dahil sa pangmo-modus na gustong gawin ng lalaki.

Pinigilan ng barangay tankd ang manggagantso na tumakas at tinakot niya itong iposas kung sakaljng ito ay pumiglas. Agad naman niya itong dinala sa barangay at niyaya nito ni Bertha at si Aling Lety na sumama upang makapagfile sila ng blotter sa nasabing manloloko.

Ikinwento ni Bertha ang pangyayari, at tuluyan na nga napa-blotter ang manggagantso. Dahil wala naman nawala at natanggay sa tindahan ni Aling Lety ay hindi na ito sinampahan ng kaso ngunit ipinaskil ang mukha at pangalan nito sa buong barangay upang magsilbing babala sa mga tao at sa mga dumaraan rito sa modus na ginagawa ng lalaki.

Advertisement

Habang pauwi ay laking tuwa naman ni Aling Lety sa ginawa ni Bertha.

“Buti na lang at nandoon ka at ikaw ang nagtinda sa mangloloko na ‘yon. Napansin mo agad ang modus niya at hindi ka bumigay rito. Naging matatag ka at pinnindigan mong maigi na tama ang iyong sinukli, dahil dito na nahirapan ang lalaki na ituloy kanyang balak,” ani Aling Lety.

“Wala po ‘yon, Aling Lety. Ginawa ko lang po ang dapat kong gawin,” sagot ni Bertha.

“Tunay na labis kitang mapagkakatiwalaan, Bertha,” wika pa ni Aling Lety.

Dahil natuwa si Aling Lety sa katapatan na ipinakita ni Bertha, binigyan niya ito ng munting gantimpala. Nang dumating ang day-off nito, ay niyaya ni Aling Lety na pumasyal sila ni Bertha. At dahil ngayon lang makakapasyal sa Maynila, ay sabik na sabik siyang gumayak. Ipinasyal siya ni Aling Lety sa Luneta at sa Manila Ocean Park. Masayang namasyal ang mag-amo, at dahil dito ay mas naging malapit ang loob nila sa isa’t isa.