Ang Batang Iniwan sa Labas ng Bahay Ko

Posturang-postura na noon si Robin. Handang-handa na para sa nalalapit na date nila ng nililigawan niyang si Belle. Suot na niya ang kabibili lang na bagong polo at pants. Nakapaglinis na rin siya ng bahay at nakatapos na sa pagluluto. Dito na lang kasi nila naisipang ganapin ang dinner date nila, tutal ay magaling namang magluto ang binata.

Nagbubunyi ang kalooban ni Robin. Kagabi kasi ay tinawagan siya ni Belle at sinabing may sorpresa raw ito ngayong dinner date nila. Malakas ang kutob ng binata na sasagutin na siya ng babae. Base sa mga kilos nito, alam niyang nahulog na rin ang loob nito sa kaniya.

Isang mahinhing dalaga si Belle. Napakabait nito at napakaganda. Mga bagay na gustong-gusto niya.

Maya-maya paʼy biglang tumunog ang doorbell ng kaniyang condo unit. Napasulyap tuloy si Robin sa kaniyang relo.

“Ang aga pa, ah, bakit nandiyan na siya?” takang tanong niya sa kaniyang sarili pero kalaunaʼy napangiti rin. “Baka na-excite!” panghuhula niya.

Ngunit ʼdi ʼtulad ng kaniyang inaasahan ay hindi si Belle ang siyang tumambad sa kaniya sa pagbukas niya ng pintuan, kundi isang nakangiting sanggol!

Nakalagay ito sa isang basket at nababalutan ng mga tela. Sa tantiya niyaʼy may isa hanggang dalawang buwan pa lang ito. Nagdalawang isip pa ang nagugulantang na binata kung pupulutin niya ba ang bata o hindi. Luminga-linga pa siya sa paligid, ngunit wala naman siyang ibang taong namataan. Siguro, nakaalis na ʼyong nag-iwan ng sanggol.

Wala na siyang nagawa pa kundi ang buhatin ang bata. Humihikbi na kasi ito at mukhang malapit nang umiyak. Nasa ganoon siyang akto nang abutan siya ng dalagang si Belle. Pareho silang nagkagulatan.

Advertisement

“S-sino ang batang ʼyan, Robin?” tanong ng dalaga. Papalit-palit ang tingin nito sa kaniya at sa bata.

“Hindi ko rin alam. Bigla na lang may nag-doorbell dito, ʼtapos pagbukas ko, may baby na rito sa labas ng unit ko.” natataranta si Robin.

Niyukod ni Belle ang basket na pinaglagyan sa bata at iniangat nito mula roon ang isang papel.

Isang papel na nagsasaad na anak daw ni Robin ang bata!

“Ano?! Papaano kong magiging anak ito, e, ni hindi pa nga ako nagkaka-girlfriend?!” halos mabaliw na tanong ni Robin sa kausap.

Hindi naman maipinta ang mukha ng dalagang si Belle. “Pumunta ako rito, para sana sagutin ka sa panliligaw mo, Robin. Pero hindi ko inaasahang ganito ang aabutan ko. Ayusin mo muna itong problema mo at saka na tayo mag-usap,” galit pang sabi nito bago siya tinalikuran.

Natampal ni Robin ang sariling noo gamit ang kanang kamay. Habang ang kabila ay nananatiling karga ang bata.

Habang tinititigan ang sanggol ay tila ba nakaramdam ng kapayapaan sa loob si Robin. Magaan ang loob niya rito. Ngunit papaano niya nga bang magiging anak ito, gayong hanggang sa oras na ito ay nananatili pa rin siyang—virgin?

Advertisement

Lumipas ang ilang linggo at nanatili sa pangangalaga ni Robin ang batang lalaking tinatawag niya ngayong Baby Ron-Ron, sunod sa kaniyang pangalan. Mahirap man ay tila nagugustuhan naman kasi niya ang pag-aalaga rito. Siguroʼy dahil na rin sa matagal na rin niyang pinapangarap na magkaroon ng sariling pamilya. Sa katunayan ay stable na rin naman ang kaniyang financial status at maganda rin ang takbo ng kaniyang negosyo.

Ilang araw na niyang ipinauuwi na lang sa sekretarya ang kaniyang mga trabaho. Wala kasing magbabantay sa bata. Ito rin ang katu-katulong niya sa pag-aalaga ng sanggol kayaʼt minsan ay hindi na rin nakakauwi ang sekretarya niyang si Samantha at dito na rin natutulog sa kaniyang bahay. Kataka-taka namang hindi na rin niya naaalala si Belle. Kung hindi pa nga siya nito dinalaw ay baka tuluyan na niyang nakalimutan ang tungkol sa dalaga.

“Anoʼng balita? Ipina-DNA test mo na ba ang bata?” tanong nito sa kaniya na agad naman niyang tinanguan.

“Actually, bago ka dumating, bibihisan ko na sana si Baby Ron-Ron para maisama ko sa pagkuha ng result,” sagot ni Robin.

“Naku, traffic ngayon. Ano kaya kung ako na muna ang magbabantay kay Baby Ron-Ron at kunin mo na nang mag-isa iyong result para hindi hassle?” suhestiyon naman ng dalaga.

Gusto sanang magprotesta ni Robin, kaya lang ay baka naman magtampo ito. Kayaʼt labag man sa loob ay umalis si Robin at iniwan sa babae ang bata.

Habang nasa biyahe ay napakaraming bagay ang tumatakbo sa utak ni Robin.

Bakit wala na siyang excitement na naramdaman nang makita niyang muli si Belle kanina?

Advertisement

Ano ang gagawin niya kung sakaling makuha na niya ang result na sigurado naman siyang negative ang kalalabasan? Bago pa kasi niya ipa-DNA test ang bata ay nalaman na niyang si Ruben, na siyang babaerong kapitbahay niya noon sa condo, ang siyang tunay na ama ni Baby Ron-Ron. Napagkamalan lang siya, dahil sa pagkakatunog ng kanilang mga pangalan. Ipina-DNA test niya lang naman ang bata dahil umaasa siyang baka mag-positive na kaniya ngang anak ito. Pero alam niyang sarili niya lang ang kaniyang niloloko.

Ang mga iyon ay nasagot nang siyaʼy muling makauwi na.

Nasa pintuan pa lang ng kaniyang condo unit si Robin ay dinig na ang malakas na palahaw ni Baby Ron-Ron. Nagmadali niyang tinungo ang kaniyang kwarto matapos niyang masuyod ang salas at hindi matagpuan doon ang bata at si Belle.

Ngunit ganoon na lang ang galit niya nang makita niyang inginungudngod ni Belle ang feeding bottle sa bibig ni Baby Ron-Ron!

“Ikaw na bata ka, ikaw ang hadlang sa amin ni Robin, e. Bakit kasi dumating ka?!” galit na sabi nito sa bata.

Nalukot ni Robin ang hawak na papel bago siya napasigaw. “Bitiwan mo ang anak ko!”

Laking gulat naman ng babae sa pagsigaw niyang iyon at tinangka pang magsinungaling.

“R-Robin, kasi, umiiyak si Baby kaya pinadedede ko lang—”

Advertisement

“Shut up!” napamura pa si Robin kahit hindi naman niya talaga iyon gawain. “Alam mo kung bakit dumating ang batang iyan sa buhay ko? Iyon ay para iligtas ako sa babaeng katulad mo! Hindi ang kagaya mo ang gusto kong maging ina ng mga anak ko, kaya pakiusap lang, habang may natitira pa akong paggalang sa iyo, lumayas ka na rito at huwag ka nang babalik!” galit na galit na sigaw niya.

Nayakap ni Robin si Baby Ron-Ron, matapos makaalis ni Belle sa bahay niya. Wala pa ring tigil sa pagpalahaw ang bata kahit kinarga na niya. Para bang sinaktan ito nang husto ng babaeng iyon!

Sa sobrang pagkataranta ay tinawagan na ni Robin si Samantha na nagmadali namang tumalima dahil din sa pag-aalala kay Baby Ron-Ron.

Nang makarating itoʼy agad nitong kinarga ang bata na himala namang tumahan agad nang malanghap ang amoy ni Samantha.

Mahimbing na ang tulog ng mga ito nang mapagmasdan ni Robin ang dalawa. Natutuwa siya sa kaisipang sa kama niya nakahiga ang dalawang taong naging mahalaga na sa kaniya sa loob lamang ng kaunting panahong silaʼy magkakasama.

Si Ron-Ron na bigla na lang dumating upang sagipin siya mula sa pagkakatali sa isang babaeng nagtatago pala sa pagbabalatkayo, at si Samantha na buong pusong tinulungan siya sa lahat ng kailangan niyang gawin upang mapabuti si Ron-ron. Sa pagkakataong iyon ay nasiguro niya sa sarili na ito ang babaeng gusto niyang makasama. Ito ang babaeng hinihintay niya. Kayaʼt kasabay ng legal na pag-aampon niya kay Baby Ron-Ron ay ang opisyal na panliligaw naman niya sa kaniyang sekretarya.

Ngayon ay sigurado na si Robin na ito na ang totoong plano ng tadhana.