Malapit ang Loob ng Retired na Sundalo sa Bagong Kapitbahay na Binatilyo, Maiiyak Siya Pag Nalaman ang Pagkatao Nito

Maingat na pinunasan ni Mang Manolo ang mga medalya bago muling isinabit ang mga iyon sa dingding. Malungkot siyang napangiti, tapos ay dahan-dahang umupo sa kanyang silyang tumba-tumba na nakatapat sa bintana ng lumang bahay. Tanaw niya ang bakuran, ang sarap talagang tumambay rito lalo kapag dapit-hapon.

Isinawsaw niya sa kape ang mamong tustado, nang mapasulyap siya sa gilid ng mesa ay lumambot ang kanyang ekspresyon. Naroon kasi ang larawan ng nag-iisang babaeng minahal niya, si Josefina.

Bente tres anyos lamang ito sa larawan, kuha noong 1962. Iniabot sa kanya ng dalaga ang litrato bago siya sumabak sa misyon, isa kasi siyang sundalo. Hinawakan niya pa ang kamay ni Josefina at ipinangakong pakakasalan ito pagbalik niya.

Pero hindi na niya natupad ang pangakong iyon, grabe ang pinsalang tinamo niya sa laban at halos isang buwan siyang walang malay. Nang balikan niya ang dalaga ay wala na ito, Diyos ko po, hindi naman tulad ng modernong mundo ngayon ang panahon noon.

Wala siyang ibang pinanghawakan kung hindi ang address ng tiya nito sa Tondo na nang puntahan niya ay wala na rin. Piping umasa ang puso niya, ni hindi na nga siya nakapangasawa. Napakarami ng karangalang natamo niya pero walang saysay ang mga iyon dahil di na naman niya kapiling si Josefina.

“Irog ko, sana’y maganda at masaya ang naging buhay mo,” pinahid niya ang luhang pumatak sa lumang litrato.

Naputol ang pagbabalik tanaw ng matanda nang mapansin ang isang binatilyong susukot sukot na sumisilip sa gate niya.

Nang makita nitong nakatingin siya ay sumakay ito sa bisikleta at akmang aalis na.

Advertisement

“Toy, ano iyon?” tanong niya. Tantya niya ay labing pitong taong gulang na ito, maputi at singkit ang mga mata.

Nahihiyang napakamot ito sa ulo, ah, kasama ito sa pamilyang bagong lipat noong isang araw. Natatandaan niyang napansin niyang may nagbubuhat ng gamit sa bahay na hindi kalayuan ng sa kanya.

“H-Hihingi lang ho sana ng bulaklak ng gumamela. Kahit dalawang piraso lang. A-ang gaganda ho kasi eh,” sabi nito.

Napakunot ang noo ni Mang Manolo, pinakaiingatan niya ang mga gumamela at hindi ipinapipitas sa mga kapitbahay. Pero ewan ba niya, may kakaiba sa batang ito.

“Sige. Pasok kana, hirap na akong bumaba eh. Pero dalawa lang ha?” paniniguro niya.

“Talaga po? Thank you po lolo!” masayang sabi nito at nagmamadaling kumuha ng mga gumamela. Natatawang napailing si Mang Manolo, parang kailan lang. Ganoong edad rin siya nang una niyang makilala si Josefina.

Siguro ay may nililigawan na ito, pag-ibig nga naman.

Mula noon ay araw-araw nang humihingi ng mga bulaklak ang binatilyo, na ang pangalan ay Li. Napalapit na ang loob ni Mang Manolo rito dahil mabait ang binatilyo, sabay na rin silang nagmemeryenda tuwing hapon. Kadalasan ay dinadalhan siya nito ng banana cue.

Advertisement

Sa katauhan ni Li ay para na ring nakakita ng kapamilya ang matandang nangungulila sa pagmamahal.

“Pwede po ba kayong pumunta sa bahay namin sa Sabado? Ikinukwento ko po kayo lagi sa mama at papa ko.” anyaya ni Li isang hapon.

“Toto, nakikita mo ba ang tuhod ng lolo Manolo? Ni hindi ako makababa ng hagdan,” natatawang tanggi ng matanda.

“Susunduin ko po kayo, aakayin tapos mag-tricycle tayo kahit malapit para hindi kayo mahirapan. Sige na po, wala naman akong ibang ka-close kundi kayo. Parang pamilya na rin po tayo, kaysa mag-isa kayo rito diba? Mahalaga po kasi ang araw na iyon sa akin eh,” sabi ni Li, napangiti pa.

“Bakit, birthday mo ba?” usisa ni Mang Manolo.

“Naku hindi po. Birthday po kasi ni Zumu. Lo, kailangan ko ng maraming gumamela ha?” nakangiting sabi nito.

Napailing naman si Mang Manolo habang natatawa. Naku, ang Zumung iyon siguro ang nililigawan ng binatilyo. Mukhang tinamaan talaga ito dahil ipinaghanda pa ang dalagita.

“Oo na, at pupunta na rin ako. Baka ma-torpe ka eh! Basta aakayin mo ang lolo ha?” akbay ng matanda sa binatilyo.

Advertisement

Mabilis lumipas ang mga araw, at sumapit na ang Sabado. Nag-ayos mabuti si Mang Manolo, nilagyan ng pomada ang buhok at isinuot ang pinakamaganda niyang polo. Aba, eh ngayon nalang siya ulit makikidayo sa mga kapitbahay, mas mabuti nang presentable siya.

Ilang sandali pa ay dumating na si Li, matapos pumitas ng mga gumamela ay inakay na siya nito at isinakay sa tricycle.

“Masaya si Zumu sa mga gumamela, pag araw-araw ko siyang binibigyan ay ang laki ng ngiti niya.” sabi ni Li. Inayos pa ang pagkakahawak sa mga bulaklak habang nakasakay sila sa tricycle.

“Nakakatuwa kayo. May mga babae pa palang mahilig sa mga gumamela ano? Ang alam ko kasing uso ngayon, iyong mga mamahaling bouquet.”

“Oo naman po. Simpleng babae lang si Zumu, kaya mahal na mahal ko po siya. Kapag nalulungkot siya at natutulala, binibigyan ko lang ng gumamela.” sabi ni Li.

Doon nag-umpisang naintriga si Mang Manolo. Bakit naman malulungkot at matutulala ang isang disi-siyete anyos na dalagita? Siguro nga ay kakaiba si Zumu, para ma-inlove ng todo si Li.

Nakarating na sila sa bahay, sa gate palang ay biglang tumibok nang malakas ang puso ni Mang Manolo.

“Halika, ipapakilala po kita kay Zumu,” sabi ni Li. Dahan-dahan siyang inakay ng binatilyo, buti nalang ay nasa baba lang ang pupuntahan nila dahil mahihirapan siyang umakyat sa hagdan.

Advertisement

Papalapit sila sa nakasiwang na pinto nang marinig ang boses na nagsasalita.

“Nagkukwento na naman pala si Zumu. Paulit-ulit ang kwento ng buhay niya, pero hindi naman po nakakasawang pakinggan.” papasok na sana si Li pero pinigilan ito ni Mang Manolo.

“Hijo, patapusin muna natin siya ng kwento. Baka mailang sa akin kung papasok tayo agad,” sabi niya. Medyo nakakunot ang noo niya, dahil hindi naman boses ng dalagita ang naririnig kundi boses ng isang matanda.

“Hinintay ko siya pero hindi na siya nakabalik. Sobra ang pag-aalala sa puso ko dahil baka kung napaano na siya sa laban. Pinanghawakan ko ang pangako niya, pinalayas ako ng tiya Ading nang malaman na nagdadalantao ako.

Kung anu-anong trabahong pinasok ko mabuhay lamang kita, Maria. Kung nabubuhay man ang tatay mo, sana ay malusog siya. Masaya, at sana ay malaman niyang hindi ako napagod maghintay..” sabi ng matandang babae.

“Li, h-hindi mo nobya si Zumu?” sabi ni Mang Manolo.

Nanlaki ang mata ng binatilyo, “Ho?! Naku hindi ho! Wala pa ho sa isip ko ang nobya. Lola ko po siya, kaya po Zumu ang tawag ko dahil ang ibig sabihin noon sa wikang chinese ay lola. Intsik ho kasi ang daddy ko, habang pinay naman ang mommy,” sabi ni Li.

Nanginginig na binuksan ni Mang Manolo ang pintuan. Napalingon sa kanya ang mga nag-uusap, gayon rin ang matandang babaeng nakaupo sa kama. Na kahit pa umedad na ay hindi pa rin kumukupas ang ganda..

Advertisement

Si Josefina.

Bakit nga ba hindi naisip ni Mang Manolo, na mahilig sa gumamela ang minamahal? Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit siya nagtanim ng mga iyon? Na labis pang iniingatan dahil ang mga bulaklak ang nagpapaalala sa kanya sa babae.

Walang salitang mamutawi sa bibig ng dalawa. Tingin pa lang ay agad nilang nakilala ang isa’t isa. Kahit na hirap ay nagmadaling maglakad si Mang Manolo palapit sa matandang babae, na sinalubong naman siya ng yakap.

“Alam kong babalik ka,” nakangiting sabi ni Josefina habang tumutulo ang mga luha.

“Hinanap kita mahal.Hinanap kita,” paulit-ulit na sabi naman ni Mang Manolo.

Nahuli man ng kaunti, hindi naman kumupas ang pag-iibigan ng dalawa. Noong Linggo ring iyon ay nagpakasal ang dalawang matanda. Sobrang saya ni Mang Manolo dahil nabigyan siya ng pagkakataon na makasama ang pamilya.

Kaya pala ganoon kalapit ang loob niya kay Li ay dahil tunay niya itong apo.

Sabi nga nila, kung ang dalawang puso ay itinadhanang magkasama, paglayuin man ng milya-milya at mahabang panahon matatagpuan pa rin nila ang isa’t isa.