Napalo ng Sikyo ang Anak Matapos Nitong Sulatan ang Dingding na Pinaghirapan Niyang Pinturahan, Nakakaiyak Pala ang Isinulat Nito

Araw ng Linggo kaya’t nagpasya ang security guard na si Boyet na pinturahan ang loob ng kanilang bahay. Kahit paano nama’y nakabawi na rin siya ng tulog noong nakaraang linggo. Napakabuting ama at asawa ni Boyet. Palagi itong tumatanggi sa mga paanyaya ng katrabahong uminom at mambabae.

Gayunpaman, sadyang hirap na hirap siyang pagkasyahin ang oras dahil nilulubos niya ang pagkakataong mag-over time upang makabayad sa hinuhulugang bahay.

“Papa, laro tayo tagu-taguan.” Paanyaya ng inosenteng si Junior sa ama.

“Pasensiya na, ‘nak. Pagod na pagod ako. Si Mama na lang muna ang yayain mo.” Sagot ni Boyet.

Nais pa sanang magpumilit ng bata ngunit mukhang mainit na ang ulo ng kaniyang Papa. Kabisado na ni Junior ang ugali nito.

Naisip na lamang nitong mag-laro ng titser-titseran nang mag-isa. Ginawa niyang blackboard ang bagong pinturang dingding sa pag-aakala na mabubura niya naman ang mga nakasulat dito kapag tapos na siyang maglaro.

Takot na takot si Junior nang hindi na niya mabura ang mga isinulat sa dingding. Gayunpaman ay nagpasya siyang humingi ng tulong sa kaniyang ama ngunit huli na ang lahat. Bago pa man siya makalapit dito’y nakita na nito ang mga isinulat niya.

“JUNIOR! Hanep kang bata ka! Halos maputol itong braso ko mapaspasan lang ang pagpipintura nitong buong bahay tapos ay susulatan mo lang ang pader! Dapa! Dumapa ka! Bilis!” Galit na galit na saad nito habang hinuhubad ang suot na sinturon.

Advertisement

“Papa, sorry!” Mababakas sa mukha ng batang si Junior ang matinding takot. Humahagulhol na ito sapagkat alam niyang aaringkingking na naman siya sa hapdi ng hataw ng ama sa kaniyang puwet.

“Boyet, huwag naman. Maawa ka sa bata. Lahat naman ng bata ay nakakagawa ng ganyan. Inosente pa iyang anak mo.” Pakiusap ng asawang si Heidi.

“Kaya nagkakaganyan iyang batang yan dahil iniispoiled mo! Huwag kang makialam dito!” Sagot ni Boyet sa misis.

Wala naman na itong nagawa upang pigilan ang mister.

Tatlong hataw ng sinturon sa puwet ang tinamo ni Junior. Halos magliliyad ito sa hapdi.

Nakatulog na ito kakaiyak, pinunasan naman ni Heidi ang magkahalong luha at sipon ng anak habang hinihimas ang ulo ng pobreng bata.

Maya-maya’y nagtimplang muli ng pintura si Boyet upang tapalan ang isinulat ng anak.

Natigilan siya nang akmang papasadahan na ng brotsa ang bahaging sinulatan ng anak.

Advertisement

“Papa, I love you. I miss you. Thank you sa pagpapaganda ng bahay. Idol kita. Nagmamahal, Boyet Junior.”

Ang inis at galit ni Boyet ay napalitan ng pagka-konsensiya. Hindi niya namamalayang umaagos na pala ang kaniyang mga luha.

“Boyet, ayos ka lang? Mukhang pagod na pagod ka na. Ako na ang bahala diyan tutal ay maliit na bahagi na lamang iyan. Kaya ko na iyan.” Sambit ni Heidi.

Agad namang niyakap ni Boyet ang butihing asawa at itinuro ang sinulat ng anak.

“Sabi ko naman sa iyo, mahal. Kaya lamang ganyan si Junior natin ay nangungulila siya sa iyo. Kaya lamang ay palagi mo siyang napapagalitan dahil sa pagpapapansin niya.” Sabay hagod ni Heidi sa lumuluha pa ring asawa.

Nang magising si Junior ay agad naman itong niyakap ng kaniyang mama at papa.

“Nak, pasensiya ka na kay Papa, ha? Pasensya ka na din at hindi tayo mayaman. Kung marami lang sana akong pera ay hindi mag-iinit ang ulo ko kakaisip sa mga gastusin at magkakaroon ako ng maraming oras para sa iyo, anak ko. Mahal na mahal kita at proud na proud ako sa iyo.”

“Papa, para sa akin po napakayaman natin kasi ikaw at si mama ang yaman ko. Pahinga ka na po, pa.” Hinihimas pa ng inosenteng bata ang ulo ng ama habang sinasabi ang mga katagang iyon.

Advertisement

“Bihis na anak. Kakain tayo sa labas at pagkatapos noon ay bibilhan kita ng bisikleta para tuwing umaga at hapon ay makakapaglaro tayo sa labas.” Wika ni Boyet.

“Yes!!! Napakasaya ko!” Agad namang nagtungo sa silid si Junior at agad isinuot ang pinakamaganda niyang polo shirt at sapatos.

Tawang-tawa ang mag-asawa sa inasta ng mapagmahal na anak.

Mula noon ay natuto na si Boyet na maglaan ng panahon sa kaisa-isa niyang anak.