Akala ng Dalaga ay Uubra ang Katarayan Niya sa Madrasta, ang Hindi Niya Alam ay mas Matapang pa Pala Ito sa Kanya

Lumaki si Kayla sa pangangalaga ng ama. Nag-iisang anak lamang siya, kaya lahat ng atensyon at pagmamahal ng ama ay nasa kanya lamang. Pitong taon siya nang mawala ang ina dahil sa sakit sa puso, kaya tanging ama lamang niya ang mayroon siya hanggang sa mag-dalaga.

Isang araw ay umuwi ang ama na may kasamang babae, na hindi naman nalalayo sa edad ng lalaki.

“Dad!” sigaw ng dalaga, “’di mo sinabing uuwi ka ngayon?” sabik na sabik na pagbati niya sa ama.

Agad naman siyang niyakap ng ama at hinalikan sa noo. Abot tenga ang ngiti ng dalaga, hanggang sa napansin niya ang babaeng kasama ng ama.

“Sino siya, dad?” tanong ni Kayla.

“Kayla, baby, this is your Tita Gina, my girlfriend, and soon-to-be wife,” nakangiting ipinakilala ng lalaki ang kasamang babae.

“Ano? Papalitan mo na ang mommy ko?” ang mga ngiting kaninang nasa labi niya ay unti-unting nawala, at ang isang kilay ay unti-unting tumaas.

“Hindi, anak. Hindi ko naman papalitan ang mommy mo, pero gusto ko din naman tumanda ng may kasama. Hindi naman ibig sabihin nun eh pinagpalit ko na ang mommy mo,” pagpapaliwanag ng ama.

Advertisement

“Hi Kayla, ‘wag kang mag-alala dahil mabait naman ako. Aalagaan kita at ang daddy mo,” nakangiting saad ni Gina.

“So, sa tingin mo may pakialam ako? Hindi ko kailangan ng mag-aalaga sa’kin, at hindi rin naman kailangan ng daddy ko ng isa pang katulong, enough na ang mga yaya namin dito,” pagtataray ng dalaga.

“Kayla, hindi na tama ‘yan! Irespeto mo naman ako at ang Tita Gina mo!” pagsuway ng ama.

“Ako pa yung masama ngayon? Eh ikaw nga ‘tong ipinagpalit ang mommy ko. I hate you Daddy!” sigaw ng dalaga at saka tumakbo pataas sa kanyang kwarto.

Galit na galit ang dalaga, ngunit hindi naman din siya masisisi, takot lamang siyang mawala ang atensyon ng ama, at lalong-lalo na ang pagmamahal nito. Ilang saglit pa ay kumatok ang kasambahay nila at iniabot ang isang kahon.

“Ano ‘to?” tanong ng babae.

“Regalo daw po sa inyo ni Ma’am Gina,” sagot naman ng kasambahay.

Binuksan ng dalaga ang kahon at nakita ang isang mamahaling bag na kulay lila.

Advertisement

“Yak! Yaya, pakisabi sa chipipay na nobya ng daddy ko, na hindi ako mahilig sa purple. Kadiri at napakamumurahin ng panlasa niya sa bag!” at saka inihagis ng dalaga ang bag.

Habang kumakain ng hapunan ay sobrang tahimik ng hapag-kainan. Wala kahit sino sa kanila ang nagsasalita, hanggang sa basagin ng ama ang katahimikan.

“Lalabas ako ng bansa sa makalawa, at napagpasyahan ko na iwanan muna dito ang Tita Gina mo. Para naman maging komportable at malapit kayo sa isa’t isa,” wika ng ama.

“Seryoso ka ba d’yan, dad?”

“Oo, dalawang linggo ako doon, at sa pagbalik ko, umaasa akong magiging maayos kayo, para sa nalalapit na kasal namin,” tugon ng lalaki.

Ibinagsak ng dalaga ang kutsara’t tinidor na hawak na ikinagulat naman ng dalawa.

“Wala na akong gana, excuse me!” tumayo siya at umalis.

“Kayla, bumalik ka dito!” sigaw ng ama, ngunit nagmaktol na ang dalaga at hindi na bumalik pa.

Advertisement

“Hayaan mo na muna, mahirap lang siguro sa kanya na tanggapin ang mga naging desisyon mo,” malumanay na saad ni Gina.

Makalipas ang dalawang araw ay umalis nga ang ama ni Kayla, ngunit hindi niya kinausap ang ama nung nagpapaalam na ito sa kanya. Sa ngayon ang iniisip niya ay kung paano papahirapan ang nobya ng ama.

Bumaba si Kayla sa kusina upang kumain ng tanghalian, labis niyang ikinatuwa na makitang nakahain ang paborito niyang putahe, ang kare-kare.

“Ang sarap ng luto mo, yaya! Sarap ng timpla mo ngayon,” papuri niya sa ulam na kinakain.

“Eto yung bagoong, para mas sumarap yang kare-kare,” inilapag ni Gina ang malinamnam na bagoong sa tabi ni Kayla, ngunit tinabig niya ito ang tumapon sa damit ni Gina.

“Hindi ko kailangan ng bagoong, masarap na yung timpla ng kare-kare, kaya kahit wala niyan, ayos lang,” muling pagtataray ng dalaga.

“Ay Ma’am Kayla, si Ma’am Gina po ang nagluto ng ulam na kinakain niyo,” saad ng kasambahay.

Bigla naman naibuga ni Kayla ang kanin at ulam na nginunguya.

Advertisement

“Kaya naman pala lasang panis, siya ang nagluto. Ayoko na kumain!”

Gustong-gusto pa sana niyang kumain, ngunit kailangan niyang ipakita na namumuhi siya sa babae. Kaya kailangan niyang tiisin ang paglalaway sa paboritong ulam.

Habang nag-iisa sa kwarto ay may kumatok sa kanyang pintuan, si Gina. Nakangiti itong pumasok at umupo sa tabi niya.

“Kayla, alam ko naman na hindi mo ako gusto, pero baka pwede mong bigyan ako ng pagkakataon?” malumanay na pakiusap ng babae.

“Hindi ka namin kailangan ng daddy ko, kaya umalis ka na lang!”

“Alam mo Kayla, mabait akong tao, pero ayoko ng binabastos ako,” naging seryoso na ang tono ni Gina.

“So ano? Aawayin mo ako?” nagtaas ng kilay ang dalaga saka ngumiti.

“Mataray ka, pero matapang ako, kaya wag mo akong subukan,” bakas sa mukha ng babae ngayon ang pagkapikon.

Advertisement

Ngumiti lamang si Kayla at muling itinaas ang kilay. Lumabas naman din si Gina matapos ang maikling usapan.

Kinabukasan ay nagising si Kayla at napasigaw nang makita na may nakapatong na pang-bomba ng inidoro sa kanyang kama. Galit na galit siyang bumaba at itinanong kung sino ang naglagay nito sa tabi niya.

“Ay sorry, akala ko kasi kubeta yung kwarto, ang babaho kasi ng salitang lumalabas sa bibig mo,” wika ni Gina.

“Tingin mo nakakatuwa ‘to?” nanlalaki ang kanyang mata at pulang-pula na ang mukha, “gusto mong malaman kung nasaan ang kubeta? Kung itusok ko kaya ‘to sa ngala-ngala mo?” at saka niya ibinato ang pangbomba sa babae.

“Alam ko kung nasaan ang kubeta,” ngumiti ito at pinulot ang pangbomba, “eto ohh!” at saka niya ito idinikit sa nguso ng dalaga.

Napasigaw ang dalaga at saka tumakbo sa banyo upang maghilamos at magsipilyo. Akala niya ay mataray na siya, ngunit mas mataray pala ang nobya ng kanyang ama.

Habang naghihilamos ay nakita niya ang sipilyo ni Gina, napangiti siya dahil alam niya kung paano siya gaganti. Ikiniskis niya ito sa mga panabi ng inidoro at saka ibinalik sa lagayan.

“Mahilig ka sa kubeta ha? Tikman mo ngayon ang inidoro,” natatawang sabi ni Kayla sa sarili.

Advertisement

Halos araw-araw ay nagbabangayan sila, kung anu-anong kalokohan ang ginagawa para lang makaganti sa isa’t isa. Nandyan yung pinalitan ng asin ang asukal, tinaktakan ng pinulbong sili ang salawal na bagong laba, at pinalitan ng salik ang tawas na ginagamit ng babae sa kili-kili.

Tanghali noon sa isang mall, nagkasalubong ang dalawa sa seksyon ng mga bag. Nakita nila ang isang kulay pula na bag na sobrang ganda, nagkatinginan ang dalawa at nagkarera papunta doon.

“Akin ‘to!” sigaw ni Kayla.

“Hindi, akin ‘to!” pagmamatigas ni Gina, habang itinutulak ang dalaga.

“Ay naku mga ma’am, may ibang stocks pa naman po tayo,” pag-awat sa kanila ng sales lady.

“Wag na! Ibigay mo na sa kanya yan. Tutal pula naman yan, kulay pang-kabit talaga,” malakas na sabi ng dalaga, “ito na lang itim ang kukunin ko,” pagmamayabang pa nito.

“Tama lang ‘yang itim sayo, parang kulay lang ng budhi mo,” sagot naman ni Gina.

Natawa ng sobrang ang tiga-benta sa pagbabangayan ng dalawa. Palabas na sila noon, at nag uunahan papunta sa paradahan ng sasakyan. Nagmamadaling maglakad si Kayla nang marinig niya ang malakas na busina galing sa likuran.

Advertisement

Isang humaharurot na sasakyan ang babangga sana sa kanya, ngunit bigla siyang hinila ni Gina. Kaya’t si Gina ang tinamaan imbes na ang dalaga. Kitang-kita ng mga tao kung paano tumalsik ang babae.

“Oh my God!” yan na lamang ang tanging nasabi ni Kayla.

Agad na dinala sa ospital si Gina dahil sa malalang mga sugat na tinamo nito. Swerte niya dahil wala namang nabali na buto sa kanya. Dinala siya sa pribadong kwarto, at doon pinagpahinga matapos gamutin.

“Sa wakas, nagising ka rin,” pagbungad ni Kayla sa babae.

“Bakit ka nandito?” mahinang tanong ni Gina.

“Eh ano pa nga ba, edi iniintay na gumising ka, syempre,” tugon ng dalaga, “masamang damo ka talaga, tignan mo buhay ka pa,” pabirong sabi nito.

“Sayang, masaya ka sana kung natuluyan ako.”

“Buti na nga lang at hindi, dahil mawawalan ng bwisit sa buhay ko,” natatawang saad naman ng dalaga, “pero salamat. Salamat at sinagip mo ang buhay ako,” at saka siya ngumiti.

Advertisement

“Ginawa ko lang kung ano yung tama.”

“Pasensya ka na sa mga ginawa ko ha? Siguro natakot lang talaga ako na mawala ang daddy ko sa akin. Pero nung iniligtas mo ang buhay ko? Doon ko napagtanto na mabait ka naman pala talaga.” wika ni Kayla.

“Sana mapatawad mo ako sa lahat ng nagawa kong pagkakamali sa’yo. Ngayon, alam kong tatanda ang daddy ko na masaya nang dahil sayo,” pagpapatuloy ng dalaga habang pumapatak na ang mga luha.

“May mga nagawa din naman akong pagkakamali sa’yo, pero lahat ‘yon ay pinagsisihan ko na. Sana buksan mo ang puso mo para sa akin. Alam ko na hindi ko mapapantayan ang mommy mo, at mas lalong hindi ko siya papalitan sa buhay mo. Gusto ko lang naman ng isang pagkakataon para iparamdam na nandito lamang ako na handang ibahagi yung pagmamahal na meron ako sa inyong mag-ama,” nakangiting sabi ng babae.

“Salamat, mommy,” ngumiti si Kayla at lumapit sa babae, hinalikan niya ito sa noo at niyakap.

“Ang sarap naman pakinggan ng ‘mommy’,” naluha siya habang yumayakap sa dalaga.

Nag tuloy-tuloy naman ang pag galing ni Gina. Nang dahil sa aksidente ay naging malapit na ang dalawa sa isa’t-isa. May mga pagkakataon na nagtatarayan ang dalawa, ngunit biro na lang ang mga ito sa kanila. Hindi rin naman nakalimot si Kayla sa kanyang tunay na ina dahil si Gina pa ang madalas nangunguna upang ipagdasal ang namayapang kaluluwa nito.

Nang tuluyan nang gumaling ay pinakasalan naman agad ang babae ng ama ni Kayla. Masayang-masaya si Kayla noong araw na iyon. Binuksan niya ang kanyang puso para sa babae, at hindi naman siya nagkamali na ginawa ito, dahil sinuklian lahat ni Gina ng pagmamahal ang dalaga.