Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Kotse na Naging Bato Pa - Inday Trending

Kotse na Naging Bato Pa

Sa edad na 29 anyos ay natupad na ni Troy ang pangako niya sa sarili na makapag-ipon ng kalahating milyong piso.

Hindi lamang sipag at tiyaga ang naging puhunan ng lalaki kundi ang kaniyang buong pamilya, oras, masasarap na pagkain, regalo para sa sarili at ilang mga utang na ngayon ay bayad na rin niya sa wakas.

Call center agent at nagbebenta rin ng mga condo unit ang binata, maging ang mga ilang pampaputi ay pinasok na rin niya bilang negosyo para sa kaniyang parangap na makaipon.

“Anak, ngayong bang nakapag-ipon ka na ay mag-aaral ka na ulit?” tanong ni Aling Yanna, ang nanay ng binata.

“Naku ma, sa panahon ngayon ay hindi naman na uso ng mga college graduate para kumita ng malaki. Yung ibang mayayaman nga sa bansa natin ay mga walang tinapos kaya baka hindi na lang ako mag-aral ng kolehiyo. Isa pa, kapag nag-aral ak pa ako ay babalik na naman tayo sa isang kahig, isang tuka ang tanda-tanda ko na para doon,” baling ni Troy habang hawak ang kaniyang telepono.

“Gusto niyo po ba iyon?” dagdag pa ng lalaki.

“Alam mo anak, hindi ko naman minamaliit ang mga taong walang tinapos pero iba pa rin kasi anak kapag may pinag-aralan. Hindi mo masasabi ang panahon saka isa pa yun lang ang tanging maipapamana ko sayo sa hirap ng buhay ngayon,” sagot naman ni Aling Yanna.

“Ma, may kalahating milyon na ako sa bangko. Kaya hindi na tayo mahirap at hindi na tayo maghihirap pa kahit na wala akong tinapos o ano pa man,” baling naman ni Troy sa kaniyang nanay.

“Ano naman balak mong gawin dyan sa pera ngayon?” tanong ng ale.

“Bibili ako ng sasakyan,” sagot ni Troy.

Bata pa lang siya ay pangarap na ng binata ang makapagmaneho ng sarili niyang kotse. Sa panahon din daw ngayon ay madali na kumuha ng sasakyan, ito talaga ang mas inisip ng binata kaya nagtrabaho siya kaagad kesa sa mag-aral. Hindi nakapagtapos ng hayskul ang binata dahil hindi naman daw siya makakapag-ipon sa pagpasok sa eskwela kaya pinagpaliban na lang muna iyon.

Maagang pumanaw ang ama ng binata ng dahil sa sakit sa baga at binuhay naman siya ng kaniyang nanay sa pamamagitan ng pagtitinda ng kakanin sa palengke.

Kinaumagahan ay nagpasa ng aplikasyon si Troy sa iba’t-ibang tindahan ng sasakyan, halos nilibot na nga niya ang lahat ng mga nagbebenta dito sa Maynila para lamang magkakotse, kaya nga lang ay bigo ang binata.

“Anak, hindi mo naman kailangan bumili ng sasakyan agad diyan sa ipon mo. Pwede naman tayo magnegosyo muna para pangdagdag kita na rin, lumipat ka na rin ng trabaho para magkaroon ka ng normal na buhay,” wika ni Aling Yanna.

“Ma, pwede ba. Kotse ang pinagtrabahuhan ko kaya kotse ang bibilhin ko,” baling ni Troy sa kaniyang ina.

Kahit na wala siya ideya sa mga bentahan ng gamit na sasakyan ay pinatos na lang rin ni Troy sa kagustuhan nitong magkaroon ng kotse.

“Boss, sa akin na lahat ng ito ha? Itong kontrata lang ba talaga ang kailangan ko?” tanong ni Troy sa lalaki.

“Oo naman Troy, saka madami na akong nabentahan ng sasakyan kaya tiwala ka sa akin,” wika ni Eric, nagbenta ng second hand na sasakyan na nakilala niya sa facebook.

Masayang masaya ang binata nang maiuwi niya ang sasakyan, kahit estudyante lang ang kaniyang lisensya ay lakas loob niya itong minaneho.

Pinarada niya ito sa kanilang lugar at bumaba na may yabang sa dibdib. Binati at hinangaan agad siya ng marami at tuwang-tuwa naman si Troy dito.

“Anak, sigurado ka ba diyan sa nabili mong sasakyan? Wala ka bang sabit sa mga second hand na ganyan?” tanong ni Aling Yanna.

“Ma, alam ko ang pinapasok ko, saka kahit na gamit na yan ay matibay pa at umaandar. Pag pumunta ka sa labas ngayon ay paniguradong babatiin ka na ng lahat dahil may kotse na ang anak niyo,” masayang pahayag ng binata.

Hindi nagsalita ang ale at nagpatuloy na lang ito sa budbod ng mani sa bico na ititinda niya mamaya.

Agad namang umalis si Troy at balak niyang pumunta sa mga kaibigan. Hindi pa man din siya nakakalayo ay agad siyang nasita ng pulis dahil sa maling linya ng pagliko.

“Shit naman, bwena mano pa ako ngayon,” bulong ng binata. Agad siyang nagsingit ng isang libong piso sa kaniyang lisensya bago ibinaba ang bintana.

“Boss, pasensya na po kayo. Bago lang ho kasi itong sasakyan ko at bago lang din ako sa pagmamaneho kaya nagkamali. Baka naman po pwedeng palagpasin natin,” saad ni Troy dito.

“Ah ganun ba? Bago lang ho ba ito? Nabili niyo ba ito boss saan?” tanong ng pulis.

“Sa mga buy and sell na sasakyan boss,” sagot naman ni Troy.

“Boss, baka pwede po muna kayong bumaba. May ipapaliwanag lang sana kami sayo,” sabi ng pulis.

Kinakabahan si Troy ngunit bumaba pa rin ang binata kahit hindi niya alam kung bakit. “Nakita niya ba ako kanina na nagsingit ng pera?” isip-isip ng binata.

“Boss, yung kotse niyo po kasi ay galing sa carnap. Isa po ito sa mga kotseng hinahanap ng pulisya, sakto namang hindi pa napapalitan ang ibang detalye kaya mabilis namin nakilala. Kung gusto niyo po ay sumama kayo sa presinto para ikwento sa amin kung paano napunta sa inyo ito,” paliwanag ng pulis.

Doon biglang nanlambot ang tuhod ng binata dahil ang halos sampung taon niyang pinangarap ay hindi man lang naka isang araw sa kaniyang palad. Mabilis na nakuha ng totoong may-ari ang kotse dahil kulang naman ang papeles na hawak ni Troy upang maipaglaban ang kaniyang karapatan. Mas masakit pa ngayon dahil hindi na mahanap ang kinaroroonan ng taong si Eric, ang perang inipon niya ay naglaho lang sa ere.

“Ma, bakit ganun? Ang tagal kong pinaghirapan iyon pero bakit bigla na lang nawala?” umiiyak na tanong ni binata sa kaniyang nanay.

“Kapag kasi anak hindi nakalaan para sa atin ang isang bagay, kahit na ipilit pa natin pero hindi kalooban ng Diyos ay talagang mawawala. Kaya hayaan mo na, maibabalik pa rin naman sayo ang pera kapag nakita na si Eric, ngayon ay pag-isipan mong mabuti kung ano ang gagawin sa natitira mo pang pera,” sagot sa kaniya ni Aling Yanna.

Doon lamang niya napansin na matanda na pala ang kaniyang ina, sobrang tigas din ng mga palad nito kakaluto na rin siguro ng mga kakanin. Inilibot din niya ang kaniyang paningin sa kanilang bahay at doon napagtantong masyado siyang nabulag sa kagustuhan niyang magkakasasakyan at nakalimutan na niya ang mga pinangako dati sa kaniyang nanay.

Ngayon ay nagtayo ng maliit na negosyo ang binata at pinatigil na rin sa pagtitinda sa palengke ang kaniyang ina. Unti-unti siyang namili ng gamit sa kanilang bahay at nilabas ang kaniyang ina sa unang pagkakataon.

“Ma, sorry ha. Nabulag ako sa pera hindi na kita naalala pa,” sabi ni Troy sa kaniyang nanay at niyakap lamang siya nito saka sila sabay na pumasok sa sinehan.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.