Sinunod ng Babae ang Utos ng Nobyo na Huwag Itong Ipakilala sa Kanyang Pamilya, Labis ang Kanyang Pagsisisi Nang Malaman ang Mabigat na Dahilan

“Babe? Sure ka bang ayaw mo pa rin magpakilala sa parents ko? Kasal na kasi ni ate next week. Gusto ko sana ikaw ang escort ko,” tanong ni Cindy sa nobyo niyang si Norbert.

“Next time na, babe. May tamang oras para diyan. Makakahintay ka naman, hindi ba?” sagot nito sa nobya. Mag-iisang taon na silang magkarelasyon ngunit ayaw niyang magpakilala sa magulang ng dalaga. Bilin niya kay Cindy na gawin munang lihim ang kanilang relasyon.

At dahil mahal na mahal ni Cindy ang nobyo, agad siyang pumayag sa kagustuhan nito.

Nagkakilala ang dalawa noong huling taon sa kolehiyo ng dalaga. Papasok na ng eskwela ang dalaga upang kuhanin ang huling exam niya, ngunit bigla na lamang tumirik sa kalagitnaan ng isang highway ang sasakyan niya. Sinubukan nitong tawagan ang mga magulang niya ngunit hindi sila sumasagot. Pati na rin ang kanilang family driver ay hindi niya makontak. Halos maiyak na ang dalaga dahil kapag hindi siya umabot sa exam ay ibabagsak siya ng kaniyang teacher.

Doon niya unang nasilayan ang binatang si Norbert. Sa lahat ng dumaan, siya lamang ang huminto upang tulungan si Cindy. Ilang buwan matapos noon ay opisyal nang magnobyo’t nobya ang dalawa.

Galing sa isang mayaman at kilalang pamilya si Cindy. May-ari ng isang malaking kumpanya ang kanyang ama, at isa namang doktora ang kanyang ina. Gayunpaman, lumaking mabait at mapagkumbaba ang dalaga.

Isang araw, lumabas ang magkasintahan upang mag-date. Napansin naman ni Cindy na panay ang tanong nito sa detalye ng buhay ng kanyang pamilya.

“Babe, saan nga natutulog ang papa mo? E ang mama mo? Madalas ba silang mag-away? Ano naman ang pinag-aawayan nila? Ang ate mo, saan niya nakilala ang mapapangasawa niya?” sunod-sunod na tanong ng binata.

Advertisement

“Ha? Ano ka ba, babe? Ang dami mo namang tanong. E kung magpakilala ka na, edi malalaman mo na.” pabirong sabi ni Cindy.

“Ano nga?!” biglang napasigaw si Norbert. Nagulat naman si Cindy dahil hindi siya sanay na ganoon ang pinakikita ng nobyo na ugali.

Sinagot niya ang mga katanungan ng binata. Matapos ay bigla siyang niyakap nito.

“Sorry, babe. Gusto ko lang naman malaman. Para alam ko na kapag nakilala na ako. Malapit na ‘yon. Kaunting hintay na lamang. ” nakangiting sabi ni Norbert habang yakap ng mahigpit ang paiyak nang si Cindy.

Ilang araw ang lumipas at kasal na nga ng kapatid ni Cindy na si Edna. Labis itong pinaghandaan ng lahat dahil parehong mayaman at prominente ang dalawang pamilyang pag-iisahan ng seremonyang ito.

“Wow, ate! Ang ganda mo. Bagay na bagay sa’yo,” nakangiting sabi ni Cindy sa kapatid habang tumutulo ang luha. Masayang-masaya siya para sa kanyang ate.

“Thank you! Nako, ikaw kailan ka ba magkaka-boyfriend?” tanong nito sa kapatid.

“Ate..Sa totoo lang, meron na nga e. Uy! Wag mong sasabihin kina Daddy ha! Baka magalit si Norbert,” pagmamakaawa ni Cindy.

Advertisement

“Talaga?! Norbert? Sino ‘yon? Saka bakit magagalit?” nagtatakang tanong ni Edna.

“Nako, kumukunot na agad ang noo! ‘Wag na nga nating pag-usapan. Nasi-stress ka oh! Bawal ‘yan,” sabay yakap ni Cindy sa kanyang ate.

Nagtuloy na ang kasalan sa gilid ng karagatan. Napakaraming bisita ang dumalo upang makisaya sa malaking selebrasyong ito. Nang biglang tumunog ang cellphone ni Cindy.

“Babe, kamusta diyan? Picture ka naman ng venue. Marami ha. Para lang alam ko kung nasaan ang mahal ko,” text ni Norbert sa kasintahan. Napangiti naman si Cindy dahil tila nami-miss na siya nito.

“Ayan, natanggap mo? Ang ganda ‘no? Kailan kaya yung sa atin? Hehe” pabirong reply ng dalaga kay Norbert. Ngunit hindi na ito nagreply sa kanya.

Nagsimula na ang seremonya. Dahan-dahang naglalakad si Edna papunta sa kanyang pakakasalan habang may hawak na napakagandang bouquet ng pulang rosas. Naging emosyonal naman ang mapapangasawa nito nang masilayan ang kanyang magiging misis.

Ngunit bago pa man makarating ng altar, nagulat ang lahat nang makarinig ng isang napakalakas na putok. Matapos nito, ang puting-puting damit ni Edna ay nagsimula nang mamula nang dahil sa dugong umaagos mula sa kanyang balikat. Agad itong niyakap ng kanyang nobyo ngunit wala itong magawa. Nag-panic ang mga tao nang makita ang nangyari sa kaawa-awang babae. Habang si Cindy naman ay nakatulala na lamang at tila nanigas na sa kanyang kinatatayuan.

“Anak! Anak ko, o Diyos ko!” sigaw ng umiiyak na inang si Rowena habang papalapit sa kanyang anak. Dahil isa itong doktor, agad niyang napigilan ang labis na pagdurugo. Tumawag na ang kanilang mga tauhan ng ambulansya upang maisugod na ito sa pinakamalapit na ospital.

Advertisement

“Hanapin niyo kung sino ang hayop na gumawa nito sa anak ko! Bilis. Bilisan ninyo!” utos ng galit na galit na amang si Darwin sa kanyang mga tauhan.

Makalipas ang dalawang oras, nang mahimasmasan ay sinubukan nang tawagan ni Cindy ang nobyong si Norbert upang magbalita. Ngunit nagtataka siya dahil hindi ito sumasagot. Maya maya pa ay dumating na ang mga tauhan ng kanyang ama kasama ang ilang pulis.

Gulat na gulat si Cindy nang makita ang nobyong si Norbert na naka-posas na ata bitbit bitbit ng pulisya.

“Boss! Eto ho. May nakakita ho sa mga tao natin na siya ang bumaril kay Ma’am Edna. Nakita na rin ho ang baril na ginamit niya. Kompirmado,” pagbabalita ng isa sa mga tauhan ni Darwin.

“HA?! ANO BANG SINASABI NINYO? BOYFRIEND KO SIYA! NAGKAKAMALI KAYO!” galit na galit na sambit ni Cindy. Nakita niyang ang mukha ng nobyo na puno na ng galos mula sa pananakit ng mga tauhan ng ama.

“Boyfriend? Anong boyfriend?!” sigaw ng amang si Darwin.

“Tama na, Cindy! Dalhin niyo na ang lalaking ‘yan sa presinto. Doon na ‘yan magpaliwanag!” dagdag pa nito.

Wala nang nagawa si Cindy dahil limang pulis na ang kumaladkad sa kaniyang nobyo. Tinatawag niya ito ngunit hindi ito lumilingon sa kanya.

Advertisement

“Norbert! Norbert! Babe!”

Naiwan ang mag-ama. Napagdesisyunan nilang sumunod munang ospital bago pag-usapan ang tungkol sa sinasabi ni Cindy na nobyo niya.

Nang dumating ang mag-ama, naabutan nila ang nobyo ni Edna at si Rowena na umiiyak habang naghihintay sa labas ng operating room. Wala pa raw balita dahil hindi pa tapos tanggalin ang bala na tumagos sa balikat ng dalaga.

Ikinuwento ni Darwin sa kanyang misis ang nangyari at kung sino ang gumawa. Nang ipakita ni Darwin ang larawan ng lalaki, nangilabot si Rowena.

“Si Norbert?! Si Norbert…” nanginginig sa galit ang inang si Rowena.

“Mommy! Boyfriend ko nga po siya! Baka nagkakamali po ang mga pulis!” paliwanag ni Cindy sa ina.

Nanlaki ang mata ni Rowena sa narinig.

“Anong boyfriend?! ‘Yang lalaki na ‘yan?! Bakit mo hindi pinakilala sa amin? MASAMANG TAON ‘YAN! Nanligaw siya noon sa ate mo, ngunit nang hindi sinagot ay nagbanta nang saktan ang ate mo!”

Advertisement

Nalaman niya mula sa ina na si Norbert pala ang dating manliligaw ng kanyang ate na nabalitang nagpatiwakal na raw matapos hindi sagutin ng kanyang kapatid. Bata pa siya noon kaya naman hindi niya pa alam ang mga pangyayari.

Nasa kainitan ng rebelasyon ang mag-iina nang biglang lumabas ang doktor.

“Nasa maayos na pong kalagayan si Edna. Natanggal na ang bala na muntik nang tumagos sa puso niya.”

Masayang-masaya ang buong pamilya. Ngunit labis pa rin ang pagkagulo sa utak ni Cindy sa pagkatao ng kanyang nobyo. Kaya naman napagdesisyunan nilang mag-ina na pumunta sa presinto. Naiwan naman sa ospital ang ama nito upang magbantay sa kaniyang kapatid.

Nang makarating, nakiusap si Cindy na kausapin ng personal ang nobyo.

“Norbert? Paano mo iyon nagawa sa ate ko? At sa akin?Ano ako sa iyo?!”

“Tama na. Huwag kang magsalita.”

“Ha?! Ano? Magpaliwanag ka! Ikaw ba ‘yon? Totoo ba ang mga sinabi nilang lahat sa akin?!”

Advertisement

“Tama na sabi! Oo, t*ng *na! Totoo! Mahal na mahal ko pa rin ang ate mo. At kung hindi siya mapapa-sa akin, mabuti pang mawala na lamang siya! At oo, ginamit lang kita para makakalap ng impormasyon sa pamilya mo!”

Nang marinig ng mga pulis na labis na ang pagsigaw ng lalaki ay agad na nilang pinaghiwalay ang dalawa. Iyak nang iyak ang hindi makapaniwalang si Cindy. Nagsayang siya ng isang taon sa isang binatang niloloko lamang pala siya upang makapaghiganti. Agad naman siyang niyakap ng kanyang ina upang maibsan ang sakit na nararamdaman.

Mabuti na lamang at nakaligtas si Edna sa pamamaril na nangyari. At makalipas ang ilang buwan ay naituloy na ang naudlot na kasalan.

Sa tulong ng kanyang buong pamilya, tuluyan ding nakalimot si Cindy sa pighati at panlolokong naranasan sa lalaking si Norbert. Habang ang binata naman ay napatawan ng panghabambuhay na pagkakakulong.

Natutunan ni Cindy na kailanma’y hindi dapat nagtatago ng sikreto mula sa kaniyang mga magulang. At dapat na kilalanin munang maigi ang isang lalaki bago ito gawing nobyo.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.