Naglayas ang Misis Dahil sa Labis na Pangingialam ng Kaniyang Biyenan, Kailan Kaya Matatauhan ang Mister na Mama’s Boy?

Magmula ng ikasal ang magkasintahang si Anna at Berto, kasama pa rin sa bahay ang mga magulang at kapatid ng lalaki. Hindi pa magawang bumukod ng lalaki dahil ayaw daw nitong mawalay sa ina dahil sa takot na magkasakit at tuluyang manghina ito. Noong una’y intindi naman ni Anna ang dahilan ng asawa, ngunit nang makaranas ng labis na pangingialam ng biyenang si Teresita ay tila napuno na ang mapagpasensiyang misis.

“Berto! ‘Yong nanay mo, saksakan ng pakialamera. Nagluto ako ng sinigang dahil gusto ng anak mo e maasim ang sinigang na baboy, ang ginawa binanlian ng tubig dahil saksakan daw ng asim. Ayaw tuloy kumain ng anak mo!” Reklamo ng inis na inis nang si Anna.

“Ano ka ba? Simpleng bagay, balak mo pang palakihin? Baka naman kasi hindi makain ni mama dahil nga sa sobrang asim!” Sagot naman ni Berto, na halatang kampi na naman sa kaniyang ina.

Humagulgol na ang punong-punong si Anna. Magmula nang magpakasal sila, labis na ang pangingialam ng kaniyang biyenan sa lahat ng bagay.

“Diyos ko naman! Simpleng bagay, iiyakan mo? Intindihin mo si Mama Teresita. Matanda na!” Wika ni Berto.

Umalis ng bahay si Berto sa pagka-inis sa reklamo ng asawa. Ngayon na nga lang nagreklamo ang kaniyang misis, ngunit hindi man lang niya aluin ito.

Nang makapagpalipas ng init ng ulo ay umuwi na si Berto. Nadatnan niya ang kaniyang asawa na nag-eempake na ng kaniyang mga gamit. Pati damit ng kanilang anak ay isinisilid nito sa maleta.

Nanonood lamang sa malayo ang kaniyang ina at mga kapatid.

Advertisement

“Bakit, Anna? Saan mo dadalin ang anak ko?” Tanong ni Berto sa asawa.

“Aalis na kami. Hindi ko na kaya. Pagod na pagod na akong makisama sa inyo. Lahat ng kilos ko, bantay sarado. Tapos sa tuwing may gagawin ako, parating mali! Lahat mali!” Paliwanag ng umiiyak na si Anna.

“Hayaan mo siya! Babalik din ‘yan.” Pagsabad ng ina ni Berto.

“Huwag kayong umalis. Saan kayo pupunta niyan? Nasa probinsya pa ang nanay at tatay mo ah?” Wika ni Berto.

Hindi niya na napigilan ang asawa. Umalis ito at nagpasundo sa isang taxi drayber. Hindi niya alam kung saan papunta nag mag-ina. Naniwala naman siya sa sinabi ng ina na babalik din iyon kapag nakapagpalamig na ng ulo.

“Tingnan mo! Ang ugali niyan. Siya pa ang nagmamagaling. Tinuruan mo lang naman. Siyempre, mas matagal na akong ina kaysa sa kanya. Masabihan mo lang, galit na?” Litanya ni Aling Teresita sa kanyang anak na si Berto.

“Tama na nga, ma! Umalis na nga e. Ano pang gusto mo?” Hindi na nakapapigil si Berto. Walang tigil sa pagsasalita ang kaniyang ina magmula ng umalis ang kaniyang mag-ina.

“Sumasagot ka? Bastos kang bata ka ah!” Saad ng matanda.

Advertisement

Hindi na nagsalita si Berto at dumiretso sa kaniyang kwarto. Agad niyang na-miss ang asawa at limang taong anak.

Ilang araw na ang lumipas at hindi pa rin bumabalik ang kaniyang mag-ina. Pinagtatanong-tanong din niya sa mga kaibigan kung nasaan ang dalawa, ngunit lahat sila’y walang kaalam-alam kung nasaan ang mga ito. Labis nang nag-aalala si Berto.

“Hayaan mo! Masyadong mapagmataas ang asawa mo. Akala mo naman kung sinong magaling!” Wika ni Teresita sa anak nang makitang umiiyak ito dahil sa pangungulila sa kanyang mag-ina.

“Ma naman! Para kang hindi nawalan ng manugang at apo ah? Ni hindi ko alam kung nasaan sila, tapos ganiyan ka pa kung magsalita?!” Sagot ni Berto sa ina.

“Ano?! Ako pa ngayon ang kaaway mo?!” Napatayo sa galit ang matanda.

“Hindi! Pero napagisip-isip ko nga. Labis ka na kung makialam! Ni hindi mo hayaang magkaroon ng sariling diskarte ang asawa ko e.” Inis na sagot ni Berto sa kaniyang ina. Agad itong tumayo sa kinauupuan at mabilis na lumabas ng bahay.

Desidido na siyang hanapin ang mag-ina niya. Kinakain na siya ng konsensiya sa mga kapabayaang nagawa sa asawa. Kutob niya ay nasa probinsya na ang kaniyang mag-ina kaya agad niya itong pinuntahan upang sunduin.

“Mahal! Please, umuwi na tayo. Please!” Pagmamakaawa ni Berto sa asawa nang makita itong masayang kumakain ng hapunan kasama ang anak nila at mga magulang ni Anna.

Advertisement

“Maawa ka sa anak ko. Sinabi ko naman sa’yo, hindi uubra ‘yang pinagsama mo ang asawa mo at nanay mo sa iisang bahay. Talagang kahit anong bait ng tao, e lalabas at lalabas ang kulo ng mga ‘yan kapag nagsama sa bahay. Kung hindi mo kayang humiwalay sa nanay mo, lubayan mo muna ang anak ko!” Wika ng galit na galit na ama ni Anna.

Lumuhod si Berto sa harap ng buong pamilya. Desidido na siya sa kaniyang mga sasabihin.

“Hihiwalay na po kami ng tahanan. Ako na po ang kakausap sa mama ko. Naiintindihan ko na po ang lahat, pati na rin ang mga hinaing ni Anna. Hindi ko po kayang ipagpalit sa kahit saan ang aking mag-ina. Maawa kayo, mamamatay na ako sa pangungulila sa mag-ina ko. Nagsisisi na ho ako!” Humahagulgol na pagmamakaawa ni Berto.

Nang marinig ang mga litanya ng kanyang mister, agad nilapitan ni Anna ang kaniyang asawa.

“Tumayo ka na d’yan. Mahal na mahal kita. Iyan lang naman ang gusto kong marinig sa iyo, na kaya mo nang mawalay sa nanay mo. Hindi naman kita pagbabawalan na dumalaw sa inay mo, o kaya dumalaw siya sa atin. Ang gusto ko lang, maranasan kung paano maging ina na walang labis na nangingialam.” Saad ng umiiyak na si Anna.

Nagyakapan ang tatlo. Labis nang naiintindihan ni Berto ang lahat. Kaagad inayos ni Berto ang bahay na kanilang lilipatan, at nakipag-ayos naman si Anna sa kanyang biyenan.

Makalipas ang ilang linggo, nakapagbukod na ang kanilang pamilya. Paminsan-minsan ay dumadalaw si Aling Teresita upang makita ang kaniyang apo, anak at manugang. Naging maayos na ang samahan ng lahat at natutunan nilang intindihin ang pagkakaiba-iba ng ugali ng isa’t-isa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.