Pinta Kong Sumasagip sa Inyo

Maraming mga talentadong tao ang makikita mo sa ating bansa; may mga taong kumakanta na hanggang langit umaabot ang kanilang boses, may mga taong kung sumayaw ay pang-ibang mundo ang mga galaw. Sa isang munting barrio sa Metro Manila ay matatagpuan ang isang talentado ngunit hindi sikat na pintor na si Ruel.

“Ruel, anak, pakitulungan mo naman ako dito,” tinatawag ng ina ang kanyang anak.

“Ano po ‘yan ma?”

“Magluluto ako ng adobong baboy, kailangan ko ng maghihiwa ng patatas.”

“Saglit lang po ma, tapusin ko lang gawa ko.”

“Hay nako, bumaba ka na dito! Kapag nagsimula ka na diyan, hindi ka na natatapos.” biglang sigaw ng ina na napababa ang anak nang wala sa oras.

“Ito na, ito na ma!”

Lumaking may angking talento sa sining at paglikha si Ruel. Noong maliit pa lamang siya, hilig niyang kunin ang mga gamit na papel na bag ng pandesal at basain ito upang ihubog na parang luwad. Madalas din siyang gumuguhit ng mga litrato ng kanyang pamilya at mga kapatid. Sa lahat ng aspeto ng sining, pagpinta ang kanyang nakahiligan nang husto. Ilang araw niyang pinag-ipunan unang kagamitan niya sa pagpinta. Laking tuwa niya sa una niyang nabili, isang paleta at anim na kulay ng watercolor na pintura. Daliri niya ang una niyang mga pinsel.

Advertisement

Hindi ka-angatan ang estado ng buhay ni Ruel. Lima silang magkakapatid na naninirahan sa isang masikip na bahay. Tapos siyang mag-aral sa kolehiyo ngunit tatlo sa mga kapatid niya’y nag-aaral pa rin. Kaya pinasya niyang kumuha ng aralin sa pagtuturo upang makapagturo ng sining sa eskwelahan upang matustusan ang matrikula ng kanyang mga kapatid.

“Kuya, papasok ka na?” tanong ni Randy, bunsong kapatid ni Ruel.

“Oo, sasakay na ako sa traysikel. Bakit, anong gusto mo Dy?”

“Kung pwede lang kuya, patulong sa drowing mamaya…”

“Sige Dy, mamaya pag-uwi ko, basta ipa-alala mo sa akin ha?” at umalis na ang pangalawa sa limang anak.

Maraming pangarap si Ruel sa kanyang buhay. Isa na roon ay ang malagay ang pangalan niya sa mga diaryo bilang isang sikat na pintor. Gusto niyang bigyang karangalan ang sarili at ang kanyang pamilya. Ngunit, iisa lang ang nagbibigay sa kanya ng lakas upang magpinta, ang kanyang mga kapatid. Nais niyang mairaos sa kahirapan ang kanyng pamilya, lalo na ang mga pinakamamahal niyang kapatid. Kaya doble-doble madalas ang kanyang trabaho para may pangkain ang pamilya araw-araw.

Sumikat na ang araw, at ngayon lang nakauwi ang padre de pamilya. Galit na galit ang kanyang asawa marahil hindi nila alam kung saan-saan nagpupupunta ang asawa.

“Mario, saan ka na naman nagpunta? Saan ka natulog? Ha? Gusto mo nang sumakabilang-bahay?” masidhing galit ang nararamdaman ng ina ni Ruel sa kanyang asawa.

Advertisement

“May inasikaso lang ako na utang, anong pingsasabi mong sumakabilang-bahay?”

“Gaano ba katagal iyang pag-aasikaso mo at umuuwi ka na ng umaga? Hindi mo ba naiisip na nag-aalala kami dito?”

“Ginagawa ko ito para sa pamilya natin! Alam mo namang baon tayo sa utang at lugmok tayo sa kahirapan.”

“Ah sinasabi mong makatarungan ang ginagawang paglisan kung saan man iyon at babalik ka na lang kung kailan mo gusto nang walang paliwanag?”

“Ano ba! Ito na nga akong nagkakayod upang may pera tayong panggastos tapos sisigawan mo pa ako? Ako na nga itong pagod, ikaw pa magagalit?”

Oo, magagalit ako Mario! Kung nagkakayod ka, sabihin mo man lang sa akin, hindi ‘yung kusa kang nawawala at naiisip ko kung kainong makating babae ka na sumasama!”

Sa puntong ito ay nasampal ni Mario ang asawa. Nag-iiyakan na ang mga magkakapatid, at sinubukang pakalmahin ni Renalyn, ang panganay sa magkakapatid, ang ama at ina. Dumiretso na lang sa sala ang ama marahil marami nang nakatingin sa kanila. Pinapasok ni Renalyn ang ina sa loob ng bahay, habang pinipigilan nitong umiyak dahil sa ginawa ng asawa.

Pagka-uwi ni Ruel ay umabot sa kanya ang balita ng alitan ng kanyang mga magulang. Hindi mapinta sa kanyang mukha kung anong gagawin niya. Pinasya niyang magkulong na lang sa kwarto at magpinta. Matagal nang problema ang alitan ng mag-asawa. Kaya itong si Ruel ay nagkukulong nalang para makalimot at hindi makita ang mapait na katotohanan ng buhay nila.

Advertisement

“Kuya…” kumakatok sa pintuan si Randy.

“…Dy, bakit?”

“‘Yung drowing ko po…” halata ang lungkot ng bunso marahil sa nangyari pa rin kanina.

“Ah, halika, pasok ka. Gawin na natin ‘yan. Ano ba ang pinapadrowing sa inyo?”

“Pamilya ko po.”

“Pamilya…kasama tayong lahat?”

“Opo…”

“.Sige, gagawin ni kuya lahat ng makakaya niya. Pagmasdan mo rin kung paano ako gumuhit, baka may talento ka rin dito Dy ha?” maligayang sinabi ng kuya sa kapatid. Tumungo si Randy at tila nabawasan ang lungkot na nadarama.

Advertisement

Magdamag ay gumuhit lamang ang dalawa ng mga mukha at pantaas ng bawat miyembro ng pamilya. Gumamit ng iba’t ibang lapis si Ruel at tisyu upang ikalat ang naguhit at bigyang linaw ang mga anino at karakteristik ng bawat isa. Namamangha lagi si Randy sa angking talento ng kanyang kuya, lalo na sa mukha nito na tila seryoso sa bawat guhit at linyang nilalagay nito sa papel.

“Si ate mo Renalyn, lakihan natin mga tigyawat niya,” at nagtawanan ang dalawa habang pinipintasan ang kanilang ate.

“Ayun, salamat kuya! Kulang na lang ay si…tatay.”

“…Oo, si tatay na lang ang kulang.”

Natapos din ang mga ginuhit ni Ruel at tuwang-tuwa ang bunso. Muling bumalik sa pagkakahiga si Ruel, marahil kumikirot na rin ang damdamin niya. Hindi pa lumilipas ang ilang minuto ay kumatok naman si Renalyn sa kwarto ni Ruel.

“Wel, okay ka lang?” tanong ng panganay.

“Oo, wala naman na akong pagpipilian kung hindi maging okay.”

Niyakap na lang ng panganay ang kapatid.

Advertisement

“Ruel, ito, baka gusto mong sumalit dito. Art contest siya na gaganapin sa GSIS. Ang unang premyo ay mahigit isang daang libong piso.”

“Ang laki, sobrang laki,” bulong ni Ruel sa sarili.

“Ito, nasabi ko lang, kung interesado ka lang.” at umalis na lang muna ang panganay.

Nag-isip-isip si Ruel patungkol sa sinabi ng kanyang ate. Hindi biro ang laki ng premyo, at hindi rin biro ang ganitong paligsahan. Sa ganitong sitwasyon ay naalala ulit ni Ruel kung bakit nga ba siya nagpipinta, ito’y para sa pamilya niya. Para iyon sa mga kapatid niya. Para iyon sa kanilang pag-angat mula sa kahirapan. Kaya ngayon, nagpasya na siya. Kailangan niyang sumali. Kailangan niyang manalo.

Isinantabi muna niya sa pagtuturo upang simulan ang kanyang ilalahok na larawan. Ang haba nito’y humigit-kumulang sampung talampakan at ang taas ay bandang anim na talampakan. Ginastos niya lahat ng kanyang pinag-ipunan upang makabili ng materyales sa pagpinta at kahoy para sa frame. Dalawang buwan siyang naghanda at nagpinta bago magsimula ang paligsahan.

“Ito na ito, Ruel. Ito na ito. Kailangan mong manalo.” bulong ng binata sa sarili.

“Kahit mapagod ako o magkasakit, basta, para sa inyo ito.”

Matapos ang pagdedesisyon, tinatawag na ang mga nanalo:

Advertisement

“The artist for second runner-up…is none other than, Budoseo Dalistan!”

“The artist for first runner-up…is none other than, Joseph Villareal!”

“…Wala…talo na ako, maganda gawa nung Joseph…” na tila nalulumbay na ang binata.

“The artist, o should I say, artists–

“Artists? Hindi lang isa nanalo?” sa isip-isip ni Ruel.

–for the position of champions, are none other than, Alexis Madriaga and Ruel Santos! Congratulations!”

Nagpalakpakan ang mga tao sa mga nagsipagwagi, lalo na sa hindi niya inaasahang pagkapanalo sa unang posisyon. Pinangako ng tagapamahala na isang daang libong piso ang patimpalak, kaya parehas sina Alexis at Ruel na nakatanggap ng isang daang libong piso. Doon na rin nagkakilala at naging magkaibigan sina Alexis at Ruel. Sa sobrang laking gulat ni Ruel ay napaluhod na lamang siya at naluha.

“Nagawa ko…para sa inyo ito…ma, Randy, Renalyn, Robert, Ricardo, ma…tatay…para sa inyo ito…” na tila hindi na makatayo sa pagkahina si Ruel.

Advertisement

“Pinta ko…nasagip tayong lahat!”

Pinamagatang “Pamilya” ni Ruel ang kanyang nasumiteng gawa, at maibebenta pa ito ni Ruel sa halagang dalawang daang libong piso sa kasalukuyan. Nasagip niya ang kanyang pamilya, gamit ang pagpinta niya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!