Sumama ang Dalagita sa Nanay na Ngayon Niya Lang Nakita, Pinagtangkaan Siyang Halayin ng Kinakasama Nitong Kano

Mananahi si Lydia habang foreman naman sa construction ang mister niyang si Gilmer. Kahit paano ay sapat na ang kinikita nilang dalawa para buhayin ang anak na si Jessica. Labing pitong gulang na ang dalagita at malapit nang mag-kolehiyo. Likas siyang matalino kaya nakapasa bilang scholar sa isang unibersidad.

“Ma, ano po ang plano natin sa debut ko?” sabi ng dalagita, umupo pa sa tabi niya. Abala naman si Lydia na manahi ng mga jersey, malapit na kasi ang liga sa barangay nila at sinuwerte siyang mapili ng dalawang grupo para manahi.

“Aba, edi ipagtatahi ka ni nanay ng magandang gown, marami akong naipong tela rito. Tapos maghahanda tayo rito sa bahay, isasayaw mo si Tatay mo,” nasa tela ang titig niya pero nakangiti naman siya. Alam niyang excited ang dalaga sa debut nito dahil 13 palang yata ito ay nagtatanong na sa kanya. Tuwing sinasagot niya ito ng ganoon ay natutuwa ang anak, pero iba yata ngayon.

Dahil sumimangot ito, “Dito lang ho sa bahay? Hindi ho ba tayo mag-rerenta ng place? Yung parents kasi ng classmate kong si Amanda naghanap pa ng lugar na may pool tapos doon gaganapin ang debut niya. May mga magaganda nga rin daw hong invitation. Tapos ako dito sa bahay natin,”

“Ano naman ang masama dito sa bahay natin ‘nak? Aayusin namin ito ni tatay mo, wag kang mag-alala.”

“Eh basta, nakakahiya. Ang pangit ng bahay natin. Ang liit tapos puro retaso ng tela. Tapos tingnan nyo nga ang ayos nyo ni tatay, nakakainis naman eh.” sabi ni Jessica, tumayo na siya at iniwan ang ina na natulala sa kanyang inasal.

Sa totoo lang, simula nang mag-high school na siya ay doon siya nagsimulang mapaisip sa buhay niya. Naikumpara niya na rin kasi ang kayang ibigay ng magulang niya, sa kayang ibigay ng magulang ng mga kaibigan niya. Kaya siya nagkakaganito, naaasar siya sa simple at mumurahing mga bagay dahil iyon lang ang kaya ng nanay at tatay niya.

Isang hapon, kauuwi lamang ni Jessica mula sa eskwela nang makita niyang may magarang kotse na nakaparada sa tapat ng bahay nila. Na-intriga siya kaya agad siyang sumilip sa loob. Ba, bigtime yata ang kliyente ng nanay niya. Mukhang mabibigyan siya ng magandang debut.

Advertisement

“Ibalik nyo na si Jessica ko. Ang kapal naman ng mukha mo Lydia, kabit ka na nga nanganganya ka pa ng anak!” bulyaw ng isang babae.

“Tumahimik ka Jessa! Alam mo ang totoo, alam mong hi-” sasagot sana ang tatay niya nang pumasok si Jessica.

Kamukhang-kamukha niya ang babae, di siya maaaring magkamali sa narinig. “Ano ito? Tay, ano’ng kabit?”

Hindi makasagot ang kanyang mga magulang. Nagsalita ang babaeng mayaman, “Ako si Jessa, anak. Ako ang tunay mong nanay, itong tatay mo.. at yan si Lydia, nagtaksil sila sa akin tapos itinakbo ka. Kasal kami ng tatay mo, kahit ipakita ko pa sa iyo ang mga papeles.” sabi nito.

Tinignan niya ang mga magulang mula ulo hanggang paa, ang kakapal ng mukha! Agad siyang nakaramdam ng galit, nang yayain siya ni Jessa na umalis ay sumama agad siya.

“Anak,” di makatiis na pigil ni Lydia.

“Di moko anak..Lydia.” matabang na sabi niya bago lumabas ng bahay.

Hay, grabe ang saya niya. Di niya akalain na bigla-bigla ay de kotse na siya ngayon. Goodbye na sa walang kwentang buhay na ibinigay ng dalawang taksil. Ito naman ang tama eh, nasa nanay niya dapat siya.

Advertisement

Pag-uwi sa bahay ay namangha siya dahil ang laki laki noon! Marmol ang sahig, malaking kahoy na narra ang pinto na akala niya ay sa TV niya lang makikita.

“Nay, ito po ang bahay natin?”

“Don’t call me nanay, please.Call me mommy,” parang nadidiring sabi nito. Bigla niyang naalala, ni hindi niya pa pala ito nayayakap.

Lalapit sana siya sa babae nang iharang nito ang mga kamay, “No need.”

Napahiya siya ng konti pero inisip niya nalang na baka wala sa mood ang mommy niya. Maya maya pa ay isang matandang foreigner ang bumaba mula sa hagdan.

Lolo niya ba ito? May lahi pala silang foreigner?

Pero nakumpirma niyang mali siya nang magsalita ang ina, “Honey, as you wish.” matabang na sabi nito. “This is Jessica, my daughter. Jessica, this is Jimmy, my boyfriend.”

Ilalahad niya sana ang kamay pero niyakap siya ng matanda. Medyo kinilabutan siya ng kaunti dahil hinimas-himas nito ang likod niya, malapit na ngang bumaba sa balakang niya ang malaki nitong kamay. Kumalas siya.

Advertisement

“H-Hello Sir,” naiilang niyang sabi.

“No, it’s fine. Call me daddy.” ewan niya ba, nakakatakot ang tingin nito. Baka naninibago lang siya.

Nakuha ni Jessica ang marangyang buhay na pangarap niya, pero impyerno naman pala ang nagtatago roon. Isang umaga ay pinagtangkaan siyang pagsamantalahan ni Jimmy, buti nalang ay nasipa niya ang matanda. Dahil likas na mahina na ay napaupo ito sa sahig at nagmura nang paulit-ulit.

“Damn you little prick!” namamalipit ito.

Tumakbo siya palabas ng bahay, nanatili muna siya sa basketball court ng subdivision at naghintay ng ilang oras para bumalik ang mommy niya. Nang matanaw niya na ang kotse nito sa tapat ng gate nila ay noon lamang siya bumalik, isusumbong niya talaga ang lintik na matanda!

“Napipikon na ako sis, kung hindi lang request nitong matandang Kano ay hindi ko na sana babalikan ang batang ito sa tatay niya. Akala ko, pag naibigay ko na ang gusto ay pipirma na sa last will niya na sa akin mapupunta ang yaman. Ayaw pa ring pumirma! Tang*na, ayaw pa rin kasi yatang pa-galaw ng anak ko sa kanya eh, kaya nabubugnot.” sabi nito sa kausap.

Ano? Ibig sabihin alam ng nanay niya lahat ng pagtatangka nito? Ibig sabihin, kaya siya ginustong kunin ulit ay para ipain sa manyakis nitong kinakasama? Para sa pansariling kapakanan?

Hindi na siya naghintay na makita pa ng dalawa, lumabas na siya ng bahay at naglakad pauwi. Hindi niya kailangan ang babaeng ito. Hindi niya kailangan ng marangyang buhay. Gusto niya nang umuwi sa kanyang nanay Lydia.

Advertisement

Umiiyak siyang kumatok noon sa maliit na bahay, agad siyang niyakap ni Lydia nang makita siya nito.

“Gilmer! Nandito si Jessica natin!” lumuluhang sabi nito. Nagyakapan silang tatlo, galit na galit ang kanyang ama nang ilahad niya ang lahat lahat.

“Kahit kailan, napakamakasarili ni Jessa.Ipakukulong ko sila!” sigaw nito.

“T-tay, ano ho ba ang totoo?”

“Kabit naman talaga ako anak,” malungkot na sabi ni Lydia.

“S-Siguro ay ganoon nga. Kasal pa kasi kami sa papel ni Jessa hanggang ngayon. Pero apat na taon na kaming hiwalay noon nang makilala ko ang nanay Lydia mo. Tanggap niya ako maski na nariyan ka, dalawa tayong minahal niya ng buo. Iniwan tayo noon ni Jessa para sumama sa matandang iyan.

Akala ko ay magpapaka-nanay na siya ngayon sayo pero idinamay kapa niya sa kahayupan nila!”

Ang laki ng pagsisisi ni Jessica na iniwan niya ang magulang para sa babaeng wala naman pala talagang pakialam sa kanya.

Advertisement

Ipinakulong nila ang matanda maging si Jessa. Sa takot ng Amerikano na mapa-deport ay ito na mismo ang nagbigay ng pera para ma-proseso ang annulment ng kasal ni Jessa at Gilmer.

Nang legal ng hiwalay ang dalawa ay nagpakasal sina Gilmer at Lydia, okay lang kay Jessica na kasal nalang ng mga magulang ang gastusan at hindi na ang debut niya.

Siya pa nga ang maid of honor ng kanyang nanay Lydia.

‘Nanay’ niya ito dahil ito ang tumayong ina sa kanya, oo at hindi ito ang nagluwal sa kanya. Pero ito naman ang nagmahal, humubog at gumabay, ito ang dahilan kung bakit siya nabubuhay ngayon.