Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Alay Ko sa Isang Estranghero - Inday Trending

Alay Ko sa Isang Estranghero

Habang nakasakay sa jeep si Grace ay napansin niya ang lumuluhang matandang ginang na nakaupo sa tabi niya. Mayamaya ay nakatanggap ang matandang babae ng tawag mula sa munting selpon nito.

“Anak, ano ang sabi ng doktor? Hindi pa din ba puwedeng operahan na?” mahinang sabi ng matanda habang patuloy ang pagtulo ng luha mula sa mga mata nito.

“Kahit ibang dugo na lang, anak. Paano na ang tatay mo?” Humahagulgol nitong sabi sa mahinang boses.

Hindi maiwasan ni Grace na maluha sa kaniyang naririnig na pag-iyak ng matanda. Ang nakakaawang itsura at kalagayan ng matandang pasahero ay mas nakakaiyak sa tuwing mararamdaman niya ang bawat paghikbi nito.

Dahil sa pag-aalala ay tinanong ni Grace ang matanda kung kamusta na ito at ano ang dahilan ng pag-iyak nito.“Nay, okay lang po ba kayo? May maitutulong po ba ako? Kanina ko pa po kayo napapansin na walang humpay na umiiyak habang tayo ay nasa biyahe,” tanong ni Grace habang hinahagod niya ang likuran ng matanda.

“Baka kailangan niyo rin po ng makakausap. Baka kung ano ang biglang mangyari sa inyo kung kikimkimin niyo lang po ‘yan,” dagdag ni Grace habang inaabot niya ang kaniyang panyo sa matanda upang mapanusan nito ang kaniyang mga luha.

At tuluyan na ngang ikinuwento ng matanda ang kaniyang problema habang patuloy ang pagbuhos ng mga luha nito.

“Naaksidente kasi ang asawa ko. Kailangan siyang maoperahan agad ngunit hindi pa ito masimulan ng ospital dahil wala na silang reserbang dugo. Hindi naman kami makabili sa ibang blood bank dahil wala na kaming pera,” umiiyak na kuwento ng matandang nagngangalang Aling Miding.

“Sinubukan ko nang humingi ng tulong mula sa mga kakilala ko ngunit lahat ay hindi puwedeng mag-donate. Sinubukan ko nang manghiram ng pera para bumili na lang sana kami ng dugo kaso wala talaga,” pagpapatuloy nito.

“Ang hirap maging mahirap,” may diin na sabi ni Aling Miding habang napapailing.

“Ano po ba ang blood type niya? Baka puwede po ako,” alok ni Grace sa matanda.

Papasok na dapat sa trabaho si Grace pero sa pagkakataong ‘yon ay mas nanaisin niya na magpahuli na lamang sa trabaho o lumiban upang makatulong sa isang nag-aagaw buhay na tao.

“Talaga, ineng?” Bahagyang sumilay ang kinang sa mata ng matanda nang marinig nito ang sinabi ni Grace. “Opo, nay. Gusto ko pong makatulong kahit papaano,” walang pag-aalinlangang sabi ni Grace sa matanda.

Matagal pang nag-usap ang dalawa. Nalaman ni Grace na pareho sila ng blood type ng asawa ni Aling Miding at malaki ang posibilidad na maaari siyang mag-donate ng dugo para sa asawa nito.

“Hindi ba ako nakakaabala sa iyo, ineng? Nakakahiya man ngunit tatanawin naming malaking utang na loob ang kabutihang gagawin mo para sa pamilya namin,” wika ni Aling Miding na walang humpay sa pagpapasalamat kay Grace.

Sumama si Grace kay Aling Miding at inalalayan niya ang matanda na makababa ng jeep. Tila nanghina ito dahil sa walang humpay nitong pag-iyak.

Mayamaya ay narating na nila ang pampublikong ospital kung saan naka-confine ang asawa ni Aling Miding.

Sumalang muna si Grace sa mga tests upang malaman kung nasa wastong kalagayan ang kaniyang katawan para makapag-donate ng dugo.

Laking pasasalamat ng matandang si Aling Miding na may isang mabuti babae ang hindi nagdalawang-isip na tulungan siya.Dahil sa idinonate na dugo ni Grace ay maaari nang operahan ang kaniyang asawa.

“Iha, salamat talaga, ha. Hulog ka ng langit!” patuloy ang pagpapasalamat ng matanda sa dalaga.

Natapos na rin ang pagdo-donate ng dugo ni Grace at dahil huli na rin siya sa pagpasok sa trabaho ay sinamahan na lamang niya ang matanda na maghintay na matapos ang operasyon ng asawa nito lalo na’t alalang-alala siya sa kalagayan nito.

Habang naghihintay ay ikinuwento sa kaniya ng matanda ang kanilang buhay. Sila na lamang pala ng kaniyang asawa at bunsong anak ang nakatira dito sa Maynila. May kaniya-kaniyang pamilya na ang iba niyang mga anak at nakatira ang mga ito sa probinsiya. Ang pagtitinda sa bangketa lamang ang pinagkakakitaan nilang mag-anak.

Mayamaya ay dumating na rin ang trese anyos na anak ni Aling Miding na paulit-ulit ding nagpasalamat sa kaniyang kabutihan.

Matapos ang limang oras na paghihintay ay matagumpay namang natapos ang operasyon ng asawa ni Aling Miding kaya nagpaalam na si Grace na mauuna na siyang umalis dahil kailangan na niyang umuwi.

Habang naglalakad palabas ng ospital si Grace ay bigla siyang nagulat sa malakas na paghiyaw ni Ating Miding. Pilit siyang hinahabol ng matanda.

Inabot ng matanda sa dalaga ang rosaryong palagi nitong dala. “Tanggapin mo ito. Pasasalamat ko ‘yan sa’yo dahil sa kabutihang loob na ipinakita mo sa akin,” wika ni Aling Mading.

Noong una ay tinanggihan ng dalaga ang rosaryo ngunit nagpamulit ang matanda kaya tinanggap niya na rin ang binigay nito.

Pakiramdam ni Grace ay lumulutang ang kaniyang katawan nung umalis siya ng ospital. Puno ng kasiyahan ang kaniyang puso dahil nakatulong siya sa kaniyang kapwa. Alam niya na hindi matutumbasan ng pera ang kaniyang nararamdaman kaya naman nakapagdesisyon siya na ipagpatuloy ang kaniyang nasimulan, ang tumulong sa mga nangangailangan sa abot na kaniyang makakaya.

Tatlong linggo na ang nakalipas mula nung mag-donate si Grace ng dugo sa isang estranghero. Dala-dala niya lagi ang rosaryong ibinigay sa kaniya ni Aling Miding na paulit-ulit na nagpapaalala sa kaniya na dapat ay palagi siyang gumawa ng mabuti sa kaniyang kapwa may kapalit man itong biyaya o wala.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.