Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Ang Pagbahing ng Aking Darling - Inday Trending

Ang Pagbahing ng Aking Darling

Lahat na yata ng katangian ng isang binata o boyfriend material ay makikita sa binatang si Isagani, 34 na taong gulang. Mayaman, matalino, professional, macho, gwapo, at mataas ang pinag-aralan. Siya ang CEO ng kanyang sariling kompanya.

Hindi na niya mabilang ang mga babaeng nagkandarapa sa kanya. Sanay na siya. Mula pagkabata, marami nang mga babaeng halos lumuhod sa kanyang harapan upang maging kasintahan niya. Para sa kanya, hindi dapat seryosohin ang pakikipagrelasyon sa mga babae, lalo na kapag ito ang nagbigay ng motibo sa kanya.

Iisang babae lamang ang itinangi sa buhay ni Isagani. Ang kanyang matalik na kaibigang si Margarette. Isang babaeng nababagay sa kanyang mga katangian. Isang babaeng hindi makabasag-pinggan. Isang espesyal na damdamin para sa dalagang hindi niya masabi-masabi. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili. Sa tuwing sasabihin niya o aaminin dito ang kanyang nararamdaman, dinadalahit siya ng pagbahing. Kakatwa man, subalit ganoon ang nangyayari sa kanya sa tuwing may sasabihin siya, ngunit hindi niya maibulalas dahil sa labis na pagkahiya.

Ang unang pagtatangka ni Isagani sa pag-amin sa kanyang nararamdaman ay noong Promenade nila noong sila ay 4th Year High School. Magkaklase sila, at siniguro niyang siya ang date ni Margarette. Habang nagsasayaw sila, tinangka niyang sabihin ang nararamdaman dito, subalit bigla siyang bumahing, at nagtuloy-tuloy na. Hiyang-hiya naman siya kay Margarette dahil sa nangyari.

Sumunod naman, sa college graduation ball nila. Pareho silang nag-aral sa isang sikat na pamantasan sa Maynila. Pagkatapos ng kanilang pagdiriwang, inaya niya sa isang bar si Margarette. Habang umiinom sila ng champagne, tinangka niyang magtapat sa matalik na kaibigan. At napabahing nga siya. Nabugahan niya ng champaigne ang mukha nito.

Simula noon, hindi na tinangka pa ni Isagani na ipagtapat ang kanyang nararamdaman sa kaibigan. Ayaw naman niyang sabihin ito sa sulat o sa text. Para sa kanya, mas sinsero kung sa personal niya ito sasabihin. Kumonsulta na siya sa mga espesyalista kung bakit ganoon ang nangyayari sa kanya sa tuwing may sasabihin siyang mahalaga, subalit bigla siyang nakararamdam ng hiya. Hindi naman nila ito maipaliwanag.

Lalong umigting ang kagustuhan ni Isagani na magtapat kay Margarette nang malaman niyang may masugid na itong manliligaw. Si Greg, ang kanilang batchmate noong college. Nabalitaan niya na lagi itong lumalabas kasama si Margarette. Nahahamon ang pagkalalaki ni Isagani. Kailangan na niyang gumawa ng paraan.

Inanyayahan niya si Margarette sa isang fine dining restaurant sa Tagaytay. Nagpaunlak naman ito. Habang natatanaw nila ang bunganga ng Taal, unti-unting tinangka ni Isagani na umamin kay Margarette.

“Marga… matagal na tayong friends no? Since hayskul pa…”

Natawa si Margarette. “Reminiscing ba ito? Yes. Matagal-tagal na rin tayong naglolokohan bilang magkaibigan, Gani.”

“Since ako naman ang bestfriend mo, kumusta naman ang panliligaw sa’yo ni Greg?,” untag ni Isagani sa kaibigan.

“Sa totoo lang… hindi ko siya bet,” natatawang sagot ni Margarette.

“Bakit?” Tanong ni Isagani. Nabuhayan siya ng loob.

“Hindi lang siya pumasa sa pihikan kong standards,” sagot muli ni Margarette. Malapit na nitong maubos ang steak na inorder ni Isagani.

“May sasabihin sana ako sa iyo, Marga…” Nausal ni Isagani. Bahala na, sa isip-isip niya.

“K-kuwan, I like you to kn-know t-that… t-that… t-that…” Hindi matuloy-tuloy ni Isagani ang kanyang sasabihin dahil nararamdaman na naman niyang babahing na naman siya.

“Okay ka lang? Mukhang babahing ka na naman. Baka naman ‘yang steak mo ang maibuga naman sa mukha ko ha. The last time yung champagne eh, remember?” Biro sa kanya ni Margarette.

“I-I love…. I-love…” Malapit nang tuluyang bumahing si Isagani subalit nilalabanan niya ito. Kailangang masabi na niya kay Margarette ang kanyang nararamdaman!

“Sige ako na… I love you, Gani.”

Napamaang si Isagani. Tama ba ang narinig niya mula kay Margarette?

“I said, I love you!”

At tuluyan na ngang bumahing si Isagani. Naibuga niya sa mukha ni Margarette ang laman ng kanyang bibig.

“kadiri!!! My gosh, Gani!” Iritang-iritang sabi ni Margarette habang pinupunasan ng dining napkin ang mukhang nabugahan ni Isagani.

“Sorry, sorry… totoo ba ang sinasabi mo?”

“Yes, matagal na. kahit bahing ka nang bahing. Bakit ka nga ba bahing nang bahing?”

“Ganito ako kapag may gusto akong sabihin, pero pinangungunahan ako ng hiya. Matagal ko nang gustong sabihin sa ‘yo na mahal kita, Marga. Hindi bilang kaibigan. Mahal kita bilang ikaw.” At sa wakas, nagulat sa sarili si Isagani dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi na siya bumahing. Dahil nagkaaminan na, nagpasya sina Isagani at Margarette na i-level up ang kanilang relasyon, mula sa pagiging magkaibigan patungo sa tunay na pag-iibigan.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.