Una Kong Minahal ang Madrasta Ko

Matagal ng magkasintahan sina Dexter at Veah ngunit lihim lamang ang kanilang relasyon dahil hindi pa handa ang mga magulang ng babae na magkaroon ito ng karelasyon kaya hindi na lang ipinakilala ni Dexter ang kaniyang kasintahan sa kaniyang pamilya. Ang mahalaga ay nagkakasundo sila at pareho silang masaya.

Sa tagal ng relasyon nilang patago ay nasanay siyang nauuna itong tumawag sa kanya upang magkita sila, mag-date at kung ano pa man ang nais nitong gawin nila.

Ngunit lumipas na ang dalawang linggo ay hindi man lang siya naalalang tawagan ng nobya. Kahit tini-text niya ito ay hindi ito nagrereply. Kapag tinatawagan naman niya ay laging out of coverage. Nag-aalala na siya kung ano ang nangyari dito.

Malalim ang iniisip ni Dexter nung biglang tumunog ang kanyang selpon, tumatawag ang kanyang papa.

“Hello, pa,” sagot ng lalaki. “Dexter, baka pwede kang umuwi sa bahay ngayong Sabado. May kaunting salo-salo lamang na mangyayari sa bahay. Ipapakilala ko sa inyo ang aking nobya.”

“Wow! Na-in love ka na ulit, pa? May bago na pala kaming mama ngayon ni ate,” biro ng lalaki. “Parang ganoon na nga,” mahinang tumawa ang tatay ng lalaki. “Basta aasahan kita dito sa Sabado, Dexter,” anito at tsaka pinatay ang tawag.

Napangiti siya dahil sa wakas mag-aasawa na ulit ang kanyang papa. Matagal na panahon na nung nawala ang kanilang mama. Nasa elementarya pa lang siya noon habang nasa hayskul naman ang kaniyang Ate Danica nung pumanaw ito. Mas pinokus ng kaniyang tatay ang buo nitong atensyon sa kanilang magkakapatid at kinalimutan ang sariling kaligayahan. Ngayong nasa bente otso na siya at nasa singkwenta’y singko naman ang ama ay oras na para unahin naman nito ang kaniyang sarili.

Dumating ang araw ng Sabado, sabik na si Dexter na makilala ang kaniyang magiging pangalawang ina. Bumili siya ng regalo para sa magkasintahan na siguradong magugustuhan ng dalawa.

Advertisement

Nung makarating siya sa bahay ay agad niyang nakita ang kanyang papa na nakatalikod sa gawi niya, akbay nito ang isang babae. Ito na yata ang babaeng nagpapatibok ng puso nito.

“Pa,” masayang tawag ni Dexter sa ama na agad lumingon sa gawi niya pati ang babaeng akbay nito. Muntikan nang mabitawan ng lalaki ang dala-dalang regalo nung makilala niya ang babaeng akbay ng ama. “Veah?” mahina niyang wika.

“Anak,” masaya siyang sinalubong ng ama at agad na niyakap. “Namiss kita. Ipapakilala ko sa’yo ang babaeng pakakasalan ko.” Katulad niya ay nanigas rin si Veah sa kinatatayuan nito. “Kilala ko siya, pa,” aniya na titig na titig sa mukha ng babae na tila nawalan na ng dugo sa katawan nung makita siya. “Kaibigan ko siya.” Ayaw niyang gumawa ng gulo sa espesyal na araw ng kaniyang ama. Ayaw niyang sirain ang magandang mood nito.

Natapos ang selebrasyon na nagkakailangan sina Dexter at Veah. Ang dami niyang nais itanong sa babae. Ang dami niyang nais isumbat. Bakit ang papa niya pa? Anong nangyari sa kanilang dalawa? Wala naman siyang nagawang masama sa babae basta bigla na lang siyang hindi kinakausap nito.

Makalipas ang dalawang araw ay tinawagan siya ng babae. Gusto nitong magkita sila at mag-usap. Agad naman siyang pumayag dahil iyon din ang gusto niyang mangyari.

“Patawarin mo ako, Dexter,” agad nitong wika.

“May nagawa ba akong mali sa’yo, Veah?” tanong ni Dexter. “Wala. Wala kang nagawang mali sa’kin. Kasalanan ko ang lahat. Hindi ko alam na siya ang ama mo. Hindi ko alam. Kasi kung alam ko lang sana hindi ko na minahal ang papa mo,” anito na nagpanganga sa lalaki. Mahal nito ang kanyang papa?

“Mahirap lang kami, Dexter, at alam mo iyon. Nagpapasalamat nga ako sa’yo dahil hindi mo tinignan ang katayuan ko sa buhay. Nakilala ko ang papa mo sa pinagtrabahuan ko. Kaibigan siya ng amo ko. Mabait siya, maalaga, at pasensyoso, parang ikaw. Noong una ay hinahayaan ko lamang siya sa kaniyang ginagawa. Tinutulungan niya ang pamilya ko. Oo, noong una iniisip ko na baka kaya nagustuhan ko siya dahil siya ang sagot sa hirap ng buhay namin. Ngunit noong nilayuan niya ako dahil inisip niyang ginagamit ko lang siya ay nasaktan ako. Mas nasasaktan ako kapag hindi ko siya nakikita, Dexter. Hindi ko kinaya ang pagkamiss ko sa kaniya. Mahal ko ang papa mo. Patawarin mo ako kung naging salawahan ako. Pero maniwala ka. Minahal din kita noon. Hindi ko nga lang alam kung paano nawala ang pagmamahal ko sa’yo,” humihikbing wika ni Veah.

Advertisement

Masakit sa dibdib ang mga narinig ni Dexter. Pero kapalit noon ay masaya siya para sa kanyang ama.

“Totoo ba ang nararamdaman mo para kay papa?” Tumango ang babae kay Dexter. “Mahal na mahal ko siya higit pa sa buhay ko. Patawarin mo ako. Patawad, Dexter, kung nasaktan kita. Hindi ko ginusto ang lahat ng ito. Kusa na lang nangyari ang lahat.”

Umuwi si Dexter sa kaniyang condo na umiiyak. Minahal niya ng totoo si Veah. Ang laki ng plano niya para sa babae. Pero hindi niya mapipilit ang lahat. Ang mahalaga sa kaniya ngayon ay mahal nito ang papa niya at sapat na iyon para magparaya siya.

Kinabukasan ay umuwi siya upang kausapin ang kanyang papa.

“Bakit ka aalis ng bansa, Dexter?” nagtatakang tanong ng ama. “May mga dahilan ako, papa, pero bago ako umalis ay may aaminin ako sa’yo.” Hinawakan niya ang kamay ng kaniyang papa at hinalikan iyon. “Mahal na mahal kita at wala akong ibang hangad kung hindi ang makita kang masaya. You deserved to be happy. Sapat na ang mahabang panahon na ibinuhos mo para sa’min ni ate kaya magpaparaya ako. ‘Di baling ako na lang ang masaktan basta makita lang kitang masaya,” wika ni Dexter habang pinipigil ang kaniyang mga luha.

“Ano ba ang ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong ng ama. “Nagmahal tayo ng iisang babae, pa.” Nag-unahan nang tumulo ang kaniyang mga luha. “Pero sabi niya mas mahal ka niya kaysa sa’kin. Sapat na sa’kin ang bagay na iyon. Kaya kong magsakripisyo para sa kaligayahan niyo. Aalis ako para mag-move on. Promise, pa, hindi ako galit sa’yo at kay Veah. I need time to heal at ito lang ang naiisip kong paraan. Ang lumayo muna pansamantala, ” aniya.

Niyakap si Dexter ng kaniyang ama.

“Patawarin mo ako. Hindi ko alam na iisang babae pala ang minahal natin.”

Advertisement

Tinapik ng lalaki ang balikat ng kaniyang ama tsaka nagsalita. “Wala kang kasalanan. Kasalanan ito ng pag-ibig na iyan,” aniya dahilan upang magtawanan silang dalawa.

“Mag-iingat ka doon, anak,” wika ng ama.

Nung araw ng pag-alis ni Dexter patungong ibang bansa hinatid siya ng papa niya at ate niya kasama si Veah.

“Mag-iingat kayo dito, ah,” bilin ni Dexter tsaka binalingan si Veah. “Mahalin mo ang papa ko. Sapat na sa’kin iyon,” aniya bago tuluyang pumasok sa loob ng departure area.

Sadyang mapagbiro ang tadhana. Pero ang mahalaga ay natuto tayong humingi ng tawad at magpatawad. Pinatawad ni Dexter si Veah at nagsakripisyo siya para sa kaniyang mahal na ama. Pinalaya niya ang babae dahil mahal niya ito. Sa ngayon ay kailangan muna ni Dexter na magparaya para sa mga taong mahal niya. Siguro ay hindi talaga si Veah ang nakatakda para sa kaniya. Lahat ng sugat ay gagaling din sa tamang panahon. At pag dumating na ang araw na iyon sana ay matagpuan na rin niya ang babaeng magmamahal sa kaniya ng lubos.