Ikinatuwa ng Ginang Nang Makahanap ng Matalik na Kaibigan sa Bagong Lugar na Nilipatan; Pera Lamang Pala ang Sisira sa Nabuo Nilang Samahan

Bagong lipat lamang ang Pamilya Reyes sa maliit na barangay ng Sta. Clara. Magaling makisama ang mag-asawang si Henry at Loren kaya hindi sila masyadong nanibago sa kanilang pamumuhay.

Isang araw ay lumabas si Loren papuntang bilihan ng gulay upang ipagluto ng ulam ang apat na anak nang bigla siyang lapitan ng isang babae.

“Hello! Ako nga ho pala si Brenda, yung kapitbahay ninyo. Diyan lang ako mismo sa kaliwa niyo nakatira.” Sabay turo ng babae sa kanilang katabing bahay. Nag-abot naman ito ng pa-welcome na isang maliit na bilao ng pancit kay Loren.

“Ay salamat naman! Alam mo, ikaw ang unang lumapit at nagpakilala sakin sa baryong ito. Mahiyain ata ang mga tao dito, ano?” Biro ni Loren. Natuwa ang ginang sa ipinakikitang pakikisama ng kapitbahay.

Mas nakakaangat sa buhay ang pamilya ni Loren kaysa kay Brenda. Ngunit hindi ito naging sagabal upang maging matalik na magkaibigan ang dalawa. At sa tuwing may problema ang pamilya ni Brenda ay madali niyang nalalapitan ang kaibigan.

Isinasama ni Loren si Brenda sa mga raket nito upang magkaroon ng kita ang kaibigan. Naipasok pa sa trabaho ng kaibigan ang asawa ni Brenda bilang drayber. Talagang malaki ang naitutulong ni Loren dito. Kaya sobra-sobra na lamang ang pasasalamat ng babae sa kaibigan.

Isang araw ay napansin ng asawa ni Loren na si Henry na nawawalan ito ng mamahaling relo.

“Loren, nakita mo ba ang Seiko kong relo? Yung gold plated? Hindi ko makita e.” Tanong ni Henry sa asawa.

Advertisement

“Nako Henry, baka kung saan mo na naman nailapag. Hayaan mo lang at magpapakita rin yun.” Sagot ng misis, palibhasa’y sanay ito sa madalas na paghahanap ng gamit ng asawa.

“Pero sigurado akong iniwan ko lang yun sa ibabaw ng mesa sa kusina e. Nako Loren, naiisip ko lang baka malikot ang kamay ng kaibigan mong si Brenda ah. Pati susi ng bahay natin pinagkatiwala mo na sa kanya.” Pagpuna ni Henry sa labis na tiwala ng asawa sa kaibigan.

“Ano ka ba, sobra ka namang mag-isip ng masama. Malaki ang tiwala ko doon. Mabuting tao yun.” Halatang nasaktan ang misis sa sinabi ni Henry, tila lubos na napamahal na ito kay Brenda.

“O siya. Basta payo ko lang mag-iingat ka sa mga pinagkakatiwalaan mo. Baka napagsasamantalahan na yang sobrang kabutihan mo.” Payo ni Henry sa nakasimangot na asawa.

Isang umaga’y nagising ang mag-asawa sa katok ng kapitbahay na si Brenda.

“Mare! Si Boyet, napakataas ng lagnat! Kailangan ko nang dalhin sa ospital. Puwede ba akong makahiram ng kahit tatlong libo? Isasauli ko rin sa katapusan.” Pagmamakaawa ni Loren.

“Naku, pasensiya ka na Brenda. Ngayon lang ata kita matatanggihan. Enrollment na ni bunso, saktong sakto na lang ang pera ko dito.” Malungkot na tugon ni Loren.

“Pero kung gusto mo eh pahiramin muna kita nitong natitirang isang libo sa wallet ko.” Ibinigay ni Loren ang natitirang pera sa pitaka.

Advertisement

Kinabukasan ay abala ang mag-anak na Reyes sa kaniya-kaniyang buhay, at naiwang walang tao sa kanilang tahanan. Hindi alam ni Brenda ang pumasok sa kanyang isip. Dala nalang siguro ng matinding pangangailangan ay may naisip siyang gawin sa mabuting kaibigan.

Dahan-dahang pumasok si Brenda sa bahay ng mga Reyes gamit ang susing ipinagkatiwala sa kaniya. Alam niya kung saan nakatago ang mga ipon ni Loren. Nagmadali siyang pumasok sa kwarto ng mag-asawa at kinuha ang sampung libong pisong pang downpayment sana sa tuition ng bunso ng kaibigan.

“Hindi bale, isasauli ko naman ito. Hiram lang.” Pagpapagaan ng loob ni Brenda sa ginagawang pagnanakaw.

Kinabukasan ay enrollment na ng bunso ni Loren.

“Mama! Asan na po yung pambayad? Wala na po sa kaha de yero ninyo.”

“Ha? Ano ka ba? Hanapin mong maigi.”

Nahalughog na ang buong bahay ng pamilya Reyes ngunit walang bakas ng pera sa bawat sulok nito. Nang biglang napasigaw ang panganay na anak.

“Ma! Yes! Narecord pala ng CCTV! Mabuti na lang at hindi mo tinanggal sa saksak, mama! Sabi ko na sa iyo e, mapapakinabangan natin ito kahit medyo dagdag pa sa kuryente.” Biglang nabuhayan ng loob ang pamilya Reyes.

Advertisement

Dali dali nilang isinalang ang video at hindi makapaniwala si Loren sa nakita. Huling-huli sa akto ang kaibigang si Brenda na kinuha ang pera. Pahiyang-pahiya siya sa mister.

Wala sa ugali ni Loren ang mag eskandalo kaya maayos niyang kinausap si Brenda.

“Alam mo, ginawa ko ang lahat ng pakikisama sayo. Kaya di ko sukat akalain na magagawa mo sa akin ito. Pero sa ikapapanatag ng loob ko, pinapatawad na kita Brenda. Pero huwag mo nang asahan na bumalik pa ang dati nating samahan.” Wika ni Loren.

Matapos ang kanilang mainit na pag-uusap ay napagkasunduan na lamang nilang huhulog-hulogan ito ng magnanakaw na si Brenda. Ipinagtapat din ni Brenda na wala pala talagang sakit ang anak nitong si Boyet, bagkus natalo lamang niya ang pambayad ng kuryente sa pagsusugal.

Sising sisi sa nagawa ang babae ngunit huli na ang lahat dahil nasira na niya ang tiwala ng kaibigan.

Napagtanto ni Loren na nararapat lamang niyang pakinggan ang mister dahil ito ang mas nakakaalam kung ano ang makakabuti para sa kaniya at sa kanilang pamilya. Hindi rin niya dapat agad ibinibigay ang tiwala sa mga taong hindi naman lubusang kakilala.