Isang Babaeng Kasal na ang Nabuntis ng Ibang Lalaki, Tatanggapin Pa Kaya Siya ng Kanyang Mister?

Gaya ng sabi ng kanilang mga kaibigan, napakagandang call center love story ang istorya na Rhian at Ryan.

Una silang nagkakilala sa call center. Unang trabaho ito ni Rhian at pangalawa naman na ito ni Ryan.

Lahat ata ng mga importanteng kaganapan ng kanilang relasyon ay nangyari habang sila’y nagtatrabaho sa call center.

Dito rin naging magnobyo ang dalawa.

Tuwing sila ay nasa pantry ng kanilang opisina ay lagi nilang naiisip ang pwesto kung saan nakuha ni Ryan ang dalawang matamis na oo ni Rhian.

Ang una ay noong tinanong niya ang dalaga kung maaari ba siyang maging nobya nito. At ang pangalawa ay ang tanong nang inalok ni Ryan ng kasal ang nobya.

“Rhian, sana pumayag kang maging sa akin habang buhay…” naiiyak na tanong niya.

“Oo naman Ryan! Oo!” umiiyak na sagot ni Rhian.

Advertisement

Marami sa kanilang mga kaopisina ang nasubaybayan ang kanilang kwento hanggang sa mabalitaan na si Rhian ay buntis na.

“Oh, ninong at ninang kayong lahat na buong team ha!” natatawang broadcast ni Ryan sa kanilang mga ka-opisina.

“Aba’y syempre naman, sige ba!” sagot ng isa sa kanila.

“Sana mini Rhian ‘no?” sabi naman ng isa sa kanilang kaopisinang babae.

Ngunit kahit nakikitang palaging ayos naman ang relasyon nila, ay nagkakaroon pa rin ng problema ang dalawa at madalas ay dahil ito sa pera.

“Hindi nga sasapat yung pera! ‘Di mo ba maintindihan?!” sigaw ni Rhian.

“Oh eh anong gusto mong gawin ko?!” pabalang na sagot naman ni Ryan.

“Aba hindi ko alam sayo! Magisip-isip ka nga!” sagot ng babae.

Advertisement

Hindi na sumagot pa si Ryan dahil alam niyang mas lalala lamang ang usapan.

Kapag may pera ay ayos naman ang dalawa, ngunit pag nauubusan na ay palagi na lamang nagbabago ang ugali ng babae.

“Noon naman napapag-usapan natin ng maayos pag may problema, ngayon palagi ka na lang nakasigaw kaya hindi natin mapagusapan,” ani ni Ryan sa kanyang asawa.

Hindi sumagot si Rhian at patuloy na lamang nag-cellphone.

Nakakuha si Ryan ng bagong trabaho sa ibang call center, mas malaki ang sweldo niya rito. Pang gabi siya habang si Rhian naman ay nanatili sa pang umaga na oras sa trabaho.

Mahirap man, pero para sa kanya, ang mahalaga ay mabigyan niya ng maayos na buhay ang kanyang mag-ina.

At wala nga silang naging problema sa pera mula noon. Sa katunayan nga niyan ay sobra-sobra pa ang naibibigay ni Ryan sa kanyang misis.

Ngunit, dahil sa halos hindi sila nagkikita dahil sa magkaibang oras ng trabaho, napansin ni Ryan ang unti-unting paglayo ng loob ng kanyang asawa sa kanya.

Advertisement

“May problema ba tayo?” tanong niya rito.

“Ha? Wala naman. Bakit?” sagot ng kanyang misis.

Tumango na lamang si Ryan dahil alam niyang kapag pinilit pa ito sa asawa niya ay magagalit lamang ito.

Napansin rin niya na unti-unting naging iritable ang misis niya tuwing sila’y magkasama. Kaya naman nakaramdam na siya na may kakaiba na talagang nangyayari.

“Late ako ng uwi mamaya ha,” sambit ni Rhian sa asawa.

“Oh, bakit? ‘Di ba day-off mo?” sagot ni Ryan.

“May overtime ako, kailangan eh,” sagot ng misis.

“Bakit nag-o-OT ka pa, ‘di mo naman kailangan na eh,” sagot ng mister.

Advertisement

“Eh pake mo ba?! Mag-OT ka rin kung gusto mo!” iritang sagot ni Rhian.

Dahil sa kanilang hindi magandang pag-uusap, naisip ni Ryan na sorpresahin ang misis sa oras ng kanyang uwian.

Ngunit hindi niya inaasahan ang kanyang makikita nang bumukas ang elevator: ang kanyang misis na may kahawak-kamay na ibang lalaki.

Sa kanyang pagkabigla ay hindi siya nakapagsalita. Napatakbo siyang palayo at dumeretso sa kanyang sasakyan. Nagpasya siyang umuwi para doon na lamang sila mag-uusap ni Rhian.

“Anong problema sa akin? Please. Sabihin mo,” umiiyak na sabi ni Ryan sa misis.

“Walang problema sayo. Pero hindi na talaga kita mahal,” nakatungong sagot ni Rhian.

Sa labis na pagkabigla ni Ryan sa sagot ng misis ay naiyak na lamang ito. Halos isang linggo rin siyang hindi nakapasok sa kanyang opisina dahil nagkukulong lamang siya maghapon sa kanilang kwarto.

Tuluyan na siyang iniwan ni Rhian para sa ibang lalaki. Para palalain pa ang sitwasyon ay kasama nya ang kanilang anak. Kaya naman doble-doble ang sakit na nararamdaman ni Ryan. Wala na nga ang kanyang misis, halos hindi pa niya makita ang kanilang anak.

Advertisement

Ilang beses pang pinilit ni Ryan na ayusin ang kanilang pagsasama. Ngunit dahil siya’y tao lamang, may hangganan rin siya.

Nag desisyon siyang pagbutihin nalang ang kanyang buhay at maging maayos na tatay sa kanilang anak.

Napatawad na rin niya si Rhian kahit hindi pa sila muling nakikipagusap.

Hanggang sa isang araw ay may kumatok sa kanyang bahay. Nakita niya sa kanyang pintuan ay ang dati niyang misis, hawak-hawak ang kanilang anak sa kaliwang kamay at ang kanyang kanang kamay ay hinihimas-himas ang kanyang malaking tiyan.

Nabuntis si Rhian ng lalaking pinagpalit niya sa dating asawa.

“Pwede ba tayong mag-usap?” umiiyak na tanong niya kay Ryan.

Nalaman ni Ryan na iniwan si Rhian ng dating kinakasama niya matapos malamang siya’y buntis. Dahil walang matirahan si Rhian at ang kanilang anak, ay si Ryan agad ang una niyang nilapitan. Nagbakasakali siyang tatanggapin muli siya ng dating asawa.

Ang mabait na si Ryan ay pumayag na tumira si Rhian sa bahay niya, sa kundisyon na hindi na magtatrabaho si Rhian para makapag-alaga na lang ng kanilang mga anak. Dagdag pa riyan ay dapat manatili na lamang silang magkaibigan.

Advertisement

Napahiya si Rhian sa ipinamalas na kabaitan ng dating asawa. Nalungkot na lamang siya nang maisip na hindi na niya maibabalik pa ang dating samahan nila ni Ryan dahil sa kanyang panloloko.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!