Mahilig Tumakas ang Dalaga Tuwing Hatinggabi Upang Gumala, Isang Misteryosong Babae ang Pumigil sa Kanya

Masayang masaya si Sophie dahil sa wakas, hindi na lang sa bahay nila masasayang ang summer vacation niya. Dumating kasi ang tita niyang matandang dalaga mula sa abroad, uuwi ito sa lumang bahay ng lolo at lola niya Ilocos Norte at nakiusap siya sa mga magulang na sumama rito. Pinayagan naman siya, sa tulong na rin ng pangungumbinsi ng kanyang tita.

“Girl, wala yatang party party dyan,” sabi ng matalik na kaibigan niyang si Martina, kausap niya ito sa telepono. Nakasakay na sila ngayon sa isang tricycle papasok sa village kung nasaan ang bahay na destinasyon nila.

Wala na kasing pumapasok na jeep sa bahaging iyon kaya nagbayad pa sila ng special sa tricycle maihatid lang sila, masyado rin kasing malayo kung lalakarin. Baka lawit na ang dila nila bago sila makarating, ang bigat pa man din ng mga maleta nila.

“I don’t know. I’m pretty sure meron, or basta ako na maghahanap ng thrill,” sabi niya rito na medyo hininaan ang boses upang di siya marinig ng tiya na nasa loob ng tricycle kasama ang mga maleta, nasa likuran naman siya ng driver.

“Don’t tell me..dating gawi, tatakas ka sa gabi?” sabi ng dalaga sa kabilang linya na sinundan ng hagikgik. 1st year high school si Sophie nang unang beses siyang umakyat sa bakod nila para lang makatakas ng hatinggabi, ginagawa niya pa rin iyon hanggang ngayong 2nd year college na siya.

“Of course! Tapos lilibot ako sa lugar, baka may makilala pa akong cute boys..” natatawang sabi niya. Maya maya pa ay nakarating na sila sa destinasyon kaya pinutol niya na ang tawag.

Malawak ang bakuran, ang tanging kalat doon ay mga natuyong dahon na bumagsak mula sa mga malalaking puno. May mga tanim na santan sa gilid ng kinakalawang na bakod. Ang bahay naman ay halatang dinisenyo pa noong panahon ng mga Kastila.

Masasabing bahay ito ng mayaman at marangya noong kapanahunan nito pero syempre iba na ngayon. Lumalangitngit ang sahig sa bawat tapak ni Sophie.

Advertisement

“Hija, ito ang kwarto mo.” nakangiting sabi ng tita niya, iginiya siya sa isang silid na bagamat luma na ay bagong palit naman ang bedsheet at punda, may caretaker din kasi ang bahay.

Mabilis umandar ang oras at alas nuwebe na ng gabi, naghihintay na lang si Sophie na matulog ang tita niya para makatakas na siya.

Ang tagal naman, ano pa bang ginagawa ni tita? tanong niya sa sarili.

Buti sana kung nasa loob ito ng silid nito, ang masama kasi ay nakatambay ito sa salas! Wala siyang ibang dadaanan kundi iyon. Walang bintana ang kwarto niya.

Nakaupo lang siya sa kwarto, walang signal ang cellphone niya kaya wala siyang choice kung hindi tumunganga. Napasulyap siya sa pader at napansin ang painting ng isang matandang babaeng naka-filipiniana.

Hala, ang gara naman! Pero nakakatakot, sa isip isip niya.

Dahil sa pagkabagot ay di namalayan ni Sophie na nakatulog na siya.

“Huy, gising,” marahang tapik sa mukha ang nagpagising kay Sophie.

Advertisement

Dahan dahan niyang iminulat ang mata, nagulat pa siya nang di mamukhaan ang kausap. Kasing edad niya ito halos, mestiza ang babae at magaan sa loob ang ngiti nito.

“Ikaw yung caretaker?” tanong niya rito. Tumango lang ito, nakangiti pa rin.

Ang bata…at ang ganda namang caretaker! naibulalas niya sa isipan.

Grabe, ang tagal na ng naitulog niya siguro. Hindi na siya nakatakas.

“Ano’ng oras na?” tanong niya sa babae.

“Siguro mga ala una ng madaling araw,” sabi nito at biglnag lumungkot nag mukha. Tinanong ni Sophie kung bakit biglang nagbago ang mood nito, nagkwento naman ang babae na ang pangalan pala ay Yngrid. Broken hearted ito, napahaba ang kwentuhan nila. Noong una malungkot, hanggang naging tawanan na, hindi na namalayan ni Sophie ang oras.

“Wag ka nang magtatangkang tumakas ulit ha?” tatawa-tawang sabi ni Yngrid. Tumango naman si Sophie, sa sobrang tuwa niya sa bagong kaibigan at isinuot niya rito ang bracelet niya.

“Ayan, friendship bracelet. Mayroon pa akong isa niyan sa bahay namin sa Manila, sayo na yan para terno tayo.” nakangiting sabi niya rito.

Advertisement

“Ma’am, ma’am..” marahang sabi ng matandang caretaker.

Idinilat ni Sophie ang mata niya at nasilaw siya sa liwanag, nananaginip lang siya?!

“S-si Yngrid po? Yung caretaker dito?” tanong niya sa matanda.

“Ma’am..ako lang po ang caretaker dito. Pinapagising napo kayo ng tita nyo,” nagtataka ang mukhang sabi nito.

Naguguluhan siya. Iginala niya sa paligid ang paningin upang hanapin ang kaibigan, di siya makapaniwalang panaginip lang lahat. Nabaling ang paningin niya sa painting.

Tila kasi nangungusap ang mata ng matandang babae roon, kinapa niya ang bracelet pero di niya suot iyon.

Nalaglag ang panga niya nang ibaba ang mata sa braso ng matanda sa painting, suot nito ang bracelet niya!

“Sophie! Kanina pa kita pinapatawag kay manang Remy eh.. Naku alam mo ba, may dalawang preso daw na nakatakas kagabi at gumagala dito sa lugar natin, buti nga ay nakapag lock agad ng gate kagabi. Bakit ba ang tagal mong bumangon- uy! Nandyan pala ang painting na yan!” dire-diretsong sabi ng tita niya.

Advertisement

“S-sino po sya?” nangangatal na tanong ni Sophie.

“Lola Yngrid mo. Lola ng lola ng lola ng lola…” di na nabilang pa ni Sophie kung pang ilang ‘lola’ niya na ang sinabi ng tita niya.

Basta ang alam niya, hindi siya nananaginip. At iniligtas siya ng kanyang Lola Yngrid sa posibleng kapahamakan.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.