Napagbintangan na Mamamaslang ang Lalaki Dahil Nag-uuwi Ito ng Putul-Putol na Katawan ng Tao sa Bahay, Labis ang Pagkapahiya ng mga Kapitbahay nang Malaman Kung Ano ang Katotohanan sa Likod Nito

Pinag-uusapan ng mga kapitbahay ang lalaking bagong lipat sa kanilang barangay. Napakahaba kasi ng buhok nito at palagi pang naka-shades kahit hindi tirik ang araw at kahit gabi na. Kakaiba din ang kilos nito kapag umuuwi, titignan muna ng lalaki ang paligid saka papasok sa loob ng bahay. Napapansin din ng mga tsismosa ang malaking itim na plastic bag nito na ipinapasok sa bahay kapag dumarating.

“Naku, duda talaga ako sa lalaking iyan, may itinatago talagang lihim!” sabi ni Lita.

“Kapag nakakasalubong ko nga iyan palaging umiiwas ng tingin. Kala mo may kinatatakutan,” wika naman ni Divina.

“At kung umuwi ay alas dose ng gabi. Minsan nung sumilip ako sa bintana nakita kong may ipinasok na naman siyang malaking plastic bag sa bahay niya,” kuwento ni Osang.

“Huwag kayong mag-alala at magmamanman ako,” sabi naman ni Une na barangay tanod.

Isang gabi inabangan talaga ni Une ang pagdating ng lalaki. Napansin agad niya na lumilinga-linga muna ito bago pumasok sa bahay at may dala itong itim na plastic bag.

“Yari ka sa akin ngayon!” nakangising bulong sa sarili.

Nang pumasok na ang lalaki ay dali-daling sumilip si Une sa bintana. Kitang-kita niya na nagbukas ng ilaw ang lalaki at inilapag sa sahig ang dalang malaking plastic bag. Nang buksan nito ang plastic ay kinilabutan siya dahil ang laman pala noon ay putul-putol na parte ng katawan ng tao.

Advertisement

“Diyos ko, ano iyan?! Chinap-chop na katawan? Killer ang lalaking ‘to!” takot na sabi niya sa isip.

“Nagmamadaling pumunta sa pulisya ang lalaki at isinumbong ang nakita.

“Maniwala kayo sa akin, totoo ang nakita ko!” sabi niya sa pulis.

“Une, kilala ka na namin. Hari ka ng tsismis sa barangay kaya huwag mo kaming abalahin. Gabing-gabi na, itulog mo na iyan!” natatawang wika ng kausap.

“Totoo po ang sinasabi ko sir, tara puntahan natin para malaman niyo na hindi ako nagsisinungaling!”

“Hindi kami puwedeng basta na lang sumugod dun ng walang arrest warrant. At saka anong matibay mong ebidensiya? Nakuhanan mo ba ng litrato o video na may nakita kang putol na katawan?”

Napakamot na lang sa ulo ang lalaki.

“Wala, pero titiyakin ko sa inyo na totoo ang nakita ko!”

Advertisement

Kinaumagahan ay ikinuwento niya sa mga kapitbahay ang nasaksikhan sa bahay ng misteryosong lalaki.

“Totoo ba iyang sinasabi mo, Une?” gulat na sabi ni Osang.

“Ano kaya ang ginagawa niya sa mga putul-putol na katawan? Naku, baka kanibal ang lalaking iyon! Nakakatakot naman!” wika ni Divina.

“Diyos na mahabagin, kung totoo iyan ay dapat na mahuli at makulong ang lalaking iyan. Baka dito pa siya maghasik ng krimen!” gatol pa ni Lita.

“Kaso nga ayaw maniwala sa akin ng mga pulis. Wala raw akong sapat na ebidensiya na magpapatunay na killer nga ang lalaking iyon!”

“Ang mabuti pa, Une ay kunan mo ng video o litrato gamit ang cellphone mo. Aktuhan mo ulit na may ginagawa siyang kababalaghan saka mo piktyuran o bidyuhan!” suhestyon ni Divina.

“Oo, ganoon nga ang gagawin ko. Mamayang gabi ay tiyak na hindi na siya makakaligtas!”

Inabangan niyang muli ang pagdating ng lalaki. Lampas alas dose na ng hatinggabi ng umuwi ito. May dala itong plastic bag na kulay itim at ipinasok sa loob ng bahay.

Advertisement

Agad siyang sumilip sa bintana at laking gulat niya nang makita na ang laman ng plastic bag ay mga kalansay at bungo ng tao.

“Hayup kang killer ka, todas ka na ngayon!” aniya sabay binidyuhan at kinuhanan ng litrato ang nakita sa pamamagitan ng kanyang cellphone.

Nagmamadaling pumunta si Une sa pulisya at ipinakita ang nakuha niyang ebidensiya.

“O, ayan kitang-kita na may dala siyang mga buto ng tao. Dakpin niyo na ang lalaking iyan!”

Walang nagawa ang dalawang pulis at sinamahan si Une sa bahay ng lalaki. Ginising din nito ang mga kapitbahay para masaksihan ang paghuli sa kriminal.

Kinatok ng pulis ang pinto at agad naman iyong binuksan.

“Mawalang galang na po, maaari po ba namin kayong maimbitahan sa presinto?” tanong ng isang pulis.

“Ha, ano pong problema, sir?”

Advertisement

“May nakapagsabi po kasi sa amin na may inuuwi ka raw ditong mga putul-putol na parte ng katawan ng tao at mga kalansay, totoo po ba iyon?”

“A, e oo. Paano niyong nalaman?” takang tanong ng lalaki.

Nagulat ang dalawang pulis sa tanong ng lalaki.

“Umamin ka na kasi na isa kang killer. Kaya ka nag-uuwi dito sa bahay mo ng chop-chop na katawan ng tao dahil ikaw ang pumaslang sa kanila!” sabad ni Une.

Natawa ang lalaki sa sinabi ng barangay tanod.

“A, iyon ba? Sumunod kayo sa akin at may ipapakita ako sa inyo!”

Binuksan ng lalaki ang isang kuwarto at tumambad sa kanila ang sari-saring prosthetic na manekin at maskara. Itinuro ng lalaki ang sinasabing putul-putol na katawan ng tao at kalansay.

“Ito po ba ang sinasabi niyo?” Hindi po iyan totoo, ginawa ko lang iyan! Isa akong prosthetic at make up artist. Marami kasing nagpapagawa sa akin ngayon kaya gabi na ako nakakauwi at dito ko na lang dinadala sa bahay ang mga hindi ko natatapos,” bunyag nito.

Advertisement

“Naku po, pasensya na po kung pinagbintangan po namin kayo. Nakaabala pa po kami,” wika ng pulis.

“Sorry po, maling impormasyon lang po ang nakarating sa amin,” sabi ng isa pa.

Labis ang pagkapahiya ni Une at ng mga kapitbahay nang malamang hindi totoo ang kanilang mga ibinintang sa lalaki.

“Paumanhin sa iyo, akala kasi namin ay killer ka kasi kakatwa ka kung kumilos at ang hitsura mong mahaba ang buhok at palaging naka-shades at lilingon-lingon ka pa kapag pumapasok ng bahay mo,” sabi ni Une.

“Porke’t mahaba ang buhok ko, killer na agad? Istayl ko kasi iyan, at ang dahilan kung bakit ako naka-shades ay kirat ang isa kong mata kaya ayaw kong ipakita sa mga tao. Saka kung bakit ako lumilingon sa paligid bago ako pumasok ng bahay ay dahil naholdap ako dati habang papasok sa inalisan kong bahay. Nagkaroon ako ng trauma, kaya nakaugalian ko nang lumingon-lingon bago ako pumasok sa bahay sa takot na mangyari ulit ang nangyari sa akin noon,” paliwanag ng lalaki.

“Ganoon pala, pasensya ka na talaga kung napag-isipan ka namin ng masama. Sige at aalis na kami. Sorry at naisotorbo ka pa namin,” paumanhin ni Osang.

Paglabas nila ng bahay ay pinayuhan ng dalawang pulis ang mga kapitbahay lalong-lalo na si Une.

“Sa susunod ay huwag kayong manghuhusga ng inyong kapwa. Tignan niyo, wala palang kasalanan iyong tao, prosthetic artist lang pala, pinagbintangan niyong killer? At ikaw Une, magtanda ka na sana sa pagkakataong ito, ha?”

Advertisement

Tumango lang sila sa sermon ng mga pulis at nagsibalik na sa kanilang mga bahay matapos ang naranasang kahihiyan.

Mula noon ay hindi na nila ginambala pa ang lalaki at tumigil na rin sa pagiging tsismoso si Une.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!