Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Pagkagat ng Dilim - Inday Trending

Pagkagat ng Dilim

Isa sa pinakamagandang binibini ang dalagang si Maricopa sa kanilang lugar. Bukod sa magandang mukha ay nakapamahinahon rin magsalita ng dalaga, kaya nga hindi maipagkakaila na kinahuhumalingan siya ng marami.

Kaya nga lang marami ring babae ang naiingit sa taglay na ganda niya at pilit na hinahanap siya ng butas upang masira ang babae. Isa na nga sa mortal na kaaway ni Maricopa ay ang dalagang si Valerie.

“Kaya ba hindi mo ako gusto dahil si Maricopa rin ang nais mo?” tanong ni Velerie, ang anak ng vise sa kanilang lugar.

“Pasensya ka na Valerie, maganda ka rin naman ngunit hindi lang talaga ikaw ang babaeng tipo ko. Saka isa pa hindi ako sanay na babae ang umaakyat ng ligaw sa mga lalaki, labas sa usapan dito si Maricopa,” wika naman ni Miguel, ang nag-iisang anak ng mayor.

“Labas sa usapan? E halos hubaran mo na iyang si Maricopa kakatitig mo diyan!” baling ni Valerie at hinampas ang lalaki.

Sumasayaw ng pandanggo sa ilaw si Maricopa ng mga oras na iyon, nagpatawag kasi si Mayor Guzman upang magtangahal dahil pista naman sa kanila at isa ang dalaga sa mga sumasayaw.

Tila lalong nagliliwanag sa ganda ang dalagang si Maricopa habang patuloy ito sa pagsayaw at halos lahat ng lalaki ay parang ginagayuma ng kaniyang pag-indayog.

“Maricopa, maari ba kitang anyayahan para magtsaa kahit saglit lamang?” tanong ni Miguel nang matapos ang kaniyang pagsayaw.

“Naku, maraming salamat po pero hindi na ako maari pang magtagal. Kailangan ko na pong umuwi,” sagot naman ng dalaga.

“Hoy Maricopa, hindi ka ba nahihiya? Anak ng mayor yung nagyayaya sayo tapos ganyan ka kaarte!” baling ni Valerie na nasa tabi lamang ng lalaki.

“Naku pasensya na ho talaga, ipagpaumanhin po ninyo kung kailangan kong taggihan ang alok na tsaa. Kung gusto mo naman Valerie ay ikaw na lang ang sumama kay Sir Miguel,” sagot ni Maricopa sa babae.

“Kita mo na, sabi ko naman sayo maganda lang ‘yan pero masama din tabas ng dila at tinanggihan ka pa talaga,” saad naman ni Valerie at sabay na lang nilang tinignan na umalis si Maricopa, nagmamadali ito na tila ba may hinahabol.

“Alam mo kaunti na lang ay maniniwala na ako sa mga naririnig ko diyan tungkol kay Maricopa,” saad muli ni Valerie sa lalaki.

“Na kaya hindi siya nagpapaabot ng gabi dahil nagpapalit siya ng anyo at nagiging halimaw? Diyos ko naman Valerie, panahon pa iyon ng mga ninuno natin kaya hindi ako naniniwala,” sagot naman kaagad ni Miguel.

“Malay mo naman totoo, bakit ba hindi natin sundan? Huwag mong sabihin na natatakot ka rin kaya ayaw mo? Ilang beses ko na bang narinig yung kwento na iyon saka hindi lang ito ang unang pagkakataon na lagi siyang kumakaripas ng uwi pag malapit na mag alas otso, maaga pa nga iyon kung susumahin,” pahayag naman ng babae.

Marami nang kwento ang kumakalat na aswang daw si Maricopa, ang iba naman ay manananggal daw at nahahati ang katawan kaya kailangan niyang umuwi bago pa sumapit ang alas otso. Ang kwento naman ng ilan ay nagiging halimaw daw ang babae at kinukulong ang sarili sa kanilang bahay upang hindi makapanakit, sumakto pa na nakatira siya sa dulo ng kanilang lugar kung saan wala siyang ibang kapitbahay kundi ang mga puno ng mangga.

“Ako, natatakot? Hindi ano! hindi lang ako naniniwala na ganun ang katauhan ni Maricopa, kung gusto mo ay sundan pa natin ngayon,” hamon naman ni Miguel.

Natuwa naman si Valerie dahil sa wakas mabubunyag na ang lihim ng kaniyang tinuturing na karibal pagdating sa ganda. “Pag nalaman ng lahat na halimaw siya paniguradong babalik na sa akin titulo bilang mutya ng nayon na ito!” isip-isip ng babae habang mahigpit siya nakakapit kay Miguel at umaaktong natatakot.

Madilim ang daan at malamig ang simoy ng hangin. Nakarating na sila sa bahay ni Maricopa at mahahalatang puro kandila ang liwanag na nagmumula sa loob ng bahay

“Tingnan mo, puro kandila! Diyos ko, baka nagdadasal na siya, alas otso na rin e. Baka mamaya niyan ay tayo pa ang kainin niya,” kinakabahang saad ni Valerie kay Miguel.

“E kung totoong halimaw siya, hawakan mo itong bato para kapag sinipa ko ang pinto ay ibato mo kaagad saka tayo tumakbo,” nanginginig na pahayag ni Miguel sa dalaga.

Maya-maya pa ay buong pwersang sinipa ni Miguel ang pintuan ni Maricopa ngunit siya mismo ang humagis paloob dahil sumakto naman na binuksan ito ng dalaga.

“Sir Miguel? Valerie? Anong ginagawa niyo dito?” tanong ni Maricopa.

“Teka lang, bakit hindi ka pa aswang? Alas otso na ha, naramdaman mo sigurong paparating kami kaya nakapagpalit ka kaagad ng anyon ano?” tanong ni Valerie na hawak pa rin ang bato.

“Ha, aswang? Anong pinagsasabi niyo? Naniniwala talaga kayo sa mga sinasabi ng ibang tao tungkol sa akin?” natatawang wika ni Maricopa.

“E bakit puro kandila? saka bakit lagi kang nagmamadali kapag mag aalas otso na, e diba kasi kailangan mong magtago kasi nagpapalit ka ng anyo, aswang, mananangal o ‘di kaya naman halimaw!” sigaw pa ni Valerie.

Kaya lamang ay napahinto siya ng makita ang loob ng bahay ni Maricopa dahil puro ito litrato, magagandang litrato.

“Ikaw ba ang kumuha ng lahat ng ito?” tanong ni Miguel nang makatayo siya mula sa paagkakadapa kanina.

“Ah, opo Sir Miguel, iyan ang kabuhayan ko saka iyan din ang hilig ko. Pasensya na kayo kung puro kandila ang bahay, ganito po talaga ang ilaw na kailangan para mas makita ang mga kuha ko,” paliwanag ng dalaga saka niya pinaandar ang ilaw at pinatay ang mga kandila.

“Kaya palagi akong umuuwi ng alas otso dahil kailangan kong asikasuhin ito mga kuha kong litrato, saka isa pa inaabangan ko ang isang teleserye sa radio. Ito pakinggan niyo,” saad pang muli ni Maricopa saka niya niloadspeak ang radyo mula sa kaniyang telepono.

“Ibig sabihin hindi totoo ang mga kumakalat na kwento. E bakit hindi mo man lang sinasabi sa ibang tao ito nang hindi ka nila ginagawan ng kung ano-anong imahe na pinangtatakot sa mga bata at maging sa amin,” baling ni Miguel.

“Mahihirapan lamang akong kausapin ang bawat tao at ipaliwanag ang ginagawa ko, mas masaya kayang kinakatakutan!” at natawa pa ang dalaga.

Hindi na nagsalita pa si Valerie at umalis na lang ito dahil naiirita siyang makita na mukhang mas magkakamabutihan pa ngayon sina Maricopa at Miguel.

Hindi rin nagtagal ay kumalat ang totoong pagkatao ni Maricopa at natigil ang mga kwentong kababalaghan patungkol sa magandang dalaga. Mas lumawak rin ang talento nito dahil ngayon ay opisyal na siyang nag-aaral ng potograpiya.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.