Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Sikreto ni Mang Pedring - Inday Trending

Sikreto ni Mang Pedring

Lumaki sa Catanduanes itong si Dexter at doon na rin nagtapos ng kolehiyo, ngunit sa kagustuhang maging abogado ay iginapang siya ng kanyang mga magulang na makapag-enroll sa isang Law School sa Maynila.

Mangingisda ang kanyang ama, at tindera naman ng isda ang kanyang ina. Kaya naman upang makatipid ay naghanap ng pinakamurang paupahan sa Maynila ang binata. Kaya’t laking tuwa niya nang matagpuan ang paupahan ni Mang Pedring.

Studio type lamang ang apartment, pagpasok mo ng pintuan ay makikita mo na kaagad ang kabuuan ng bahay. Walang problema iyon kay Dexter dahil magsisilbi lang naman iyong tulugan at pahingahan niya pag-uwi niya mula sa eskwela. At isa pa, P1000 kada buwan lamang ang napagkasunduan nilang upa.

Isang gabi, maagang nahiga si Dexter dahil natapos na siyang makapag-review ng mga aaralin nila bukas. Maaga rin kasi ang gising niya bukas dahil plano niyang maghanap ng trabaho dahil mahina raw ang bingwit ng kanyang papa sa probinsya.

“Tug! Tug! Tug!” paulit-ulit na pag galabog sa kabilang bahay na katabi lamang halos ng kwartong inuupahan niya.

“Ano ba ‘yon? Gabi-gabi na lang may ganoon. Kaso ang sabi ni Mang Pedring, ‘wag na ‘wag daw akong pupunta doon dahil pribadong kwarto niya iyon. Hay nako, Dexter! Matulog ka na nga! Kung ano-ano pang iniisip mo,” bulong nito sa kanyang sarili habang pinipilit na hindi indahin ang ingay na nagmumula sa kabila.

Ilang gabi pa ang lumipas at walang palyang gabi-gabi pa ring naririnig ni Dexter ang kakaibang tunog na iyon. Ngunit isang gabi, hindi na niya napigilan ang sarili nang magising siya sa isang malakas na hiyaw ng babae.

Napabalikwas ng bangon si Dexter, at tangan-tangan ang kanyang cellphone ay dahan-dahan itong lumabas ng kanyang silid patungo sa kabilang bahay. Pawis na pawis din siya nang dahil sa hindi maipaliwanag na kaba.

Walang ibang tao sa mga oras na iyon, wala ring ilaw na nakasindi sa paseo ng sunod-sunod na kwarto kaya naman kakaibang takot din ang naramdaman ng binata. Bagama’t hindi siya naniniwala sa mga multo’y hindi niya maiwasang mag-isip ng kung ano-ano habang dahan-dahang sumisilip sa bintana ng kabilang bahay.

“Aba, may kandado pero naiwan ata ni Mang Pedring na bukas,” bulong niya sa sarili at buong tapang na pumasok sa nakabukas na pintuan ng bahay.

Madilim at walang kahit na anong gamit sa bahay. Mabuti na lamang at dala niya ang kanyang cellphone kaya naman ginamit niya ang liwanag mula rito upang hindi siya madapa sa kanyang nilalakaran. Sa kanyang paglilibot ay wala naman siyang ibang taong nakita roon.

“Wala namang tao e. Saan galing ‘yong ingay? Diyos ko, minumulto na nga ba ako?! Nababaliw na ba ako dahil sa dami ng mga inaaral ko?!” bulong muli nito sa sarili habang papalabas na ng bahay.

“Tug! Tug! Tug!” narinig na naman muli ni Dexter ang galabog. Sa takot niya’y bigla niyang dinampot ang kapiraso ng bakal na tubo na nakita niyang nakapatong sa maliit na lababo ng bahay.

Nagmadali nang lumabas ng bahay si Dexter upang bumalik sa sarili niyang kwarto, ngunit nakaramdam siya bigla ng dalawang malalamig na kamay na bigla na lamang humawak ng mahigpit sa kanyang mga paa.

“Put*ng ina!” napasigaw si Dexter sa takot, dahil nang itapat niya ang flashlight ng kanyang cellphone sa paanan ay bumulaga sa kanya ang isang dalaga.

Gula-gulanit na ang damit nito. May busal ang bibig, puno ng sugat at pasa ang katawan, at halos sarado na ang isang mata nang dahil yata sa pagkakasapak dito.

“A- anong nangyari sa’yo?! Sino ka?! Diyos ko! Tao ka ba o multo?!” sunod-sunod na tanong ni Dexter habang tinatanggal ang busal sa bibig ng babae. Nanlaki ang kanyang mga mata nang mamukhaan ang dalaga.

“I- ikaw ‘yong babaeng nasa TV ah! Hinahanap ka ng mga pulis, ikaw ‘yong anak ng Mayor na na-kidnap!” bulalas ni Dexter sa babae.

“Oo, ako nga. Tulungan mo ako, parang awa mo na. Nakatakas ako mula doon oh. Sa maliit na sikretong kwarto sa loob ng bahay na ito. Pabalik na siya! Pabalik na siya!” nagwawalang sabi ng nanghihinang dalaga.

Bago pa man sila tuluyang makaalis ay dumating na nga si Mang Pedring!

“Hindi ba’t sinabi ko sa’yo na huwag na huwag kang pupunta rito?!” sigaw ng matanda sabay tutok ng baril kay Dexter.

Bago pa man ito makalabit ng matanda, tumakbo ng napakabilis si Dexter at saka ipinalo ang hawak na tubo sa ulo ni Mang Pedring. Pero hindi pa rin ito nawalan ng malay! Kahit matanda na’y malakas pa rin siya!

Nakipag-agawan ng baril itong si Dexter sa matanda, at sa ‘di inaasahang pangyayari ay nakalabit nito ang gatilyo at tinamaan si Dexter sa braso.

“Iyan ang napapala ng nangingialam! Akala ko’y tatanga-tanga ka dahil probinsyano ka, e pakialamero ka naman pala!” sigaw ng matanda at itinutok nang muli ang baril sa ulo ni Dexter upang wakasan na ang buhay nito.

*Pak! Pak! Pak!*

Tatlong sunod-sunod na pagbaril ang umalingawngaw sa loob ng silid. Akala ni Dexter ay katapusan na ng kanyang buhay, ngunit laking gulat niya nang bigla na lamang umagos ang dugo sa dibdib, hita, at braso ng matanda. Matapos ay bigla na lamang itong humandusay sa sahig.

Dahil nahihilo na mula sa pagkawala ng napakaraming dugo, tuluyan nang nawalan ng malay si Dexter.

Nagising ang binata sa ingay ng mga taong nakapaligid sa kanya. Pagdilat niya, nasa loob siya ng pribadong silid sa isang ospital at katabi niya ay ilang doktor. Naroon din si Mayor Cabinbin, ang ama ng dalagang nailigtas niya.

“Dexter? Maraming maraming salamat sa katapangang ipinakita mo. Ang akala ko’y hindi ko na makikita kailanman ang unica hija ko,” sabi ni Mayor habang pinipigil ang pagpatak ng kanyang luha.

Napag-alaman ni Dexter na halos isang buwan na palang hostage ang anak ni Mayor Cabinbin na si Shiela. Si Mang Pedring pala ay isa sa mga dating tauhan ni Mayor na natanggalan ng trabaho matapos mahulihan na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. At dahil sa kagustuhang makapaghiganti sa Mayor ay kinidnap nito si Shiela.

Nang dahil doon, sinagot na ni Mayor Cabinbin ang pagpapa-aral ng abogasya kay Dexter. Pinangakuan rin siya ng internship sa kongreso. At bukod pa roon, binigyan pa siya ng perang gantimpala ni Mayor at ng kanyang asawa.

Nabigyan naman ng sapat na hustisya ang pagpapahirap kay Shiela. Hindi pa tuluyang binawian ng buhay si Mang Pedring sa tatlong bala ng baril, ngunit habambuhay naman na siyang maghihirap sa loob ng kulungan.

Mabuti na lamang at nawakasan ang halos isang buwang pagpapahirap sa dalaga nang dahil sa katapangan at lakas ng loob ni Dexter.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.