Ganti ng Kalikasan

“Mama saan ko pwede itapon itong balat ng biscuit?” ika ng pitong taong gulang na batang si Dustin.

“Ihulog mo na lang dyan sa bintana, nak.” sambit ni Wendy sa anak.

Mag-aanim na taon na simula nang pumanaw ang asawa ni Wendy dahil sa isang car accident, dahilan para maghirap ang kanilang buhay. Mag-aanim na taon na ring nakatayo sa dagat ang kanilang bahay, kaya naman ang kanilang mga basura, dumi at ihi ay direktang napupunta roon.

Alam ng mga residente na mali ang kanilang ginagawa ngunit naiisip nilang wala naman silang ibang pagpipilian.

Isang araw, nagulat na lamang si Wendy nang biglang umuga ang kanilang bahay.

“Dustin! Huwag ka masyadong magtatatalon! Baka bumagsak ang bahay natin!” sigaw niya sa anak.

“Ano po? Eh Mama nakaupo nga lang ako dito pero biglang gumagalaw yung mga upuan.” depensa nito saka niya napagtantong lumilindol, nagsimula na siyang mataranta lalo na nang magsigawan ang kanilang mga kapitbahay.

Palakas nang palakas ang paggalaw ng mga bahay, sinasabayan naman ito ng alon ng dagat, kaya naman takot na takot na ang mga residente. Lahat sila ay naaalarma na, nag-iiyakan na ang mga bata habang nanginginig na sa takot ang mga matatanda.

Advertisement

“Magsilikas na kayo! Pumunta na kayo sa pinakamalapit na paaralan!” pauli-ulit na sigaw ng tanod sa kanilang barangay.

Ngunit hindi naman makapunta roon ang mga tao dahil nga natatakot sila na mabagsakan ng puno o poste ng kuryente sa daan. Sa kabutihang palad naman, makalipas ang ilang minuto, tumigil na ang paglindol.

Halos lahat ay nakahinga na ng maluwag. Ang iba ay nagsisitalon sa tuwa dahil walang masamang nangyari sa kanila. Yakap- yakap naman ni Wendy ang kanyang anak na hindi makaimik sa takot.

“Sshh Dustin, tapos na. Huwag kanang matakot, andito lang si Mama.” ika niya sa kanyang anak na nakatulala lamang sa kanilang sahig.

“M-mama, diba po may tubig sa dagat kanina? Bakit po biglang nawala? Saka bakit po parang luminis ang dagat?” sunud-sunod na tanong ni Dustin dahilan para mapalabas sila ng bahay.

Doon nakita niya ang mga kapitbahay na tila nagtataka rin sa dagat. Bigla namang sumigaw ang kanilang barangay tanod, “Lumikas na kayo! May ganti pa yan!”

Dali-dali namang tumakbo ang mga residente palabas ngunit huli na ang lahat, kitang-kita ni Wendy ang laki ng alon na lalamon sa kanila kaya naman agad niyang binuhat ang anak at tumakbo. Pero dahil nga sa dami nang taong nag-uunahan, lahat sila ay nalamon ng alon.

Mahigpit na yakap ni Wendy ang umiiyak na anak habang pilit niyang pinapalutang ang sarili sa tubig dagat na puno ng balat ng pagkain, styrofoam, mga lumang higaan at iba pa. Sakto namang naanod ang mag-ina sa isang puno dahilan para makakapit sila. Maya-maya pa, unti-unti nang kumakalma ang tubig galing sa dagat, bumaba na ito at nagsilitawanan na ang mga taong nasalanta. Ang iba ay wala nang buhay.

Advertisement

Wala nang ibang nagawa si Wendy kundi ang umiyak at manalangin sa Diyos dahil sa delubyong naranasan. Kitang-kita niya ang mga nag-aagaw buhay na mga bata sa ibabaw ng mga sasakyan, mga matatandang umiiyak at mga kalalakihang buhat ang mga mahal nilang nakalupaypay.

Nawalan na rin ng malay ang kanyang anak dahil sa takot. Agad niya itong binuhat at pumunta siya sa lugar kung saan nakatayo ang kanilang bahay ngunit wala nang natira roon.

Halos manlumo sa nakita si Wendy, ika niya, “Kapag talaga ang kalikasan ang gumanti, walang ititira sayo.” saka siya nangako sa sarili na magiging responsable nang mamamayan.

Maraming tulong mula sa iba’t-ibang parte ng bansa ang dumating sa kanila. Dahilan para muli silang makabangon. Nagkapit bisig naman ang mga residente sa kanilang barangay upang muli na maitayo ang kani-kanilang bahay kabilang na ang kina Wendy. Nangako ang bawat isa na kahit kailan hindi na muli sila magtatapon sa dagat, gumawa na rin sila ng paraan para magkaroon ng septic tank upang hindi na mapinsala ang tubig ng dagat.

Simula nang mangyari ang delubyo, hindi na kailanman inabuso ng mga residente doon ang dagat na pahiram lamang sa kanila bagkus iningatan nila ito.

Kapag talaga ang kalikasan na ang gumanti, walang sinuman ang makakapigil dito kaya marapat lamang na habang pinapahiram pa ito sa atin ng Maykapal, ingatan natin ito at huwag abusuhin.